(xxviii)

13 3 0
                                    

*-*-*-*-*-*-*-*-*
(xxviii)
---------------------

"Hindi na talaga kayo nagpapansinan ni Ace?"
Tanong sa 'kin ni Stella. Tumango na lang ako saka umub-ob sa desk ko. Parang palagi na lang mabigat ang pakiramdam ko.

Tumayo ako saka naisipang pumunta sa math garden. Magpapahangin lang sana. Pero sa loob loob ko, alam kong hinihintay ko siya.

Agad akong naging alerto nang makarinig ng pamilyar na boses. Sa may 'di kalayuan ito. Pakiramdam ko'y lalong tumalas ang pandinig ko. Nagpalinga linga ako saka natigil sa isang pamilyar na tao ang mata ko.

Si Ace.

Kasama niya ang mga kaklase niya. Siguro ay pabalik na ito sa classroom nila. Nakalagay sa batok ang dalawang kamay nito na parang tamad na tamad. Ngumunguya rin ito, at alam kong chewing gum 'yon. Hindi ko inaakalang mamimiss ko ang mga gawi niyang 'yon. Ayon sa isang kaklase nitong napagtanungan ko, maayos na raw sa klase si Ace. Nakikinig at nagpaparticipate, bagay na ikinatutuwa ko. Hindi ito bumalik sa pagiging tamad na estudyante.

Inaasahan kong lilingon ito. Sa palagi naming pwesto. Pero hindi. Dire-diretso lang ito hanggang sa mawala ulit sila sa paningin ko.

'Hindi na naman siya lumingon.'
Napangiti ako nang mapait. Tama naman ang ginagawa niya. Tama lang ata na magalit ito at iwasan ako. Pero sumasama pa rin ang loob ko. At wala akong ibang magawa kundi tingnan na lang ito.

Bagsak balikat kong inayos ang mga gamit saka na agad umalis. Wala ako sa mood na maglinis. Nakakatawa mang isipin pero sinasadya kong bagalan ang paglalakad. Umaasang makikita ko man lang siya o 'di kaya'y makakasalubong.

Hanggang sa makarating na ako sa bahay. Wala akong nakitang 'Ace' sa daan pauwi. Maging ang anino nito'y wala.

"Okay ka lang 'te?"
Bungad sa 'kin nang kapatid ko. Isang linggo na ang nakalipas mula no'ng nangyari. At isang linggo na rin akong iniiwasan ni Ace.
Kapag nakakasalubong ako nito sa daan ay iiwas ito. Hindi na rin ito nangungulit sa classroom. Hindi ko na rin ito nakikitang pumupunta sa math garden. Maging sa facebook ay hindi na ito nagparamdam. Tumigil na ito sa pagmemessage.

Gusto kong itanong kung bakit. Pero alam na alam ko naman kung anong nangyari. Alam na alam kong ako ang dahilan kung bakit ito umiiwas. First week of december na. At ayon sa mga kaklase ko, start na raw ng bakasyon sa december 15. Napaaga. Excited silang lahat. Samantalang ako? Hindi ko alam kung anong dapat maramdaman. Pakiramdam ko kasi, kapag nagbakasyon na ay mas lalong hindi ko na makikita si Ace. Hindi ko na makakausap pa ulit. Kahit kailan. Ata.

Hindi ako sumagot. Sa halip ay naupo na lang ako sa monoblock chair saka tumunganga doon. Tila nawalan ako ng gana mag-aral. Pakiramdam ko rin ay sobrang laki ng kulang sa bawat araw ko. Sobrang laki ng blangko.

Maging ang mga kaklase ko kasi ay napapansing hindi na dumadalaw sa room si Ace. Maraming nagtatanong sa 'kin kung ano ba talagang nangyari. Break na ba kami? Hindi ko ba siya sinagot? Busted? Nanatili na lang akong tahimik. Alam kong kapag narinig nila ang buong kwento, sasabihin nilang ako ang may kasalanan. Totoo rin naman 'yon.


