Autumn
Alas onse na ng umaga nang magising ako. Ramdam na ramdam ko ang pagod ng aking katawan. Siguro ay dahil sa nangyari kagabi.
Dahan-dahan akong bumangon sa aking kama nang bigla namang lumuwa si Irene sa aking kuwarto galing sa labas.
"Ma'am! Autumn! Si sir Harris po! Tinututokan po siya nang baril ni Sir Matteo. Nasa labas po si sir Harris," parang nalalagutan ng hininga si Irene habang nagsasalita. Napasapo naman siya sa kanyang dibdib. Bumalikwas ako at mabilis na lumabas sa kuwarto.
Kumaripas ako nang takbo nang malaman ko ang ginagawa ni Daddy. Hindi niya puwedeng barilin si Harris. Asawa ko pa rin siya. Pagdating ko sa labas ay nakita ko nga si Daddy na nakatutok ng baril kay Harris habang si Harris naman ay nakaluhod sa harap nito.
"Daddy?! Huwag mo 'tong gawin! Daddy? Please, hayaan natin ang batas ang magparusa sa kanya," sigaw ko kay Daddy habang hinarangan ko siya. Napailing si Daddy. Halata sa mukha niya ang pagkadismaya. Galit na galit siya ngayon kay Harris. Kung hindi ko nadatnan ngayon si Daddy, marahil ay nabaril na niya si Harris.
Naramdaman ko ang pagyakap ni Harris sa aking likuran. Nagmamakaawa siya. Inalis ko ang kanyang pagkakayakap at hinarap siya.
"Puwede ba? Umalis ka na bago ka pa mapatay ni Daddy! Hindi mo ba nakikita? Galit na galit siya! Pakiusap Harris, umalis ka na!" pagtataboy ko sa kanya ngunit tila'y wala siyang narinig sa mga sinasabi ko.
"Hoy! Hayop ka! Ano pang tinatayo-tayo mo diyan?! Umalis ka na kung ayaw mong tuluyan kitang barilin! Pasalamat ka't pinigilan pa ako ng anak ko!" singhal naman ni Daddy sa kanya. Napapikit na lang ako dahil sa mga nangyayari. Bigla ko na lang naalala si Chaz. Baka makita pa kami ng bata.
"Daddy, please, pumasok ka na sa loob, baka makita pa tayo ng bata rito," pagmamakaawa ko naman kay Daddy. Umiling si Dad 'saka tuluyang pumasok sa loob. Baka ano pang isipin ni Chaz kapag makita niya kaming ganito. Nilipat ko ulit ang tingin ko kay Harris. Bakas sa mukha niya ang walang tulog. Naamoy ko pa sa kanya ang alak na galing sa kanyang hininga.
"Love, please, hindi ko kayang mawala ka sa buhay ko, ayosin natin 'to please, gagawin ko lahat-lahat, huwag ka lang lumayo, Love naman, mahal na mahal kita, hindi ko kaya," kusang tumulo naman ang kanyang mga luha. Napapaos na rin ang kanyang boses. Hindi ko rin maiwasang maiyak. Kahit anong gawin kong pagmamatigas, tila'y ayaw naman magpapigil ang aking mga luha na lumalandas sa aking mukha.
"Harris, please, umalis ka na." Pagmamatigas ko sa kanya kahit na naluluha na ako sa harapan niya.
"Hindi na natin maayos ang pagsasamahan natin Harris." Dagdag ko. Mas lalo siyang umiyak. Lumuhod na naman siya ulit sa harapan ko. Bakit ang sakit? Kumikirot 'yong puso ko. Galit ako sa kanya, pero nangingibabaw pa rin 'yong pagmamahal ko sa kanya.
"Kuya Andres, ikaw na po 'yong bahala sa kanya," utos ko sa aming guwardia. Tuluyan ko nang tinalikuran si Harris habang nananatili pa rin siyang nakaluhod. Wala namang tigil ang pag-agos ng aking mga luha habang naglalakad papalayo sa kinaroroonan niya.
"Hindi kita susukuan Chazley, tandaan mo 'yan, gagawin ko ang lahat mapatawad mo lang ako," napahinto ako ng mga ilang segundo sa narinig ko. Hindi ko alam kung matatanggap pa kita ulit Harris. Gulong-gulo 'yong isip ko. Halo-halong emosyon ang meron sa isipan ko ngayon.
Tuluyan na akong pumasok sa loob. Pagpasok ko ay nadatnan ko naman si Daddy sa sala. Nakaupo at galit na galit ang kanyang mukha. Umupo naman ako sa pagitan niya.
"Autumn, papunta na rito ang Mommy mo, kasama na niya 'yong abogado mo si Vanessa, anak ng kapatid ng Mommy mo," seryoso niyang wika. Tumango naman ako bilang sagot sa kanya. Maya-maya naman ay dumating si Chaz galing sa kanyang kuwarto. Mabilis naman itong tumakbo sa aking kinaroroonan.
"Mommy! Bakit wala po si Daddy? Nasaan po siya?" nakagat ko ang ibabang bahagi ng aking labi. Mabilis ko namang pinalis ang aking mga luha.
"Anak, busy kasi si Daddy ngayon, sabi niya titira muna tayo rito," halos mangiyak-ngiyak na 'yong boses ko habang nagsasalita sa harap ng bata. Ngumiti ako ng mapait sa harapan niya. Ngumiti naman siya at tumango. Niyakap niya ako sabay halik sa aking pisngi.
Napabuntong hininga naman si Daddy. Parang hindi ko kakayanin 'to. Pakiramdam ko mas lalo lang magiging komplikado ang lahat kapag ipapakulong ko si Harris. Pero sigurado naman akong hindi papayag sina Mommy at Daddy.
Mga ilang minuto lang ang lumipas ay dumating naman sina Mommy at si Vanessa. Si Vanessa ang isa sa mga kilalang mahusay na abogado dito sa Pilipinas. Siya ang pinsan ko na malapit ang loob sa akin. Close ko si Vanessa no'ng mga bata pa kami, nagkawalay lang kami nang magproceed siya ng Law after namin grumaduate ng college.
"Were here, lets go lunch first before natin pag-usapan ang dapat pag-usapan," wika ni Mommy. Lumapit naman sa akin si Vanessa at binigyan ako ng isang mainit na yakap at halik sa aking pisngi. Kumalas siya sa yakap at tinignan niya ako sa mata. Sinenyasan niya akong magiging okay din ang lahat. Tumango naman ako.
Sabay-sabay na kaming kumain ng pananghalian. Habang kumakakain kami, napansin kong hindi pa nagalaw ni Chaz 'yong pagkain niya.
"Baby Chaz? Kumain ka na," paglalambing ko sa bata ngunit umiiling ito.
"Gusto ko kasama si Daddy," inis nitong sagot sa akin. Sinubukan ko siyang pakalmahin.
"Hindi ba sinabi ko na sayo na-" hindi na ako nakatapos sa pagsalita dahil bumaba siya sa kanyang upuan at tumakbo patungo sa kanyang kuwarto. Dali-dali naman siyang sinundan ni Irene.
Huminga ako ng malalim. Nag-iisip ako kung ano ang maari kung isagot sa kanya. Ang hirap. Napakahirap. Tinapik naman ako sa balikat ni Mommy. Hindi ko maiwasang maiyak. Sa lahat ng mga nangyayari sa pagitan namin ni Harris, sigurado akong maapektuhan si Chaz.
BINABASA MO ANG
Hiling ng Damdamin [ COMPLETED ]
General FictionIsang kahilingan na sana'y tuparin. Gagawin ang lahat upang makamit lang ang mithiin. Ngunit, aanhin mo naman ito kung ang ang nakatadhana sayo ay hindi na puwedeng bawiin? Anong gagawin mo? Kung ang taong para sayo ay unti-unting maglalaho? Haharap...