Part 25

2.2K 39 0
                                    

"PAANO kung kailangan nating mabuhay sa iisang katawan lang? Papayag ka ba?"

Ayaw paniwalaan ng kanyang puso ang tumatakbo sa kanyang isip. Humahangos ang kanyang paghinga nang halos isahing hakbang niya ang paglabas sa kuwartong iyon hanggang sa kalagitnaan ng hagdan nang marinig niya ang pagsara-bukas ng pinto ng kanilang bahay.

"Dok, bumabagal ang tibok ng puso ni Laurisse. Kailangan na siyang sumailalim sa operasyon. Kundi mamamatay rin siya."

Pilit niyang binubuksan ang mga mata pero kusang sumasara ang talukap ng kanyang mga mata. Halos puting pintura lang ang naanigan niya. Pilit niyang inaalala kung bakit siya naroon pero walang mahagip ang kanyang isip. Habol niya ang paghinga at pakiramdam niya ay mauubos ang hangin sa lugar na iyon.

"Namatayan na ako ng asawa. Kinuha na ang isa kong anak. Hindi na ako puwedeng mamatayan pa ng isa!" Iyon ang huli niyang narinig bago nilamon ng dilim ang kanyang paningin.

At kitang-kita niya ang pagkunot ng noo ng kanyang ama nang magtama ang kanilang mga mata. Hindi siya puwedeng magkamali. Hindi na siya puwedeng makalimot. Naaalala na niya ng lahat.

Sabay na umalpas ang mga luha sa magkabila niyang mga mata habang nakatitig sa ama.

"Kilala mo ako," deklara niya. "K-Kilala mo ako, Daddy." Mariin niyang naipagdikit ang mga labi nang makita niyang bumalatay sa mukha ng kanyang ama ang pagkagulat sa kanyang sinabi.

Nanghihinang nabitawan niya ang diary na nabitbit niya pala at sinundan iyon ng tingin ng kanyang ama nang mahulog iyon ng halos dalawang hakbang sa hagdan.

Bumukas ang bibig ng kanyang ama ngunit walang anumang salita na lumabas mula roon.

"N-Nararamdaman ko. Kilala mo ako," aniya sa pagitan ng hikbi. "T-Totoo ba?" Pakiramdam niya ay naninikip ang dibdib niya tuwing naiisip ang isang katotohanang puwedeng sumabog sa harapan niya anumang oras simula ngayon. "T-Totoo bang... p-puso ni... ni... L-Lauraine... a-ang n-nasa katawan ko?"

Kitang-kita niya kung paano nagbago ang ekspresyon ng kanyang ama sa kanyang tanong. At mula sa naging reaksyon nito, mahihinuha niyang totoo ang kanyang naiisip.

"S-Si L-Lauraine... ang h-heart donor ko?" Naging sunod-sunod na ang kanyang paghikbi. Halos nanlalabo na rin ang kanyang paningin dahil sa mga luhang parang walang katapusang umaagos mula sa kanyang mga mata patungo sa puso niyang nasasaktan sa nalalaman.

"Oo."

Naibalik niya ang paningin sa ama nang magsalita ito. At halos manlambot siya sa pagkumpirma nito sa kinakatakutan niya. Hindi natinag ang ama niya sa pagkakatayo nito at nanatili sa puwesto nito.

Napailing-iling siya. Halos hindi niya naisip na maaari iyong mangyari. Napakapit siya sa gilid ng hagdanan at napaupo sa isang hakbang. Pakiramdam niya ay nadurog ang puso niya sa nalaman. Hindi niya akalain na ganoon katindi ang puwedeng isakripisyo ni Lauraine para sa kanya. Maging ang puso nito'y ibibigay sa kanya para lang mabuhay siya.

Ang hikbi niya ang halos maririnig sa kabuuan ng kanilang bahay. Parang walang katapusan. Hindi titigil ang pagdaloy ng sakit sa kanya. Gusto niyang bumawi pero hindi na niya alam kung paano.

Hindi niya akalain na may ibang kahulugan ang tanong ni Lauraine noon sa kanya. Hindi niya akalain na sa batang edad palang nila noon, handang ibigay ni Lauraine ang puso nito para sa kanya.

She doesn't even know why does she deserve to have a sister like Lauraine.

"Bago kayo umalis para magbakasyon sa Baguio, kinausap niya ako. I don't even know that she was too serious that time," biglang saad ng kanyang ama. Bakas sa boses nito ang lungkot.

BOOK 8: Laurisse, The Dauntless Daughter [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon