Dalawang araw na lang, Sabado na ulit. Nakatingin lang ako sa kawalan habang binabasa ni Hudson yung ginawa naming introduction at tinatayp naman ni Pet. Napansin nilang dalawa na wala ako sa wisyo kaya hampas lang naman sa braso yung inabot ko sa kanila.
"Ano na, besh? Baka gusto mong magkaroon ng ambag sa kultura?" tanong ni Pet.
"Sorry. Lutang lang ako lately," sagot ko.
"Lutang?" komento ni Hudson. "Parang nawawala ka na sa sarili. Parang nawala na nga ata yung kaluluwa mo at nagbakasyon kung saan."
Ngumiti lang ako.
Buti nga sana kung gano'n. Sana nagbakasyon na lang yung kaluluwa ko. Kaso alam ko sa sarili ko na, heto, may butas sa puso ko na hindi ko alam kung ano ang pupuno.
Basta alam ko, hindi na 'to mga video call namin ni Theo.
Pero akala ko, hanggang doon lang.
Lalaki pa pala yung butas sa puso ko.
Pag-uwi ko ng bahay, narinig kong nagsisigawan sina Mama at Papa. Nag-aaway naman sila, pero hindi ganito ka-extreme. Nag-chat agad ako kay Theo.
nagaaway sina ma at pa :(
Alam ko namang by this time, hindi pa niya mababasa yung message ko. Umakyat na lang ako sa kuwarto ko at nagbihis at umidlip saglit. Pagkagising ko, may chat si Theo.
bakit daw?
not sure. pero lungkot lang.
dont worry love. magkikita na tayo tomorrow at siguraduhin kong mawawala yang pain na yan. ;)
Tiningnan ko lang yung message niya.
Kailangan ba magkita lang kami para mawala yung sakit? Bakit hindi na tulad ng dati na sa isang chat pa lang niya, nawawala na agad lahat ng pag-aalala na nararamdaman ko?
Hay.
Bumaba ako dahil tinawag ako ni Mama para sa dinner. Nakita ko silang nakaupong dalawa sa lamesa, tahimik. Sobrang awkward kaya umupo na lang din ako at sumama sa dasal at kumuha ng isang sandok ng kanina.
"Musta pag-aaral mo?" tanong ni Ma.
"Okay naman po. Hirap sa ibang subjects."
Tumahimik ulit. This time, kinakabahan na ako. Sobrang kabog ng puso ko dahil parang may sasabihin sila.
Naglagay lang ako ng ulam at nag-umpisang kumain. Sa kalagitnaan ng mga subo ko, biglang nag-"ehem" si Papa. Tumingin ako sa kanya.
"'Nak, tigil ka muna."
Literal akong napatigil.
"Iniisip namin ng mama mo, patapusin muna ate mo," tuloy niya. "Tutal, isang taon na lang, graduate na ate mo."
"Ayoko," sagot ko, alam kong walang tono ng respeto sa boses ko. "Bakit ako titigil?"
Napababa ng kutsara at tinidor si Mama. "Ayusin mo bibig mo, Natasha—"
"Bakit ako titigil, Ma?" pabalang kong sabi. "Ayoko tumigil. E di si Ate patigilin niyo. Bakit ako?"
"Kasi gagraduate na nga ate mo—"
"E paano ako? Paano naman ako? First year tapos titigil?"
"Tasha," tuloy ni Papa, "iyon nga e. First year ka pa lang. Yung ate mo, gagraduate na. Pag-graduate niya, puwede na siyang tumulong sa 'min pag-aralin ka."
BINABASA MO ANG
Lost and Found
RomansaHiniling ni Ma. Natasha Kaluag, o Tasha, ang isang unique na malatelenobelang buhay. Ibinigay naman ito ng universe nang mawala ang wallet niyang may laman dapat na one-by-one picture na inabot naman ni Theo Agustino. Ang pagbintangan si Theo nang m...