Habang papauwi silang dalawa ay hindi tumitigil si Carrie sa paghampas sa balikat niya.
"Ikaw talaga! Kung anu-ano na lang ang pinagsasasabi mo sa mga bata kanina. Ginawa mo pa akong pasaway na tutubi! Arrgh!"
"Hey! It's just a story. You're taking it seriously."
"Hmph!"
Mabilis itong naglakad palayo sa kanya. Nang makarating sila sa harapan ng bahay nina Carrie ay nakaupo ang ama nito sa isang silya doon na nasa ilalim ng isang malaking puno ng mangga. Tumayo ito nang makita sila.
Nagmano si Carrie dito at mabilis na naglakad palayo. Sinundan lang nila ito ng tingin. Nang marating nito ang tarangkahan ay agad itong pumasok sa loob ng bahay.
"Anong nangyari do'n?" tanong ni Gary sa kanya.
"Po? A-ano po, n-nagkabiruan lang."
Sa totoo lang ay natatakot siyang makipag-usap dito. Pakiramdam niya kasi ay babalatan siya ng buhay kapag magkaharap sila. Nakakatakot kasi itong tumingin.
"Gano'n ba. Sadyang pikunin lang talaga 'yon," humakbang ito palapit sa kanya. "Ang aga niyo yatang umuwi? Kadalasan, lagpas hatinggabi na natatapos ang sayawan."
"Ah, ano po kasi, h-hindi po kami sanay sa gano'ng tugtog kaya... Nagyaya ng umuwi si Carrie."
"Hay, naku naman. Akala ko pa naman ay natuto ng magsaya ang anak kong 'yon. Ngayon lang 'yon pumasok sa sayawan. Tsk. Tsk," bumalik ito sa pagkakaupo sa silya. "Hindi niya talaga hilig ang mga gano'n dati pa lang."
Napansin yata nitong nakatayo lang siya doon at hindi gumagalaw. "Hindi ka ba napapagod sa kakatayo? Maupo ka na kaya muna rito."
Itinuro nito ang katabi nitong upuan. Agad naman niyang sinunod ang sinabi nito.
"Anong masasabi mo sa lugar namin, hijo? Nasiyahan ka ba sa bakasyon mo?"
"Opo!" mabilis niyang sagot. "Ang saya po dito. At ang babait po ng mga tao."
"Mabuti naman at nagustuhan mo dito. Minsan lang may napapadpad na dayo dito sa amin kaya nawiwili talaga ang lahat kapag may bisitang dumarating. Hindi ka ba kinukulit nina Bert at Renato?"
"Hindi naman po."
"Medyo pasaway kasi 'yong mga 'yon dati. Ayoko sanang makipagkaibigan do'n si Carrie kasi mga bulakbol sa klase. Mahilig sa basag-ulo. Pero simula ng maging kaibigan sila ng anak ko, nagulat na lang ako nang isang araw, pumunta ang mga magulang nila dito at nagpapasalamat. Magandang impluwensiya daw si Carrie sa mga anak nila. At bilang isang ama, natutuwa ako na nagawa iyon ng anak ko."
Unti-unting nawala ang pagkatakot niya kay Gary. Natutuwa siya habang nagkukwento ito tungkol sa anak.
"Alam mo? Sa lahat ng tatlong anak namin, si Carrie ang naiiba. Hindi kasi siya katulad ng dalawa niyang mga kapatid na palakaibigan. Dati, akala talaga namin ni Erika mag-isa lang na lalaki iyang si Carrie. Wala kasi 'yang ni isang kaibigan nang magsimula siyang mag-aral. Puro libro ang inaatupag. Naging masaya kami nang makasali siya sa swimming team kasi akala namin magkakaroon siya ng mga kaibigan do'n, pero wala pa din. Huminto siya sa paglangoy no'ng nag-Grade 5 siya pero sumali naman siya sa quiz bee at kung anu-ano pa. Minsan nga ay nagdala 'yon ng isang bag na puro mga papel ang laman. Mga reviewers daw iyon na ipinahiram sa kanya ng teacher niya kasi sasali siya sa Math Challenge. Matapos iyon, sumali na naman siya sa Science Fair at kung anu-ano pang hindi ko na maintindihan. Mabuti na lang at nang maging kaibigan niya iyang si Nina at Annie ay nahawaan siya ng kadaldalan. Iyon nga lang ay parang medyo nasobrahan nga lang ng kaunti at naging masyadong bibo. Nagiging makulit na rin siya kung minsan. Pero mabuti na iyon kaysa sa dati na nagkukulong lang siya dito sa bahay."
BINABASA MO ANG
Those Memories
RomanceCarrie Mendoza was a simple girl with big dreams. She was able to attend Goldwest Fields School, an elite high school where children of influential families from all over the country attend. This is where her pursuit of greater heights started. Fate...