Red's Note:
Wala lang. Baka lang interesado kayong malaman ang love story nina Jairus at Sophia with the P-H-I-A. Hehehe.
***
JAIRUS OF VALENTINE
NANLAKI ang mga mata ni Sophia nang makita ang nagmamakaawang si Marius. Nakabitin ito nang patiwarik sa malaking puno ng acacia sa kagagawan ng kapatid niyang si Olivia. Nang mga oras na iyon ay naglalakad siya sa malawak na lupain na nasa labas ng kanilang mansiyon.
"Ibaba mo na 'ko, Olivia, hindi na 'ko uulit! Pakiusap, ibaba mo na 'ko!"
Patakbo siyang lumapit sa kinaroroonan ng mga ito. Nandoon din ang mga kaibigan ng binata at wala man lang magawa. Hindi katulad nila ni Olivia, walang kapangyarihan ang mga ito.
"Olivia! Olivia, itigil mo 'yan ngayon din!" utos niya.
"Hindi ko siya ibababa hangga't hindi siya natututo ng leksiyon!" pagmamatigas naman ng nakababata niyang kapatid.
Umiral na naman ang tigas ng ulo nito. Ikinumpas niya ang kanang kamay at sa isang iglap lang ay bumagsak sa damuhan ang kawawang si Marius.
Agad naman itong dinaluhan ng mga kasamahan nito.
"Ate, bakit mo ginawa 'yon?" galit na tanong ni Olivia. "Hindi ka dapat nakialam!"
"At bakit hindi? Mahigpit na ipinagbabawal ni Ama ang paggamit sa kapangyarihan sa mga bagay na walang kabuluhan! Ano ba ang pumasok diyan sa utak mo at hindi mo na naman pinigil ang sarili mo? Imbes na igalang ka ng mga tao ay lalo lang silang matatakot sa'yo."
"Pero ginawa ko lang naman iyon para turuan siya ng leksiyon!"
"Leksiyon para saan?"
Matalim na sinulyapan ni Olivia ang direksiyon ni Marius.
"Ang lakas ng loob ng lalaking iyan! Sinabi niyang gusto niya akong suyuin upang gawing kasintahan. Ipinakita ko lang sa kanya na hindi siya kailanman karapat-dapat!"
"Dahil lang doon, Olivia?" hindi makapaniwalang sabi niya. "Pwede mo naman siyang sabihan nang maayos. Hindi mo na siya dapat ginamitan ng kapangyarihan. Alam mong ginagamit lang 'yan kung kinakailangan. Ngayon ay tiyak na makakarating ito kay Ama!"
Imbes na sumagot ay tinalikuran siya ni Olivia. Tinungo nito ang direksiyon pabalik sa kanilang magarang bahay.
"Olivia, hintayin mo 'ko!"
Matapos humingi ng paumanhin kay Marius ay nagmamadali niyang sinundan ang kapatid. Tiyak na maging siya ay mapapagalitan.
Sa maliit na bayan na iyon ng Valentine ay tanging pamilya lang nila ang nabiyayaan ng kapangyarihan ng kanilang mga panginoon. Dahil doon ay hindi biro ang nakaatang na responsibilidad sa kanilang buong angkan sa loob ng mahabang henerasyon. Sila ang naatasang pamunuan ang kanilang bayan at magpanatili ng kapayapaan at kaligtasan sa lahat ng kanilang nasasakupan. At siya, bilang panganay, ang nakatakdang pumalit sa kanilang Ama sa takdang panahon.
Taliwas sa kaalaman ng karamihan na masarap ang magkaroon ng kapangyarihan, mahirap naman iyon para sa kanya dahil maraming bawal. Paalala ng kanilang Ama na hangga't maaari ay huwag gagamit ng kapangyarihan kung hindi rin lang mahirap ang isang gawain. Bawal rin ang manakit gamit nito, na hayun nga at palaging nilalabag ng kanyang kapatid. At lalong-lalo na, bawal ang manlinlang at kumitil ng buhay.
"BAKIT MO naman ibinitin patiwarik sa puno si Marius?" ang galit na tanong ni Cyrus, ang kanilang Ama. Nakakuyom ang kamao nito sa mesa ng opisina nito. "Bakit ba ang tigas ng ulo mo, Olivia? May isang libong beses na kitang sinabihan pero inulit mo na naman!"
"Sa nasabi ko na, Ama, tinuruan ko lang siya ng leksiyon!" matatag na katwiran naman ni Olivia.
Ibinagsak nito ang kamao sa mesa. "Hindi pa rin sapat na dahilan iyon! Ngayon puntahan mo siya at humingi ka ng paumanhin!"
Nanlaki ang mga mata ni Olivia. "Hindi, Ama! Hindi ako kailanman hihingi ng paumanhin sa isang katulad niyang mababang uri!"
"Mag-ingat ka sa pinagsasasabi mo, Olivia!" duro dito ni Cyrus. "May kapangyarihan ka lang at anak ng isang maharlika pero kahit kailan ay hindi ka lumamang kanino man!"
"Hindi iyan totoo! Kahit ano ay kaya kong gawin kung gugustuhin ko!" pagkasabi ay mabilis na lumabas ng silid na iyon si Olivia at pabalabag na isinara ang pinto.
"Olivia, bumalik ka rito!"
"Ama," pigil naman ni Sophia na noon lang nagsalita. "Hayaan na muna nating lumamig ang ulo niyo pareho. Maiintindihan din ni Olivia ang mga ginawa niya."
Nasa tabi lang siya ni Cyrus habang pinapagalitan nito ang kapatid. Hindi niya gustong nasisermunan si Olivia pero inaalala naman niya ang mas malala pang pwedeng mangyari kapag hinayaan lang nila ito.
Nanghihinang napaupo si Cyrus. "Pero kailan pa ba darating ang araw na 'yon? Hindi ko na alam ang gagawin ko. Nagkaganyan lang naman siya simula nang malaman niyang bunga siya ng pagtataksil ko sa iyong ina. Sana pala dinala ko na lang sa hukay ang katotohanang iyon."
"Ama." Nilapitan niya ito at hinawakan sa balikat. "Huwag na ninyong sisihin ang sarili niyo. Itinama niyo lang ang inyong pagkakamali."
"Ano'ng gagawin ko, anak? Ayoko siyang nagkakaganoon."
Hinagod niya ang likod ng ama. Ayaw niyang nalulungkot ito dahil ito na lang ang natitira sa kanila ni Olivia. Limang taon na ang nakakaraan ay nagkaroon ng malubhang sakit ang kaniyang inang si Alyna. Kahit ang mga pinakamagaling na manggagamot sa kanilang bayan ay walang nagawa upang pagalingin ito. Hindi naman sakop ng kanilang kapangyarihang taglay ang pagpapagaling ng karamdaman kaya wala rin silang nagawa.
Bago bawian ng buhay ay ipinagtapat ni Alyna ang totoong pagkatao ni Olivia. Na dalawang taon pa lamang si Sophia ay may dinalang bagong silang na sanggol si Cyrus sa kanilang tahanan. Pumanaw raw ang tunay na ina ni Olivia sa panganganak dito kaya nagpasya na lamang si Cyrus na alagaan ang bata. Ganunpaman ay hindi na itinuring na iba ni Alyna ang sanggol. Kaya lang ay tamang panahon na raw upang malaman ni Olivia ang totoo pero sana ay walang magbago.
Nagpakawala siya ng isang buntong-hininga. "Ipaubaya niyo na sa akin ito, Ama. Kapag lumubog ang araw na wala pa ang aking kapatid ay ako na ang maghahanap sa kanya."
"Maraming salamat, anak ko."
"Huwag na po kayong malungkot. Nandito lang ako."
NANG TULUYAN nang lumubog ang araw ay nagsimula nang mag-alala si Sophia para sa kapatid. Hindi pa ito umuuwi. Kadalasan naman kasi kapag naglalayas ito ay nakakabalik naman ito bago lumubog ang araw.
Isinara na niya ang kurtina ng kanyang bintana. Kinuha niya mula sa kama ang kanyang pana at mga palaso saka nagmamadaling lumabas ng kanyang kwarto. Pupuntahan niya si Olivia sa gubat na kinaroroonan ng bahay-pahingahan na pagmamay-ari ng pilosopong si Audamos. May katandaan na rin ito at ito ang nagtatag ng natatanging eskwelahan sa kanilang bayan.
Nilapitan niya ang puting kabayo na nakatali sa isang puno na nasa malawak nilang bakuran. Matapos kalagin ang tali ay sinakyan na niya ito. Salamat sa maliwanag na buwan at malinaw niyang nakikita ang daraanan.
Sana naman ayos lang siya, piping dasal niya.
Nang mapasok na niya ang gubat ay agad niyang natanaw ang maliwanag na bahay-pahingahan. Lalo niyang pinasibad ang kabayo papunta sa kinaroroonan ng kanyang kapatid. Mabibilis ang mga kilos na itinali niya ang kabayo sa puno ng pino at pumasok sa loob.
Nakita niya ang iilang mga taong nagkakasayahan habang kumakain sa mga kahoy na mesa. Dalawang palapag iyon na pinagdudugtong ng dalawang hindi kahabaang kahoy na hagdan. Hindi niya makita sa mga panauhing iyon si Olivia.
Nakatingala siya sa itaas nang may humawak sa kanyang balikat. Awtomatikong gumana ang kanyang depensa at ubod lakas na sinikmuraan ang nasa likuran niya kaya bumagsak ito. Mabilis ang mga kilos na kinuha niya ang nakasukbit na pana at humugot ng isang palaso saka itinutok dito.
Nagimbal ang mga nandoon lalo na nang makilala siya ng mga ito.
"Jairus!"
Tarantang dinaluhan ito ng tatlong kababaihan habang sapo nito ang sikmura.
Medyo nagulat siya nang makilala ang may-ari ng pinakamaamong mukha na nakita niya sa buong buhay niya. Pero hindi ibig sabihin niyon na isa na rin siya mga babaeng nahuhumaling dito. Iniiwasan niya ang mga kagaya nito.
"Ate, 'wag mong sasaktan si Jairus!"
Napatingala siya kay Olivia na nasa pinakaitaas na baitang na ng hagdan sa kanan niya, ang kanyang pana ay nakatutok pa rin sa binata. Puno ng pag-aalala ang mukha nito para sa kaligtasan ni Jairus.
"Ibaba mo 'yan, Binibining Sophia," si Audamos na pumagitna. Kapansin-pansin na ang mahabang buhok at balbas nito na maputi na. "Si Jairus ay hindi kalaban."
"Hindi niya dapat ako hinawakan."
Tumakbo pababa ng hagdan si Olivia at tinulungan itong makatayo.
"Jairus, ayos ka lang ba?"
"Ayos lang ako," parang walang anumang sagot ng binata.
"Ate, ibaba mo nga 'yang palaso mo!"
Ibinalik niya ang palaso sa lalagyan at isinukbit ang pana sa kanyang balikat.
"Ngayon, humingi ka ng paumanhin kay Jairus dahil sa ginawa mo."
"Olivia, hindi na kailangan," sabi ni Jairus. "Ako ang may kasalanan."
"Umuwi na tayo, Olivia. Alalang-alala na kami ni Ama sa'yo," aniya.
"Bakit pa, Ate? Mas mabuti kung wala ako doon sa bahay. Puro pagkakamali ko lang din ang nakikita ni Ama. Ikaw lang naman ang palaging tama sa paningin niya," puno ng hinanakit na sabi ng kanyang kapatid.
Parang may kumurot sa puso niya sa sinabing iyon ni Olivia. Iyon ang huling bagay na gusto niyang maramdaman ng kapatid pero hayun nga at nasabi nito ang bagay na iyon.
"Olivia, alam mong hindi 'yan totoo. Kapakanan mo lang ang iniisip ni Ama."
"Hindi ko naman 'yon maramdaman, eh!"
"Olivia--"
"Olivia," si Jairus. Hinawakan nito sa magkabilang balikat ang kapatid niya at pinaharap dito. "Hindi ka pupuntahan ng kapatid mo dito kung hindi sila nag-aalala sa'yo. Sa tingin ko kailangan mo nang sumama sa kanya."
Sandali ring napatitig si Olivia dito. Kakaiba ang mga titig na iyon ng kapatid sa binata. Hindi niya matukoy kung anong klase iyon pero alam niyang meron sa mga tinging iyon.
"S-sige," pagkuwa'y sabi nito. "Para sa'yo, Jairus, uuwi ako."
"Mabuti kung gano'n," napangiting sabi ng binata at hinawakan sa pisngi si Olivia.
Tumikhim siya. "Halika na, Olivia."
"Paalam, Jairus."
Tumingin naman siya kay Audamos. "Paumanhin sa nalikha kung kaguluhan. Hindi na mauulit."
"Huwag mo nang isipin 'yon, Binibini. Mag-iingat kayo sa pag-uwi."
Nagpatiuna na siyang naglakad palabas. Tinanggal niya mula sa pagkakatali ang kabayo at sumampa sa likuran nito. Sumakay na rin si Olivia at humawak sa balikat niya.
"Paumanhin sa pag-aalala, Ate," sabi nito nang tumatakbo na ang kabayo.
"Wala 'yon, kapatid ko. Alam mo namang lahat kaya kong gawin para sa'yo."
"Salamat kay Jairus at nakumbinse niya akong umuwi," may kasamang hagikhik na sabi ni Olivia.
Bahagya lang niyang sinulyapan ang kapatid.
"Ano ang meron sa inyo ng lalaking 'yon, Olivia?"
"Si Jairus ay espesyal sa akin. Hindi lang siya ang pinakamakisig na binata sa ating bayan, siya rin ay matalino at may mabuting puso. At alam ko, Ate, espesyal din ako sa kanya."
"Iniibig mo siya?"
"Sa tingin ko!" sabi nito at humagikhik na naman.
Nagbuntong-hininga naman siya. "Wala pa rin akong tiwala sa kanya."
"Kung hindi dahil sa kanya, hindi sana ako maliliwanagan ngayon. Si Jairus lang ang may alam kung paano pagaanin ang loob ko. Ate, kailangan mong humingi ng paumanhin sa kanya."
"Mukha namang hindi siya nasaktan."
"Kahit labag sa loob ko, humingi rin naman ako ng tawad kay Marius, ah? Dapat gano'n din ang gawin mo, Ate."
Nagbuntong-hininga na naman siya.
"Sige, bukas hihingi ako ng tawad. Magpapasalamat na rin ako sa pabor na ginawa niya para sa'yo."
"Maraming salamat, Ate!" masayang sabi ni Olivia sabay pisil sa balikat niya.
Kaya siguro nagalit si Olivia kay Marius ay dahil si Jairus nga ang gusto nito.
NANG magsimula nang magsilabasan ang mga batang tinuturuan ng pakay ni Sophia ay nagpasya na siyang bumaba sa mataas na punong kinaroroonan niya. Gawa sa matibay na bato ang paaralan at bato rin ang bakod na nakapalibot dito. Nakatayo iyon sa pinakapuso ng gubat. Sa pagkakaalam niya mula kay Olivia, si Jairus ay nagtuturo ng Matematika doon.
Saktong nakalapag na ang mga paa niya sa lupa at nililipad-lipad pa ang kanyang puting bestida nang makita niya si Jairus sa mismong harap niya.
Sa isang iglap ay nakalimutan niya ang sasabihin nang magtagpo ang kanilang mga mata. Lihim niyang napagalitan ang sarili. Kanina ay inensayo na niya ang sasabihin. Na hihingi siya rito ng tawad at magpapasalamat saka magpapaalam.
"Magandang hapon, Binibini," sabi ni Jairus sa kanya bago ito naglakad papunta sa direksiyon ng ilog.
Saka siya natauhan. Mabilis niya itong sinundan.
"S-sandali lamang, Ginoo," sabi niya.
Huminto naman ang binata at hinarap siya.
"Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?"
"K-kwan," tumikhim siya, "tungkol sa nangyari kagabi. Gusto kong humingi ng paumanhin sa ginawa kong pananakit sa'yo. Hindi ko sinasadya. Ginusto ko lang protektahan ang sarili ko."
Tumango-tango lang ito.
"A-at gusto ko ring magpasalamat sa ginawa mong pagtulong kay Olivia. Nakita ko ang ginawa mong pagkumbinse sa kanya na sumama sa akin pauwi."
Tumalikod si Jairus at nagpatuloy sa paglalakad. Sumunod naman siya. Hindi siya pwedeng umalis hangga't hindi nito sinasabing pinapatawad na siya nito.
"Para sa isang babaeng biniyayaan ng kapangyarihan ng mga diyos, napakatapang mo," sabi nito.
Hindi siya tumugon.
"Kamuntikan na akong hindi makapasok kanina dahil iniinda ko pa rin ang sakit hanggang ngayon."
Nanlaki ang mga mata niya.
"I-ikinalulungkot ko, Ginoo. Kung may magagawa ako para makabawi, magsabi ka lang at handa kong gawin."
"Lagi mo bang dala ang pana at mga palaso mo?" sa halip ay tanong nito.
Hindi niya mabasa ang mukha nito dahil nasa likod pa rin siya nito.
"Oo."
"Para saan? Sa kalaban?"
"Hindi. Madalas akong mangaso para kay Ama dahil paborito niya ang puso ng usa."
At bakit ba niya sinasagot ang mga katanungan nito? Kaya humahaba ang kanilang usapan. Ang talagang kailangan lang naman niya ay ang kapatawaran nito.
"Sabi mo ay gusto mong makabawi sa anumang paraan?" sabi ni Jairus. Nakatayo na sila pareho sa itaas ng ilog.
"Ganoon na nga."
"Kung sasamahan mo akong maligo, baka tanggapin ko ang paghingi mo ng tawad."
Salubong ang kilay na tiningnan niya ito.
"Seryoso ka diyan, Ginoo? Hindi ako sanay na may ibang lalaki sa paligid ko."
Ngumiti naman ito. "Hindi naman ako namimilit ng mga magagandang babae. Tawagin mo na lang ako sa pangalan ko."
Nag-init ang mukha niya sa naunang sinabi nito. Tumikhim siya. "Mabuti kung ganoon... Jairus."
"Tinatanggap ko na ang paghingi mo ng tawad kahit wala ka namang kasalanan."
Nakahinga siya nang maluwag. "Maraming salamat. Kung gano'n ay aalis na 'ko."
Tinalikuran na niya ito.
"Sophia," tawag pa nito sa pangalan niya.
Napahinto agad siya at nilingon ito. Naging kakaiba ang epekto ng pagtawag nito sa pangalan niya. Naramdaman niyang may kumudlit na kaba sa dibdib niya.
"B-bakit?"
"Pwede ka bang maging kaibigan?"
Saglit siyang natigilan. Hindi niya maintindihan kung bakit may hatid na saya sa kanya ang pakikipagkaibigan nito.
Tumikhim muli siya at pinanatiling seryoso ang mukha.
"Ayos lang sa akin. Paalam."
"Mag-iingat ka sa pag-uwi, aking Sophia."
Mabilis siyang tumalikod at lalo pang binilisan ang mga hakbang.
YOU ARE READING
Desirable Beast (Completed)[R-18]
General FictionStrong Parental Guidance! This Book is R-18! Blurb: Gretel has every reason to despise Javier del Mundo. Arrogant, wealthy, and infuriatingly proud, he embodies everything she can't stand. He's not her dream man-not even close. Yet, she can't ignore...