Chapter 17

6.2K 292 136
                                        

Dumaan ang pasko at ang bagong taon . . . wala pa ring nangyari. Alangan naman na sabihin ko sa kanya na ginastos ko pa 'yong savings ko simula first year high school para lang sa regalo ko para sa kanya. Complete set 'yon: violet na sumbrero, T-shirt na may nakalagay na "Walang sagot sa TALONG kung bakit ka mahalaga," ripped shorts na maong, medyas, at sneakers.

Hindi ko mapigilan ikwento 'yon kina Eli at Allen.

"'Yong relasyon namin ni Theo na parang lesson namin sa math—medyo almost there but still does not exist."

"Aminado ang gaga," sabi ni Allen. "May choice naman."

"Dapat nilagay mo, 'Mahal kita, Theo. Walang biro.' Pag iyon 'yong nakalagay tapos di pa rin niya nagets, wala na. Di ka no'n gusto," sagot ni Eli.

"Iniisip ko kung doon ko na lang ba aaminin, kaso . . . paano 'yon? Eh paano kung buksan niya ng December 24 eh di kapag anniversary namin hindi kami magkikita kasi, siyempre, ang kasama namin ay mga pamilya namin."

"Minsan nananalangin ako na sana ibigay ni Lord self-confidence mo sa 'kin."

"Nanghihinayang ka ba sa lahat ng gastos mo?"

"H-hindi naman."

"Ay, may pagtigil!"

"Hindi nga!"

"Sobrang ganon mo ba kamahal si Theo para ibigay 'yong savings mo para sa kanya?" tanong ni Allen. "Regalo ko nga kay Eli, 500 pesos na wallet, nanghinayang pa ako!"

"Grabe 'to!" sabi ni Eli kay Allen. "Ewan ko ba diyan kay Natasha. Sarap i-umpog. Eh sige, anong regalo niya sa 'yo?"

"Kailangan ba 'yon? Di naman dapat lahat may kapalit . . ."

"So . . . wala?"

Nagbuntonghininga ako.

"'Di naman kailangan lahat may kapalit' pero may buntong hininga."

"Ano na, ateng? Mag va-valentines na, landian pa rin kayo? Sana niregalo mo na lang sa 'kin noong pasko 'yong peace of mind na may patutunguhan 'yang landian niyo," sabi ni Eli.

"Te, hindi ba sapat 'yong T-shirt? Iyon na 'yon! Nakalagay na 'yong feelings ko sa T-shirt!"

"Hindi pa rin direkta," sagot ni Eli habang parang sinusuntok niya 'yong kaliwang palad niya gamit 'yong kanan niyang kamao.

"Bakit kasi ako ang kailangan umamin?" tanong ko.

"Paulit-ulit ba namin kailangang i-pinpoint sa 'yo? Eh ano namang masama kung ikaw ang aamin?" sagot ni Eli. "Masama na ba kung ikaw ang unang aamin?"

"Hindi naman. Pero ano na lang sasabihin ng mga anak namin? 'Mommy, ikaw ba talaga nanligaw kay Daddy?'"

"Puwedeng bago ka mag-isip ng twenty years from now, isipin mo muna kung paano ka makakarating from that 'twenty years from now'? Layo ng tingin mo, te. Eh paano kayo magiging kayo kung ngayon palang ang labo labo niyo na?"

"Bigyan mo kaya ng deadline sarili mo?" sabi ni Allen.

"Paanong deadline?"

"Bigyan mo siya ng deadline kung hindi siya umamin."

"Meron nga."

"Kailan?" sabay nilang tanong.

"End of the school year. Sobrang lapit na, ngayon pa ba ako magmamalambot?"

Pareho nila akong inirapan, at pareho silang bumuga ng napakalakas na buga.

"Bakit ganyan mga reaksiyon niyo?" tanong ko.

Lost and FoundTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon