"Pagkalipas ng tatlong araw, nagkaroon ng malawakang sunog sa barangay namin dahil sa pagkakaingin. Dahil gawa sa kahoy, kawayan at nipa ang karamihan sa mga tirahan, maraming bahay ang nadamay at nawasak, kasama na doon ang bahay nina Tiya Melba. Mabuti na lang at nakaligtas ang lahat. Napilitang umuwi sa amin si Isabel at isinama si Tiya. Ako naman, bumalik na 'ko dito. Hindi na ulit kami nagkita ni Thea," pagtatapos ni Erika sa pagkukwento.
Ilang sandaling tahimik lang ang lahat sa loob ng bahay ng mga Mendoza. Naroroon silang lahat sa maliit na sala habang nagsasalita si Erika. Tila nagpigil ang lahat sa paghinga at ang tunog ng mga alon sa dagat lamang ang tanging maririnig.
"Bumalik kami pagkatapos manganak ni Althaia," pagbasag ni Conching sa nakabibinging katahimikan. Hinawakan nito ang kamay ni Erika na katabi lang nito. "Ngunit ni isa ay walang nakakaalam kung nasaan ka. Ang alam lang nila ay umuwi ka sa probinsiya ng asawa mo. Pati ang kinaroroonan ni Melba ay hindi rin nila alam."
"Nakapag-asawa na si Isabel at dinala niya si Tiya sa Maynila. Noong isang taon ay napag-desisyunan nilang bumalik sa amin sa Mindanao at mamalagi doon dahil sa kagustuhan ni Tiya. Nagkasakit siya sa puso at ginustong doon igugol ang mga huling araw niya. Kamamatay lang niya noong Marso," saad nito sa malungkot na boses na tila maiiyak na.
"Ikinalulungkot ko ang nangyari, Erika."
"Ayos na po ako, Aling Conching. Masakit man pero tanggap naman namin," sabi ni Erika at nginitian ang matanda. "Siya nga po pala, kumusta na si Thea?"
Napabaling ang tingin ni Conching kay Kyle na nakatayo sa may tarangkahan ng bahay. Nagkatinginan sila ni Carrie na nasa tabi lang niya. Pagkatapos ay isang malungkot na ekspresyon ang ibinigay nito sa ina. Tila nakuha naman ni Erika ang nais ipahiwatig ng anak.
Bumagsak mula sa mga mata nito ang mga luha na kanina pa nito pinipigilan. Niyakap ito ni Conching.
"Hindi man lang niya po ako hinintay..." humahagulhol na ito.
Hinihimas naman ni Gary ang likod ng asawa. Kumuha ng isang basong tubig si Samantha at ibinigay sa ina.
Narinig ni Kyle ang pagsinghot ng katabi niya. Bigla na lang itong tumalikod at naglakad palabas ng bahay. Sinundan niya ito.
Tumayo siya sa tabi ng isang puno ng talisay at pinagmasdan si Carrie na nasa may 'di kalayuan. Nakaharap ito sa dagat habang nagpupunas ng mga luha gamit ang mga kamay.
May bigla naman siyang naalala na nagpangiti sa kanya. Ang kinatatayuan ni Carrie ngayon ay ang mismong lugar kung saan sila unang nagkita. Hinding-hindi niya iyon makakalimutan dahil nakaukit na ang alaalang iyon sa kanyang puso't isipan.
Humakbang siya palapit dito. Nang maramdaman nito ang presensiya niya ay tumingin ito sa kabilang direksyon.
"Ba't ka nandito?" sabi nito sa kanya sa pagitan ng pagsinghot.
"Hmmm... Wala lang," sagot niya at namulsa. "Baka gusto mo ng karamay kaya sinundan kita."
Mas lalo pa itong umiyak. "Pasensiya ka na. Ayoko lang na makita ni Mama na umiiyak din ako. Mas malulungkot 'yon. Nagmana lang talaga ako sa kanya sa pagiging iyakin. Ang lungkot lang kasi..."
Hinayaan lang niya itong magsalita. Itinuon niya ang atensyon sa napakalawak na karagatan. Makikita roon ang napakagandang repleksyon ng papasikat na araw.
"Ang tagal kong hinintay kung ano ang magiging katapusan ng kwento ng pagkakaibigan ng paru-paro at ng tutubi. Ngayon ay alam ko na kung kaninong kwento 'yon."
"Kwento ng paru-paro at ng tutubi?" tanong niya.
Tumango ito. "Ang kwentong 'yon ang kinalakihan namin ng mga kapatid ko. Hindi ko matanggap na hanggang do'n lang sa pagkakalayo nila matatapos ang istorya. Kahit ilang ulit ko ng narinig 'yon ay naiiyak pa rin ako sa tuwing nagkukwento si Mama. Palagi kong iniisip kung kailan kaya makikita ulit ng tutubi ang kaibigan niyang paru-paro. Hindi na pala mangyayari 'yon."
BINABASA MO ANG
Those Memories
Roman d'amourCarrie Mendoza was a simple girl with big dreams. She was able to attend Goldwest Fields School, an elite high school where children of influential families from all over the country attend. This is where her pursuit of greater heights started. Fate...