Masakit lang. Pakiramdam ko tuloy ay natuldukan na agad ang nagsisimula pa lang sa amin.

'babalik pa kaya kami sa dati?'

------------------

Dali-dali kong hinablot ang mga module kong nasa gilid habang inaayos ang medyas. Sa sobrang sama kasi ng pakiramdam ko ay itinulog ko na lang kagabi. Napasarap ang tulog kaya hindi ko namalayan ang oras.

"Sorry 'nak, kala ko kasi wala kang pasok kaya 'di ka bumabangon."
Saad ni mama habang may bitbit itong mga labada. Hindi na lang ako kumibo pa. Gusto ko sanang sigawan si mama at sisihin siya kung bakit mahuhuli ata ako ngayon, pero hindi naman tama 'yon.

Nangyari na ang nangyari.

Kung minamalas nga naman, ngayon pa ako walang masakayan. Hindi na ko magkamayaw sa katatakbo papuntang school. Pinagpapasalamat ko na lang na malapit ang bahay namin.

Humahangos akong nakarating sa gate. Gaya ng inaasahan ko ay katatapos lang ng flag ceremony. Hindi ko akalaing malilate ako sa unang pagkakataon.

Dahil sa bilis ng paglalakad ko ay hindi sinasadyang maapakan ang sintas ng sapatos ko. Dahilan para mahulog lahat ng bitbit ko sa lupa at pati ako ay madapa.

"Malas."
Gaya ng inaasahan ay pinagtawanan ako nang iilang estudyante. Tipikal na mga Pilipino, walang nagtangkang tumulong sa 'kin. Sa sobrang pagka-asar ay inayos ko na lang ang sintas ng sapatos ko.


Napaangat ako ng tingin dahil sa isang aninong tumigil sa tapat ko. Pinulot nito at inipon ang mga iilang papel na nakasilid sa pahina ng mga module na dala ko.
Natigilan ako dahil do'n. Hindi ko inaasahan 'yon mula sa kaniya.

"A-Ace..."
Tila tinakasan ako ng sariling kaluluwa ko habang nakatitig lang sa kaniya. Umakyat sa buong sistema ko ang pagkamiss sa kaniya. Ilang araw ko rin siyang hindi nakita nang ganito kalapit sa 'kin.

Tinulungan din ako nitong tumayo. Pakiramdam ko'y gusto ko siyang yakapin. Ang dami kong gustong sabihin. Pero inuunahan ako ng matinding kaba at pagkahiya.

"Late ka na."
Untag nito saka napatingin sa relong suot niya. Hindi nito sa 'kin binigay ang mga librong dala ko. Sa halip ay nauna itong maglakad kaya agad akong sumunod.

Nagdiriwang ang kaloob-looban ko habang nakatitig sa likod nito. Akala ko ay hindi na ako nito papansinin kahit kailan. Akala ko...


"Mauuna na rin ako."
Natigil ako sa pag-iisip nang iabot niya sa 'kin lahat ng gamit ko. Para akong wala sa sarili nang tumango rito. Tinapunan pa muna ako nito ng saglit na tingin bago siya nagpatuloy sa paglalakad.

Sa mga sandaling 'yon, pakiramdam ko'y nawala lahat ng mga nasa isip ko. Nakalimutan kong late ako sa first subject. Kulang na lang ay hilain ko pabalik ang oras at makipagtitigan na lang sa likod niya hanggang matapos ang araw. Pero alam kong hindi naman pwede 'yon.

Pinipigilan ko ang ngiti hanggang sa makapasok sa classroom. Excited ako sa mga p'wedeng mangyari sa mga susunod pang araw.

Hindi naman siguro masama kung hahangarin kong pansinin ako ulit nito, hindi ba?

*-*-*-*-*-*-*-*

Operation: SSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon