Prologue

3.4K 147 43
                                    


                                          PROLOGUE

Panay ang ginawang pagbuntung-hininga ni Clemen habang nakatitig siya kay Grimm. Nakaburol na ang Lola nito sa bahay ng mga ito. Sa ngayon ay nakaupo si Grimm sa bangko na nasa likod ng kamalig na malapit sa bahay nila. Ni hindi pa nito tinitingnan ang Lola nito sa loob ng kabaong. Tuluyan na siyang lumapit dito at naupo sa tabi ni Grimm. Hindi na siya nagulat nang makita niyang umiiyak ito... Magsasalita sana siya pero... Naunahan siya ni Grimm.

"Sabihin mo sa akin, Father... Galit ba sa akin ang Diyos?"

Bahagyang nagulat si Clemen sa tanong na iyon ni Grimm. Kumunot ang kanyang noo at matamang napatitig sa binatilyo.

"Huwag na huwag mong iisipin ang bagay na iyan. Hindi Siya galit sa'yo, hindi sa kahit na sino."

Napasinghot si Grimm at napapunas sa luhang umaaagos sa kanyang mga mata.

"Kung nagagalit ang Diyos sa'yo, eh di sana... Hindi ka niya hinayaang makatakas sa hell at hindi ka mapupunta sa pamilyang mahal ka kahit alam nila kung sino ka. Isipin mo, Grimm... Sa loob ng napakahabang panahon, prinotektahan ka nila."

Isang mapait na ngiti ang namutawi sa labi ni Grimm.

"Alam pala nila ang lahat tungkol sa akin... Ni hindi ko nga nahalata na mga malalakas pala silang exorcist. Ang buong akala ko ay ako ang nagtatago ng sekreto sa kanila. Baliktad pala."

Natawa ng bahagya si Clemen.

"Kung ganoon, bakit hindi ka pumasok sa loob? Nandito na ang Lola mo... Ayaw mo ba siyang tingnan?" halatang nananantya ang boses ni Clemen.

Nakita niya ang mariing pagkuyom ng mga kamao ni Grimm.

"Wala man lang akong nagawa para pigilan si Belphegor. Pinatay niya mismo sa aking harapan ang Lola Epang ko. Hindi ko man lang siya naipagtanggol. Ni hindi ko man lang nasuklian ang pagproprotekta niya sa akin. Nakakainis... Humanda talaga sa akin si Belphegor."

Nagtitiim ang mga bagang ni Grimm habang nagsasalita siya. Kulang na lang ay magkabali-bali ang mga ngipin niya. Kung sa pisikalan lang ay wala lang sa kanya. Ang sugat sa katawan ay mabilis gumaling. Pero, ibang usapan na kapag ang mga mahal niya sa buhay ang napapahamak... Seryoso siyang tumingin kay Father Clemen.

"Father... Gusto kong tulungan niyo ako ni Sir Orphen na makontrol ang aking demon form. Gagawin ko ang lahat kahit na ikamatay ko pa, basta... Mabigyan ko lang ng hustisya ang pagkamatay ng Lola ko. Gusto kong matalo si Belphegor sa mga kamay ko. At higit sa lahat, ayaw kong may mapahamak pa... Pakiusap..." ang nagsusumamong wika ni Grimm.

Napabuntung-hininga si Clemen.

"Ang totoo niyan, nagkausap na kami ni Orphen tungkol diyan... Titingnan namin ang magagawa namin. Huwag kang mag-alala dahil palagi kaming nakasuporta sa'yo." ang sagot lang niya.

Naiiyak na napangiti si Grimm. Huminga ng malalim si Clemen. Sa totoo lang ay hindi rin naman nila alam ni Orphen kung paano nila matutulungan ang binatilyo. Pero, gagawin nila ang lahat para dito. Para na rin nilang anak si Grimm.

"Salamat... Gagawin ko ang lahat ng sasabihin niyo." ang sagot ni Grimm.

Muli sanang magsasalita si Clemen pero dumating ang mga Kuwarog boys na kasama si Rusty. Kaagad na lumapit ang mga ito sa kanila.

"Grimm, pasensiya ka na... Ni hindi ka man lang namin natulungan. Sorry..." ang paunang wika ni Rey.

"Pasensiya ka na kung ngayon lang kami nakapunta. Kanina lang namin nalaman ang nangyari." ang wika naman ni Salv.

Pilit na ngumiti si Grimm sa mga kaibigan.

"Wala naman kayong kasalanan kaya huwag kayong humingi ng sorry sa akin." ang sagot niya.

Nananatili namang tahimik lang si Rusty habang nakatitig siya kay Grimm. Kitang-kita nila ang matinding pasakit na pinagdadaanan nito ngayon... Wala siyang makuhang salita na dapat sabihin pero nandito siya at ang iba pa para damayan ito ngayon. Panay naman ang ginagawang pagbuntung-hininga ni Mikee habang nakahalukipkip siya at nakatitig kay Grimm. Isang bagay ang pinag-iisipan niyang maigi sa mga sandaling ito hanggang sa...

"The die is cast..." ang mahina na lang niyang sambit.

************************************************************************************

#Thanks for reading my stories.... At kagaya ng sinabi ko, final part na ito ng Escape from Hell. Hmm... Ganito talaga, kailangang may magtapos para magkaroon ng bagong simula. Mahal ko ang istoryang ito kagaya ng pagmamahal ko sa Sir Blade kaya please... Huwag gagayahin at aangkinin... Plagiarism is a loser's crime...

Escape from Hell Book 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon