8: Ang Ama at ang Anak

908 49 2
                                    

CARMENCITA
KABANATA 8: ANG AMA AT ANG ANAK

"BAKIT hindi niyo po masabi sa akin ang pangalan ng anak niyo? May malaking posibilidad ba na ako ang nawawala ninyong anak?" nilabas na ni Carmencita ang kanyang totoong saloobin kay Renato.

"A--ah... ano ang sinasabi mo?"

"Carmencita ang pangalan ng anak mo, hindi po ba?" patuloy na sabi ni Carmencita. Ngunit ayaw ni Renato na sabihin ang totoo para na rin sa kapakanan ng anak niya.

"H--hin--"

"Itay?" maluha-luha na sabi ni Carmencita.

Marahil ito na ang sinasabi ni Lucid sa dalaga na kilalanin niya ang matandang lalaking tumulong sa kanya. Kahit ano ang pigil ni Renato sa kanyang sarili, nang marinig niya ang salitang 'itay' bumigay ang kanyang damdamin.

Mabilis niyakap ni Renato si Carmencita. "Anak! Anak ko!" luhaan na ang mga mata ni Renato. Maski si Carmencita ay dumaloy na rin ang mabigat na tubig na nasa kanyang mga mata.

"Hindi ko alam kung saan ko kayo hahanapin? Hindi ko alam kung buhay pa kayo? Hindi ko alam kung paano ko pa itutuloy ang buhay ko? Itay, Itay! Tulungan niyo po akong maging masaya," umaagos ang luha ni Carmencita. Hindi makapagsalita si Renato. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin sa anak. Dahil alam niya ang buhay ni Carmencita. Ipinanganak siyang kakambal ang malas at sumpa ng kamatayan.

"Bakit? Bakit po ako nahiwalay sa inyo?"

"May mga bagay na dapat kailangan intindihin kahit hindi mo na ito maintindihan, anak. Nais kitang tanungin kung paano mo nalaman na ikaw ay aking anak?" tanong ni Renato sa kanya habang patuloy na dumadaloy ang kanyang luha.

"Dahil po sa kwento ninyong naging trahedya ng iyong pamilya. Nakita ko na po sa aking panaginip. Ako po, Itay. Paano ako nawala sa piling mo? Hindi ko na nakita ang kasunod na nangyari sa aking panaginip," paliwanag ni Carmencita sa kanyang ama at pinunasan na niya ang kanyang luha sa pisngi. Ganun din si Renato. Naging kalmado na ang kanilang pakiramdam.

"Ang tanging natatandaan ko na lang, nang bukas pa ang aking mata. Ikaw ay umiiyak," tugon ni Renato.

"Pagkatapos po?"

"Hindi ko na alam ang nangyari anak, dahil sa kadahilanan na hindi ko na kayang tiisin ang sakit ng tabak na nakabaon sa akin," umiwas ng tingin si Renato kay Carmencita. Mas pinili niya ang magsinungaling sa kanyang anak. Ang totoo, nasaksihan niya kung paano nawala si Carmencita sa kanyang harapan.

*****

"Kung totoo man ang sabi-sabi. Isinusumpa ko rin sa ilalim ng liwanag ng buwan. Sa nagliliyab na katawan ng iyong ina. Kahit ano ang pighati o kahirapan ang mararanasan mo aking anak, ito ay malalampasan mo. May darating na tutulong sa iyo. Lalaki kang maganda at busilak ang puso. Ikaw ay tatawagin ko sa pangalan na CARMENCITA!"

Hindi alam ni Renato na tinawag na ni Aling Iska ang mga kalalakihan sa kanilang lugar upang patayin ang sanggol. Hindi pansin ni Renato na nasa likuran na niya ang mga ito. Hindi inaasahan ni Renato ang espadang bumaon sa kanyang katawan. Tumulo ang dugo sa kanyang bibig.

"Kunin ninyo ang sanggol!" sigaw ni Aling Iska. Kinuha ng isang lalaki ang sanggol sa mga kamay ni Renato. Bumagsak ang katawan ni Renato sa lupa.

"C--carmencita..." pilit inaabot ng kamay ni Renato ang kanyang anak na walang tigil sa pag-iyak. Wala na siyang magawa dahil sa kanyang kalagayan. Ilang segundo na lang nararamdaman na niyang mawawalan na siya ng hininga.

"Patayin ninyo ang sanggol!" sigaw ni Aling Iska.

"H--hindi!" huling sigaw ni Renato. Kasabay nito ang isang malakas na alulong mula sa gubat.

Bago pumikit ang mga mata ni Renato. Nakita niya ang isang itim na anghel sa tabi ni Carmencita. Nakatitig ang mga mata ng itim na anghel kay Renato.

"Narinig ko ang tawag mo. Narinig ko ang iyak ng babaeng sanggol na ito. Ililigtas ko siya, tutulungan at gagabayan habang siya ay lumalaki. Ngunit pagsapit ng kanyang ika-labing walong taong gulang, siya ay aking kukunin at dadalhin sa aking kaharian," sabi ng itim na anghel kay Renato gamit lamang ang kanyang isipan. 'Saka siya biglang nawala, kasama ni Carmencita. Pumikit na rin ang mga mata ni Renato.

*****

"ITAY!" tawag ni Carmencita kay Renato. Napansin niyang naging tahimik ang kanyang ama.

"Ayos lang po ba kayo? May iniisip po ba kayo?"

"Ah, wala. Patawad anak, kung hindi kita hinanap. Dahil alam kong kapahamakan lang ang dala ko sa iyo," muli, lumuha ang mga mata ni Renato. Hindi dahil sa kanyang sinabi, ito ay dahil kay Lucid.

"Huwag na po kayong umiyak, Itay. Masaya po akong nagkita na tayo. Hindi po kita iiwan kahit na ano ang mangyari," paliwanag ni Carmencita at niyakap niya ang kanyang ama. Mas lalong napaiyak si Renato dahil pagsapit ng ikalabing walong taong gulang ni Carmencita, tuluyan na siyang kukunin ni Lucid, siya ang babaeng napili ng itim na anghel para maging katuwang niya sa kabilang mundo.

"Tay, tama na po. Ikuwento niyo na lang po sa akin kung paano kayo nakaligtas," dugtong pa ni Carmencita. Kumawala si Renato sa pagkakayakap niya sa kanyang anak.

"Nang gabing iyon, nang bigla kang mawala. Ang mga tao sa itaas ng bundok sila na rin ang nagligtas sa akin. Humingi sila ng tawad sa akin, tao lang din naman ako na kailangan kong magpatawad. Ngunit umalis pa rin ako sa lugar para matahimik na ang lahat. Dito sa ibaba ako nanirahan," kuwento ni Renato. Naging tahimik lang si Carmencita.

"Anak, huwag ka sanang magalit sa kanila. Alam mo--"

"Naiintindihan ko po, Itay. Kayo na rin po ang nagsabi na may mga bagay na kailangan intindihin kahit hindi na ito maintindihan."

"May hiling sana ako sa iyo, anak."

"Ano po iyon?"

"Umalis ka na lang sa lugar na ito. Kapag nakita ka nila o nalaman nilang buhay ka, kamatayan ang naghihintay sa iyo."

"Tay, matagal akong nangulila sa iyo. Matagal ko nang gustong maramdaman ang pagmamahal ng isang magulang. Kaya sana po huwag niyo na pong ipagkait sa akin ang pagkakataon na ito na makasama ka. Sanay po ako sa hirap. Gusto ko pong maging masaya na kapiling ka. Kung darating o totoo man ang sinasabi po ninyo na hahantong ang buhay ko sa kamatayan. Wala po akong pakialam. Ang mahalaga po sa akin sa mga darating na araw ay makakasama kita. Bilang anak niyo po at bilang ama ko kayo," paliwanag ni Carmencita at dumaloy muli ang kanyang luha.

"C--carmencita..."

"Huwag niyo po akong isipin, Tay. Sa araw na magkasama tayo dapat maging masaya tayo," patuloy na sabi ni Carmencita. Hindi na napigilan pa ni Renato ang humagulgol. Niyakap niyang muli ang kanyang anak.

"Kung buhay pa ang iyong Ina, tiyak na sobrang kaligayahan ang mararamdaman niya. Maaaring nais niya rin itong mangyari, ang magkasama tayo anak. Mahal na mahal kita, Carmencita. Nasa sinapupunan ka pa lang ng iyong Ina, mahal na mahal ka na namin."

"Kahit hindi ko po kayo nakasama sa aking paglaki. Malaki po ang puwang ninyo dito sa aking puso, Tay. Mahal na mahal ko din po kayo. Salamat po sa inyo at iniligtas niyo rin ang buhay ko," sagot ni Carmencita.

Hindi alam ni Carmencita, nakikita na ni Renato si Lucid sa labas ng kanilang bahay. Nasa itaas siya ng puni habang ang kanyang malalapad na itim na pakpak ay bukas.

"Huwag mong kalimutan ang naging kasunduan natin, Renato. Ilang araw na lang sasapit na ang ikalabing walong taong gulang ni Carmencita. Siya ay tuluyan ng magiging akin," sabi ni Lucid kay Renato, gamit lang ang kanyang isip. 'Saka biglang nawala si Lucid.


ITUTULOY...

*****

NO PLAGIARISM
All rights reserved - Copyright 2018
Isinulat ni: MC27 (MysteriousCharm27)

Immortals - CARMENCITA (Season 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon