Kabanata 37: Pagsasanay

64.3K 3.3K 727
                                    



FOCUS, ayan ang unang bagay na kailangan kong matutunan para magkaroon ng kapangyarihan ng Yang.

"May nakukuha kaming enerhiya galing sa aming katawan na inilalabas namin sa magkabilang kamay. Ang tawag doon ay Ruwis. Ito ay kulay puting ilaw na minsan ay pinapalibutan ng maliit na linya ng kuryente. Hugis bilog ito na nagsisimula sa laki ng mansanas na kayang umabot hanggang sa paki ng isang bundok, depende sa salamangkero."

Tumayo siya ng tuwid at itinaas niya ang magkabilang kamay niya. Magkaharap ang mga ito at dahan-dahan na may namumuong ilaw sa gitna ng mga kamay niya. Kulay puti nga ito at may maliit na linya ng kuryente.

"Para magawa mo ito ay kailangan mong pakilusin ang kapangyarihan ng Yang sa iyong katawan. Naka depende sa utak mo ang pagpapagalaw nito. Kaya importante na pokus ka sa ginagawa mo."

Ginaya ko siya, itinaas ko rin ang dalawa kong kamay at pinagharap ko sila pero ibinaba agad ni Kuya Sanchi ang mga ito.

"Hindi mo pa ito magagawa, Serenity. Kailangan mo munang hanapin ang sarili mo."

Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Paano ko hahanapin ang sarili ko kung hindi naman ito nawawala?

"Para mas lalo mo akong maintindihan, pumunta tayo sa tabi ng lawa ng Sequoia."

Sumunod ako sa kanya pababa sa may lawa. Tinignan ko si Scion na nakasandal sa puno sa hindi kalayuan. Hindi man siya sumama sa pagsasanay ko ay binabantayan niya ako mula sa malayo. Nawalan na talaga siya ng tiwala sa mga tao.

Pagkadating namin ni Kuya Sanchi sa tabi ng lawa ay namangha ako sa linaw ng tubig. Pwedeng pwede ka nang magsalamin dito. Mayroong fog sa paligid kaya hindi ko lubusang makita ang buong lugar.

"Umupo ka rito," itinuro ni Kuya Sanchi ang isang putol na puno. Tanging ang pundasyon na lamang nito ang nakatayo. "Ipikit mo ang mga mata mo habang hinahanap mo ang iyong sarili."

"Paano ko 'yon gagawin, Kuya Sanchi?"

"Malalaman mo rin iyon, Serenity." Tumingin siya sa kanyang relo sabay tingin sa lawa. "Iiwanan kita rito at babalik ako pagkatapos ng isang oras. Isasama ko rin si Scion sa akin. Kailangan mong mapag-isa."

"I-iwan niyo ako?" Medyo alangan pa akong mag-isa kahit pa sabihin na lugar nila ito. "Wala po bang mangyayari sa akin?"

"Magtiwala ka sa sarili mo, ija."

Ngumiti lamang siya pagkatapos ay iniwan na niya ako. Sinundan ko siya ng tingin at pinuntahan nga niya si Scion. Tanaw ko sa kinakatayuan ko ang pagkunot ng mga noo niya pero wala na rin siyang nagawa kung hindi sumama kay Kuya Sanchi.

Umupo ako sa putol na puno. Upong dekwatro ang ginawa ko dahil ito ang ginagamit ng mga taong napapanuod ko sa TV kapag nag yo-yoga sila. Siguro naman parang ganoon lang ang gagawin ko rito.

Ipinikit ko ang mga mata ko habang napatong sa magbilang tuhod ko ang mga kamay ko.

Bigla akong nabingi sa sobrang katahimikan. Huminga na lamang ako nang malalim para kahit papaano ay marinig ako.

Nakaramdam ako ng panlalamig. Tumayo rin halos lahat ng balahibo sa katawan ko. Sinubukan kong idilat ang mga mata ko pero wala akong makita na kahit ano.

Sinubukan ko ring magsalita pero walang lumalabas na boses sa bibig ko.

Maya-maya ay may natanaw na akong kaunting liwanag sa malayo. Pamilyar na ang ganitong eksena sa akin. Nangyari na ito dati. Ramdam ko na ang mga pawis sa mukha ko.

Sa ilang kisap mata lamang ay mas lumapit na ang akala ko ay liwanag lang.

"Nagkita ulit tayo..."

Polaris (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon