Part 3

27 0 0
                                    

"HABULIN mo ako..." nanghahalinang tawag ni Karly sa kanyang makisig na prinsipe na nakatayo di-kalayuan sa kinatatayuan niya.

Dahan-dahan itong lumingon sa kanya at nahigit niya ang kanyang hininga nang tuluyang mapagmasdan ang kabuuan nito. Napakaguwapo nito sa suot nitong puting long-sleeved polo na itinupi ang manggas hanggang sa mga siko nito. Katerno niyon ay ang puti ring pantalon nito na gawa sa malambot na tela. Wala rin itong suot na sapin sa mga paa. Nag-init ang mga pisngi niya nang mapadako ang kanyang mga mata sa matipunong dibdib nito pababa sa impis na tiyan nito—may abs!—na nalalantad sa pagkakabukas ng mga butones ng damit nito. Dagli rin niyang binawi ang kanyang tingin.

Parang gusto niyang haplusin ang mahaba at bahagyang kulot nitong buhok na nakatali at hawiin ang ilang hibla niyon na nakaalpas mula sa pagkakapusod at tumatakip sa guwapong mukha nito. Unti-unting bumilis ang tibok ng kanyang puso nang matitigan ang kulay tsokolate nitong mga mata. At nang ngumiti ito sa kanya, unti-unti na rin siyang napangiti.

Humakbang ito palapit sa kanya at nang umakma na itong tatakbo ay tumatawang nagtatakbo na rin siya. Tawa siya nang tawa habang para silang mga munting bata na naghahabulan sa gitna ng malawak na damuhan na iyon. Hindi niya alintana kung tinatangay man ng hangin ang laylayan ng kanyang puting-puti at mahabang damit gayundin ang mahabang buhok niyang nakalugay at paminsan-minsan ay tumatakip sa kanyang magandang mukha. Sa tuwing mahuhuli siya nito ay magkikilitian sila hanggang sa makawala siya ulit at muli silang maghahabulan.

Hanggang sa tuluyan na siyang nahuli ng kanyang prinsipe at magkayakap silang napahiga sa damuhan—nasa ibabaw niya ito—habang sila ay masayang nagtatawanan. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman niyang kasiyahan nang mga oras na iyon. Tila ba wala na siyang mahihiling pa ngayong kasama na niya ang prinsipe niya.

Naramdaman niyang tumigil na ito sa pagtawa kaya tiningnan niya ito. Seryoso na ang ekspresyon ng mukha nito habang matamang nakatitig sa mukha niya na parang kinakabisa iyon. Maging siya ay tila nahipnotismong napatitig na lang din sa mga mata nito. Hanggang sa unti-unting bumaba ang mukha nito sa mukha niya.

Napuno ng antisipasyon ang puso niya kaya wala sa sariling naipikit na lang niya ang kanyang mga mata at hinintay na lumapat ang mga labi nito sa mga labi niya. Ngunit hindi iyon nangyari kaya medyo nagtaka siya. Ngunit napangiti uli siya nang halikan nito ang kanyang nakapikit na mga mata, kasunod ang kanyang ilong. Pagkatapos ay naramdaman niya ang malambot na bagay na iyon na mamasa-masa pa ang lumapat sa kanang pisngi niya. Naulit iyon. At naulit muli. Hanggang sa parang dinidilaan na nito ang pisngi niya.

Dinidilaan? Nagtatakang naisip niya saka dahan-dahang nagmulat ng mga mata.

Laking gulat niya nang hindi ang guwapong mukha ng kanyang prinsipe ang masilayan niya kundi isang...isang aso! At ito ang dumidila sa pisngi niya!

"Aaaaahhh..." tanging naisigaw niya...

Hindi makapaniwalang napadilat si Karly. Sa gulat niya ay muntik pa siyang mapahiyaw na gaya ng sa panaginip niya nang bumulaga sa kanya ang semi-cone shaped na nguso ng kanyang alagang orange sable Pomeranian. Her puppy barked softly and licked her right cheek again but she just frowned.

Hindi pala totoo na nakita at nakasama niya ang kanyang prinsipe. Panaginip lang, malungkot na naisaisip niya. And in that dream, her gorgeous prince has turned into a tiny puppy! But her dream seemed so real. Everything felt right and wonderful.

She could still remember how he made her heart race with his simple smile. And his looks...wait. Ano nga ba ang hitsura nito? Hindi na niya matandaan ang hitsura ng kanyang 'prinsipe'!

Kahit ano'ng pilit niya ay hindi na niya maalala ang hitsura nito kaya nakakunot ang noong napabangon siya para lamang masapo ang kanyang ulo dahil ramdam niya ang pagkirot niyon. "Aww...my head..."

"Popo, please, don't move. Nahihilo ako sa'yo," saway niya sa kanyang alaga dahil ang likot-likot nito sa kama niya. Parang naintindihan naman siya nito dahil tumigil ito sa paglakad-lakad. Prenteng humilata pa ito roon at waring nagpapa-cute na tumingin sa kanya ang mga mata nitong bilugan at kasing-laki ng holen. Maging ang buhaghag at sabog-sabog nitong balahibo na tulad ng sa lion ay lalo lang nagpa-cute ng hitsura nito. Parang bigla niyang nakalimutan ang sakit ng kanyang ulo dahil kumakalma na siya matingnan pa lang niya ito.

"Baby, come here." At lumapit nga ito sa kanya na tila naglalambing.

She smiled. She named her puppy 'Popo', in short for its breed which was Pomeranian. She got him as a birthday gift from her Auntie Divina two years ago after she graduated from her fashion school in U.S. Since then, Popo had been one of the most important parts of her life. He had seen her in her best and he had witnessed when she was in her worst. Whenever she had any problems, he had always been her confidant. He always made her smile and laugh. She would always find the peace she was searching in her home with her dear Popo. Oh, she just loved Popo! Her Popo.

Babangon na sana siya nang bigla siyang matigilan. Pagkatapos ay parang pelikula na nag-automatic replay sa isip niya ang mga nangyari nang nagdaang gabi. Ang pag-uusap nila ng mommy niya...ang pag-inom niya mag-isa sa bar...ang guwapong drummer...ang paghalik niya rito...ang pagsusuka niya.

Napaungol siya sa katangahang nagawa niya. "Oh my goodness..." Nanghihinang napapikit siya dahil parang gusto niyang maiyak sa kahihiyan sa pinaggagawa niya nang nagdaang gabi. Nang hindi makatiis ay napahiyaw na siya.

I'm so stupid! She silently cried.    

Popo's Kiss (Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon