Kabanata 19: CCTV

88.3K 3.8K 774
                                    

CCTV

"Kamusta ka?"

Hindi ko masagot si Fashia dahil ang bilis nang tibok ng puso ko at kapag nagsalita ako baka mautal-utal lang ako. Baka mas lalo pang ma-praning ang tatay niya at kung ano pa ang isipin sa akin.

Lumapit siya sa tainga ko at bumulong, "Pasensya ka na kung nandito si Papa, ayaw niya talagang magpaawat kaya sumama na lang ako para kapag sumusobra na siya sa pagtatanong, mapigilan ko siya."

Nasa likuran lang namin ang tatay niya. Alam kong matulis ang tingin niya sa akin kaya nga hindi ako makatingin sa kanya ng diretso.

"Ano bang kailangan niya sa akin?"

H'wag mong sabihin na nalaman niya agad na kami ni Scion ang nasa news? Paano naman niya malalaman agad? Anong ebidensya niya? Hindi naman kita sa CCTV 'yong mukha naming dalawa.

Teka, hindi kaya sinumbong ako ni Liam? Ang sabi niya wala siyang pagsasabihan pero ano 'to? Paano nalaman ni Sir Raymond?

"Fashia, marami pa akong kailangan na gawin. Iwan mo na kaming dalawa para makapag-usap na kami," sa tono ng boses niya, inip na inip na nga siya.

"Papa, mahina pa si Serenity, hindi pa niya kayang humarap sa'yo."

"Hindi biro ang krimen na kinasasangkutan ng kaibigan mo kaya hindi ko 'to pwedeng ipagpaliban."

Krimen? Kailan pa ako nasali sa isang krimen? O baka advance lang mag-isip si Sir Raymond?

"Papa, pinagbibintangan mo na 'yong kaibigan ko! Hindi mo ba alam na pwede kang makasuhan sa ginagawa mo?"

Nag-iba ang timpla ng mukha ni Sir Raymond. Namumula na ang magkabilang pisngi at tainga niya. Lumalabas na rin ang mga ugat sa leeg niya, "Wala kang karapat na kwestyunin ang trabaho ko! Lumabas ka na ngayon din kung ayaw mong madamay ka rito. Tandaan mo na ako pa rin ang ama mo!"

Ako na mismo ang pumigil kay Fashia, "Sige na, lumabas ka na, ayokong madamay ka pa rito."

Kahit nanghihina pa ako ay haharapin ko siya. Alam ko naman sa sarili ko na wala akong ginagawang masama kaya hindi dapat ako matakot.

"Basta sumigaw ka lang ha, papasok agad ako sa loob," bulong sa akin ni Fashia.

Na-appreciate ko nang sobra 'yong ginagawa niya sa'kin. Hindi madaling kalabanin ang sarili mong ama para lang sa kaibigan mo. Hindi talaga ako nagkamali sa pagtitiwala sa kanya.

Pagkalabas pa lang ng anak niya ay humarap na siya agad sa akin.

"'Yong lalaking tumulak kay Cooper at 'yong lalaki na kasama mo papunta sa garahe ay iisa, tama ba ako?"

Paano niya nalaman ang tungkol kay Scion? May alam ba siya tungkol sa Polaris? O sadyang tamang hinala lang siya?

Anong dapat kong sabihin?

"Hindi ko alam kung anong sinasabi niyo."

Ngumisi siya at tila ba inaasahan na niya ang mga sagot ko, "Sabagay, wala nga namang taong aamin sa krimen na ginawa nila."

"Sir Raymond, pinagbibintangan niyo na po ako. Ano bang ebidensya niyo na ako nga 'yong tinutukoy niyo?"

Hindi naman namin na-report sa pulis 'yong taxi driver kaya walang magko-konekta sa akin at sa pangyayari kagabi. At sa CCTV naman, hindi kita ang mukha namin ni Scion kaya ano ang magiging ebidensya niya na ako nga talaga 'yon? Isa pa, sa kamandag ng ahas namatay si kuya kaya paano niya nasabi na isa 'tong krimen? Hindi ba pwedeng aksidente lang siyang nakagat ng ahas?

"Alam mo may kakaiba sa lalaking kasama mo pero dahil din do'n kaya ko nalaman na kayo ang dalawang pumasok sa garahe."

Kakaiba naman talaga si Scion. Hindi siya tao katulad namin pero paano naman nalaman ni Sir Raymond 'yon? Stalker ba namin siya?

Polaris (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon