CHAPTER 18: MALALIM NA HUKAY

40 0 0
                                    

CHAPTER 18

De Talla’s Storage Room (June 5, 2015) 9:45 AM

Nabitawan ni Leon ang dala niyang tray ng mamalas ng kanyang mga mata ang nangyayari sa dalawang babae. Nakabulagta ang katawan ng sikat na  singer sa kandungan ng kanyang asawa. Unti-unti namang bumigay ang katawan nito at natumba na rin. Hindi niya alam kung sino ang sasaklolohan.

Ang kanyang asawa na naliligo sa dugo o ang estranghero na may tubong nakatusok sa bandang tiyan nito. Lumapit siya sa katawan ng dalawang babae. Inilayo niya ang katawan ni Daphne sa katawan ni Cris.  Nanririmarim na binunot niya ang tubo sa katawan ni Cris. Tumutulo pa ang dugo buhat duon.

Biglang bumulwak ang pagkarami-raming dugo sa butas ng tiyan nito ng mabunot na niya iyon. Basta nalang niya itinapon sa kung saan ang tubo. Mabilis niyang itinihaya ang babae. Tinapik-tapik niya ang pisngi nito. Pero hindi na iyon tuminag. Niyogyog niya ang katawan nito pero hindi na iyon gumalaw. Pinulsuhan niya ito sa bandang leeg nito at napagtanto niyang wala na itong buhay.

Nanghihina na napa-upo siya sa gilid ng sahig. Gumalaw-galaw ang katawan ng kanyang asawa na nasa likuran lang niya. Umusog siya papunta rito at niyogyog ang mga balikat nito. “Anong ginawa mo? Bakit mo siya pinatay?” Naguluhan pa muna ito ng tuluyan ng magkamalay. Lumaki ang awang ng bibig at humagulgol. “Naku, nakapatay ako Leon. Nakapatay ako!” Kumirot ang kanyang sentido sa problema na nakatunghay sa kanya ngayon. May bangkay sa paanan niya at asawa niya ang nakapatay.

“Hindi ko sinasadya, hindi ko sinasadya. Ano ang gagawin natin. Makukulong ako Leon, makukulong ako.” Histerikal na pagsasabi nito sa kanya habang yumuyogyog ang mga balikat dahil sa matinding pag-iyak. Hindi niya alam kung ano ang marapat gawin sa bangkay at sa kanyang asawa. “Iwan ko Daphne, Iwan ko! Ano ba kasing nangyari hah at humantong kayo sa ganito?”

Umiling-iling ang asawa niya, “Sinugod niya ako. Tama, sinugod niya ako. Pagbukas ko pa lang ng pinto ay sinugod na niya ako. Nagulat ako Leon. Prenotektahan ko lang ang sarili ko. Hindi ko sinasadya, hindi ko sinasadya.” Patuloy sa paghagulgol na pagsisiwalat nito sa kanya. Naawa siya saglit sa kanyang asawa. Nahabag siya sa kalagayan nito. Hindi niya lubos maisip na makakapatay ito. Wala sa karakter nito ang pumatay ng tao.

“Makukulong ba ako Leon, kaya mo ba akong makulong?” Taimtim na tanong nito sa kanya. Napag-isip-isip niya na kung makukulong ang kanyang asawa wala ng makapipigil pa sa kanya para gawin ang mga kahalayan niya ng walang aberya pero kakalat naman sa boung bayan na nagdala siya ng babae sa teritoryo ng mga De Talla. Hindi niya kayang ipahamak ang kanyang asawa dahil siya rin ang malalagay sa alanganin kapag nalaman ng amo niya na nagdala siya ng estranghero sa lupain ng mga ito. Baka siya pa ang makulong dahil wala siya sa lugar na magpapasok sa lupain na hindi naman sa kanya.

Baka maungkat din na kahit kailan hindi siya naging mabuting esposo sa asawa niya. Siya pa ang lalabas na masama at baka malaman din ng mga tao ang mga ginawa niyang kabalbalan nuon. Ayaw niyang mabahiran ang pangalan niya ng maruming imahi. Pinagkakatiwalaan pa naman siya ng mag-asawang De Talla. Ayaw niyang biguin ang mga amo na kahit nasa malayo ay palaging nangungumusta sa kanya, sa kanyang asawa at sa nag-iisang anak ng mga ito.

Hindi niya kayang isumbong ang asawa niya. Hindi niya kayang ipagkanulo ito sa mga pulis. Paano na siya kapag wala na ito. Maiiba ang takbo ng buhay niya kapag nakakulong na ito. Hahanap siya ng paraan. Hindi maaaring malagay sa alanganin ang buhay nito dahil damay na rin siya. Mag-iisip siya ng mas mainam na paraan.

ANG BULONG NI DHANATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon