CHAPTER 12: BASANG DAMIT

38 0 0
                                    

CHAPTER 12

Eight Years Ago (August 2007)

Ipinikit niya ang mga mata at hinanda ang sarili para lamunin ng sapa ang kanyang mga dinadamdam. Tinanggap niya ang tubig na pilit pumapasok sa kanyan dibdib. Mamamatay na siya, ramdam na niya iyon. Pero may mabilis na nagtampisaw sa tubig at hinatak siya para i-ahon. Humantong siya sa matitipunong bisig ng kung sino.

Niyakap siya nito sa kabila ng nakalaylay niyang dalawang braso. Wala na iyong lakas para gumalaw pa. Inilangoy siya nito sa pangpang. Naramdaman niya ang init ng katawan nito, gusto niyang ibuka ang mga mata pero kay bigat ng mga iyon. Inihiga siya nito sa batuhan.

Gamit ang dalawang palad nito ay binumbahan nito ng tatlong beses ang dibdib niya. Pagkatapos nitong bombahan iyon ay hinawakan nito ng daliri ang gilid ng ilong niya upang hindi lumabas ang tubig duon. Inilapat din nito ang bibig nito sa labi niya para bigyan siya ng hangin. Inulit-ulit nito ang prosesong iyon. Hanggang sa umubo siya at mailabas ang lahat ng tubig sa baga niya.

Iminulat niya ang mga mata pero katawan lang ang nakita niya dahil tumatama sa mukha nito ang sinag ng panghapong araw. Nakaharap kasi ito sa kanluran kaya nasisilawan ang mukha nito. “Okey ka lang ba? May masakit ba sa iyo?” Itinukod niya ang siko niya at pinilit umupo. Sa pagkakataong iyon ay iniluhod nito ang isang tuhod nito sa lupa upang alalayan siyang maka-upo. Duon pa lang niya nakita ang mukha nito.

Gwapo ito sa salitang gwapo. Malantik ang mga pilik, bilugang mata na ibinagay sa matangos nitong ilong. Morenong balat, at clean cut ang pagkakagupit ng buhok. Kung pagmamasdang maigi para itong isang sundalo. Batay sa tindig nito at sa ayos ng mukha nito. Nag-aalala ang mga mata nito ng minsang magtama ang kanilang pagtingin.

“Okey lang ako, salamat sa pagliligtas mo.” Sabi niya sa walang buhay na tinig. Wala na siyang paki kahit pa nakahubad pa rin siya sa harapan nito. Sa nanghihinang katawan ay pinilit niya ang sariling tumayo. Pero muntik na siyang matumba mabuti nalang at maagap siyang sinalo nito. Inalalayan siya nitong tumayo ng tuwid.

Pero sa pagtatama ng kanilang balat ay muntik na siyang mapaigtad dahil sa biglaang kuryente na nanulay sa kanyang kaugatan. Tinignan niya ito at tumitig din ito sa kanya. Nagtitigan sila ng ilang segundo. Siya ang unang nagbawi ng tingin.

Umiling at pinilit niyang maglakad at pulutin ang mga nagkalat na damit sa lupa. Tinulungan siya nito at iniabot nito iyon sa kanya. “Oh magbihis ka, hindi nalang ako titingin para hindi ka mailing.” Ibinaling nga nito ang mukha nito sa kabilang direksyon para iiwas ang tingin sa kanya. Napangiti siya sa inakto nito, para namang hindi nito nakita kanina ang kabuuan niya.

Unang tagpo palang nila ay nagustuhan na niya agad ito. Dahil likas itong magalang at may respeto sa kapwa. Pero hindi siya nagpahalata na may gusto na siya rito agad. Baka isipin nitong kaladkarin ang tipo niya. “Tapos ka na pwede na ba akong humarap?” Tanong nito maya-maya pa nakatalikod pa rin ito sa kanya. Tuloy parang ang sarap sa pakiramdam na tinatrato siyang parang isang tunay na babae.

Napangiti siya, bumalik bigla ang sigla niya sa biglang pagsulpot nito sa buhay niya. Parang tinabunan nito ang kasuklam-suklam na sinapit niya kanina lamang. Para siyang natuyo na halaman na diniligan muli, nabuhay at namulaklak. Pero ayaw niyang umasa baka masaktan na naman siya. “Oo pwede na! Humarap ka na!” Sagot niya at lumingon din naman ito sa kanya. Ginagap nito ang mga kamay niya. “Wag mo na’yong uulitin hah? Wag mong sasayangin ang buhay mo. Alam mo bang marami ang lumalaban para lang mabuhay sila?”

ANG BULONG NI DHANATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon