CHAPTER
TWOFriends
Kanina pang uwian pero naroon pa rin si Susanna at nakaupo sa isang bench sa parking lot. Nakapatong sa kanyang hita ang kanyang bag habang patingin-tingin siya sa paligid. Malapit nang magtakip-silim at nagsisimula na siyang mainip. Ni wala man lang text message sa kanya ang mga kapatid niya para sabihin kung papunta na ba ang mga ito sa parking lot.
Umihip ang hangin at sandali siyang napapikit. Sa pagmulat muli ng kanyang mga mata ay nakita niya ang mga tuyong dahon na nalilipad ng hangin. Ipinilig niya ang kanyang ulo at tumigil sa ere ang mga dahon. Nagkulay berde muli ang kanyang mga mata sa loob lamang nang isang segundo.
Noon talaga kailangan pa niya ng iba't ibang enchantment para lamang magamit ang kanyang mahika. Ngunit sa pagdaan ng panahon ay natuto siyang kontrolin lamang iyon sa kanyang isipan. Mahirap ngunit lahat naman ay kayang matutunan.
Napangiti siya sa kanyang isipan nang isa-isang mahulog sa lupa ang mga dahon. May ilang nalipad muli ng hangin. Sinundan niya ng tingin ang mga iyon at natigilan siya nang makita ang kaklase niyang nakatingin sa kanya.
Napakurap-kurap siya at kinabahan. Nahuli ba siya? Tatayo sana siya para lapitan ito nang bigla itong umirap bago tumalikod at umalis. Tumaas ang dalawa niyang kilay bago siya natawa habang umiiling-iling.
"Anong nakakatawa?" Halos mapatalon siya sa gulat sa biglang pagsulpot ni Veronica sa kanyang tabi. Luminga ito sa paligid bago namamanghang nilingon siya. "Natuto ka na ba ng necromancy?"
"Ano?" Medyo inis niyang tanong. "Hindi."
"Ah.." Tumango-tango ito bago ngiting-ngiting tumabi sa kanya. Napatingin siya sa hawak nito. "Gusto mong ice cream?"
"Sana binili mo ako." Umirap siya sabay agaw ng kutsara dito. Kumuha siya sa cup nito at isinubo agad iyon.
"Ang sarap 'no?" Maligayang tanong nito at sinubukang kunin sa kanya ang kutsara pero iniilag niya iyon. As usual, nakangiti na lang itong tumigil. "Magtinda kaya tayo ng ice cream? Yayaman tayo nito!"
"At kailan ka pa nagkaroon ng pake sa yaman?" Inagaw na niya ang cup dito. "Saka mayaman na naman talaga tayo."
"Mayaman tayo?" Naguguluhang tanong ni Veronica.
Sumubo ng ice cream si Susanna. Ikinunot niya ang kanyang noo bago nagsalita. "Bakit hindi mo alam?"
"Tinanong ako ng mga kaklase ko kanina kung mayaman tayo. Hindi ko nasagot." Nag-isip ito. "Tinanong nila kung anong trabaho ni Mama at hindi rin ako sigurado. Ang alam ko kasi doon siya sa mga Council nagtatrabaho, eh."
"Mayro'n tayong company ng perfume."
"Talaga? Edi mayaman tayo?"
"Oo nga!" Inihagis niya sa basurahan ang wala nang lamang cup at ang kutsara nito. "Bakit naman nakikipag-chikahan ka na agad sa mga kaklase mo?"
"Sila ang kumausap sa'kin. Maganda daw kasi ako." Nagpa-cute pa ito kaya't nanliit ang mga mata ni Susanna.
Maganda naman talaga si Veronica. Straight ang kulay brown nitong buhok na umaabot sa baiwang nito. Maganda ang kilay na pumareha sa mahahaba nitong pilikmata, singkit ang mga matang akala mo'y laging nakangiti na kung titingnang mabuti ay makikita tila nagiging kulay caramel na mga mata nito, matangos ang maliit na ilong, maliit at makinis ang mukha, mapupula ang medyo makapal na mga labi at maputi ang balat. Mukha itong anghel at inosente.
BINABASA MO ANG
The Enchantress
FantasíaHe was an enemy. At kahit kailan hindi niya dapat ipakita ang kahinaan niya lalo na sa isang kaaway. "Scott.." Kumalabog ang dibdib niya nang makita ang pagsunod ng mga mata nito sa kanyang bibig papunta sa kanyang mga mata matapos niyang sabihin an...