Kabanata 5: Magic

184K 6.4K 1.4K
                                    

Magic

KUNG HINDI pa ako tinawagan ni Cooper, kanina pa siguro ako nakatitig dito sa libro na 'to. Parang may kung anong tumatawag sa akin sa loob.

Ang weird talaga.

H'wag mong sabihin na may sa maligno 'to?

"Hello, Cooper?" Bati ko.

"Nasaan ka na? Kanina pa kita tinatawagan. Akala ko ba hahanapin natin 'yong libro mo?"

Nawala na sa isip ko na magkikita nga pala kami. Si Liam kasi, eh. "Nakita ko na pala, nandito lang sa mesa. Sorry hindi ko agad nasabi, masama kasi 'yong pakiramdam ko."

"May lagnat ka ba? Uminom ka agad ng gamot," Hindi ko man siya nakikita pero nai-imagine ko ang mukha niyang alalang alala. "Gusto mo ba puntahan kita d'yan?"

"H'wag na, magpapahinga na lang ako. Kita na lang tayo bukas."

Binaba ko agad ang telepono at baka magpumilit pa siya na pumunta rito. Hindi sa ayoko siyang makita pero alam ko naman na pagod din siya sa work niya, eh. Kailangan niya rin naman magpahinga. Hindi lang naman sa mundo mo umiikot ang buhay niya.

Tinignan ko ulit ang libro.

Ilang minuto o oras na rin akong nakatitig sa kanya pero wala naman nangyayaring kakaiba kaya inisip ko na lang na baka nagkataon lang na hindi ko siya nakita kanina.

Inisip ko na lang 'yong manuscript na isusulat ko. Alam kong sawa na si Miss Andy sa pure romance kaya naisip ko na haluan ng fantasy ang isusulat ko at dahil mahal ko ang Chinese culture, mala Chinese Dynasty ang gagawin kong set-up.

Bigla akong na-excite.

Dati pa man, mahilig na akong magsulat sa blankong libro o notebook. Mas ramdam ko kasi 'yong sinusulat ko sa ganitong paraan kumpara sa pagta-type lang sa laptop.

Mas na-excite pa ako rito sa bago kong libro dahil bukod sa maganda ang itsura, bagay pa siya sa genre na isusulat ko.

Kinuha ko ang lapis ko at isinulat ko siya sa bago kong libro pero walang lumalabas. Napakamot tuloy ako sa ulo ko. "Anong problema?"

Sinubukan ko ulit pero wala pa rin talagang lumalabas.

Nakakapagtaka dahil bagong tasa lang naman ang lapis ko. Kumuha pa ako ng isang lapis pero gano'n pa rin, wala pa rin lumalabas.

"Anong problema, bakit ayaw niyong magpakita sa'kin?"

Sinubukan kong isulat ang dalawang lapis sa bond paper at sumulat naman ito. Kumunot ang noo ko sa mga nangyari. Ang laki ng problema ng libro na 'to. Naka-drugs ata 'to, eh.

Naalala ko 'yong pen na kasama ng libro. Sinubukan kong isulat 'yon at nagulat ako dahil may lumabas na sa mga pahina.

Anong ibig sabihin no'n? Itong pen lang na 'to ang pwedeng gamitin sa libro na 'to? Seryoso ba talaga? Paano nangyari 'yon? May something ba sa libro at sa pen na 'to?

"Ang cool pero ang creepy din," bulong ko sa sarili ko. "Choosy 'tong libro na 'to ha, parang mga lalaki."

Sinubukan kong burahin ang isinulat ko gamit ang pen pero ayaw mabura. Mahihirapan akong gamitin ito, bawal magkamali rito.

Napahiga ako sa kama ko.

Bigla tuloy akong tinamad magsulat sa libro. Bakit kasi hindi pwedeng burahin 'yong sinulat mo?

Polaris (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon