Kabanata 42: Reyna Mogwai

58.5K 2.7K 298
                                    



KALIWAT kanan ang sunog at pagputok. Napakalakas din ng sigaw ng mga tao. Sigaw na natatakot at humihingi ng tulong. Wala pa man ding gabi ay napakadilim na ng kalangitan.

"H'wag kang lalayo sa'kin, pwede ba?" Sambit ni Scion habang nagpapakawala siya ng mga puting bola mula sa kamay niya. Dalawang tama lang ng ilaw na 'yon sa mga mogwai ay agad itong namamatay ngunit mabibilis sila kaya nahihirapan pa rin si Scion. "Xiang! Nakikinig ka ba?"

Hindi ko inaasahan na sisigawan niya ako pero naiintindihan ko naman na nag-aalala lang siya sa akin.

Sabagay, kapag nawala ako, hindi na sila makakabalik sa minamahal niyang prinsesa.

"Xiang!"

Niyakap niya ako at tumalon siya patalikod kasama ako. May ilaw na pula na hugis bilog ang muntik nang tumama sa amin. Galing 'to sa mga itim na salamangkero.

Agad na naglabas ng enerhiya si Scion sa kamay niya at pinuntirya niya ang taong tumitira sa amin. Natamaan agad ito at natumba. Hindi ko alam kung patay na siya o nawalan lang ng malay.

Hinawakan ni Scion ang magbilang braso ko. Kulay itim ang mga mata niya– ito ang unang beses kong nakita ang ganitong kulay ng mata niya. Hindi ko alam kung anong ibig sabihin nito pero isa lang ang sigurado ko, galit siya.

"Makinig ka naman sa'kin! Hindi ko alam ang gagawin ko kapag may nangyaring masama sa'yo!"

Inalis ko ang kamay niya sa braso ko, "Kaya ko ang sarili ko kaya h'wag mo na akong bantayan. Unahin mong patayin ang mga Mogwai. Bukas na ang eclipse kaya wala na tayong oras!"

Kinagat niya ang labi niya ang huminga siya nang malalim. Gusto pa siguro niyang umalma pero alam niyang hindi siya uubra sa akin.

Tama na 'tong barahin ko siya sa tuwing nagiging sweet siya sa'kin. Ayokong mahulog pa nang malalim sa kanya. Isa pa, sweet lang siya bilang kaibigan at hindi na hihigit doon.

"Grock at Shin, bantayan niyong mabuti si Serenity. Uunahin kong patayin ang malalaking Mogwai." Utos niya sa dalawa niyan tauhan na kanina pa namin kasama. Ito ata ang kanan at kaliwan niyang kamay. Alagad niyang mas malaki pa sa kanya. "H'wag na h'wag niyo siyang iaalis sa paningin niyo."

Tumalikod siya at tumalon nang napakataas papunta sa mga bubong ng mga bahay. Galit ba siya?

Hindi man lang niya ako nilongon. Kaliwat kanan ang pakawala niya ng puting bola ng enerhiya para tirahin ang mga nagwawalang halimaw.

"Bukod sa Prinsesa at sa kanyang ina ay wala nang ibang tao na mahalaga para sa Kapitan," Sambit ni Grock. Kalbo ang ulo niya pero punong puno ng balbas ang mukha niya. Puno ng tatto ang kamay niya, karamihan dito ay puro dragon. "Pero ngayon ay iba siya mag-alala para sa'yo, Lady Serenity."

"Lady?"

"Lady po ang tawag namin sa matataas na babae sa kaharian. Mataas pero mas mababa sa Prinsesa," dagdag ni Shin.

Alam ko ang ibig sabihin ng lady. Ako ang gumawa ng rule na 'yon sa mundo nila pero hindi ko lang akalain na tatawagin nila akong ganoon. Hindi naman nila ako lubusang kilala.

Pero anong sabi nila? Mas mababa ako sa prinsesa? "Ako kaya gumawa sa inyong lahat, kasama na yang prinsesa na 'yan kaya ako ang pinakamataas sa inyo."

Nagkatinginan silang at agad kong naisip na hindi pa pala nila alam na galing lang sila sa libro. Ang alam lang nila ay nasa ibang dimensyon sila at ipinatawag sila ni Scion dito. Mas madali kasing intindihin 'yon kumpara sa isipin nilang may isang tao lang na gumawa sa kanilang lahat.

"Wala 'yon, bigla ko lang naiisip 'yong mga linya sa libro na sinusulat ko pero wala 'yon–" natigilan ako sa pagsasalit nang may biglang lumapit na Mogwai sa amin.

Polaris (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon