UMUNGOL ANG MAKINA ng kotse na minamaneho ni Engr. Winchester Ong. Halatang nagpoprotesta ang sasakyan sa matarik na nilalandas nito kaya alalay lang ang ginawang pagmamaniobra ng lalaki. Bagama't kabisado na ni Engr. Ong ang daan ay kinakailangan pa rin niyang mag-ingat. Bukod sa may parteng paliku-liko at mabato ang kalye, may mga bahagi rin na ang isang panig nito ay malalim na bangin.
Pasado alas otso pa lamang nang gabi ngunit napakadilim na ng paligid. Sa gayong ilang na pook at malayo sa kabihasnan, walang ilaw ang daan. Tanging headlights lamang ng kotse ang nagtataboy sa dilim na agad uling naghahari sa sandaling makadaan ang awto.
"Baka makatulog na si Ayesa sa paghihintay," ang sabi ng lalaki sa sarili habang sinusulyapan ang mamahaling relo sa bisig. Sa ginawa'y hindi tuloy nito napansin ang malaking bato sa gitna ng kalye. Biglang nalubak nang malakas ang kotse.
Habang itinatama ng kaliwang kamay na nakahawak sa manibela ang takbo ng sasakyan ay awtomatikong hinagilap ng kanan ang malaking kahon sa bakanteng silya sa unahan. Maganda ang disenyo ng kahon.
Mayroon pang malaking lasong pula sa ibabaw. Marami ring butas ang kahon upang makahinga ang nasa loob na ngayo'y nag-aalburoto dahil sa pagkalubak ng sasakyan.
"Sorry, Kitty ---o kung anuman ang ipapangalan sa 'yo ni Ayesa--- nagmamadali kasi tayo," sabi nito sa katabi hindi dahil sa nakakaintindi iyon kundi para maibsan ang kabagutan nito sa biyahe.
"Kung kailan ka naman nagmamadali!" napailing sa inis na sabi ni Engr. Ong nang magsimulang pumatak ang malalaking butil ng ulan sa windshield. At ang mga patak ay naging madalas. Hanggang sa magputik ang daan.
At dahil sa biglang paglamig ng kapaligiran ay namawis ang windshield. Itinodo ng lalaki ang aircon. Pinahiran nito ang salamin upang mas makita ang dinadaanan nang mapamulagat ito sa natanaw.
May nakatayo sa gitna ng kalsada! Isang babaeng may mahabang buhok at nakasuot ng puting damit! May suot pa itong korona na gawa sa mga puti ring bulaklak. Nakaharap sa kotse ang babae. Nakatabing ang kanang kamay sa mukha na tila nasisilaw sa liwanag ng sasakyan.
Buong lakas na tinapakan ni Engr. Ong ang preno ngunit madulas ang maputik nang kalye. Madiin nitong pinindot ang busina.
Hindi iyon binitawan ng lalaki subalit ni hindi tuminag sa kinatatayuan ang mahiwagang babae. Animo rebulto itong nakatulos sa gitna ng kalsada.
Parang reflex action na lamang ang ginawang pagkabig sa manibela ni Engr. Ong. Subalit tuluyang nawala ang kulay sa mukha ng lalaki nang maramdaman nitong bumigay ang pedal ng preno! At kahit ilang ulit nitong tapak-tapakan iyon ay ni wala itong maramdamang epekto sa sasakyan na mabilis pa ring tumatakbo.
Nawalan na ng control ang sasakyan. Tuluy-tuloy iyong bumulusok sa matarik na bangin. Hanggang sa sumalpok ang kotse sa isang malaking puno ng balite.
Ilang sandali pa at naliligo na sa sariling dugo ang nag-aagaw buhay na lalaki. Basag ang mukha sanhi ng malakas na pagkasalpok sa salamin ng sasakyan.
Kinabukasan, gitlang napailing ang mga kalalakihang nagtulung-tulong na maabot ang kinaroroonan ng sasakyang total wreck. Tanging ang kulay abuhing pusa lamang sa loob ng kahon ang naratnang nilang may buhay.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata ng Bulkan
Teen FictionSinasapian ng diwata? Simpleng pagdalaw na may kaakibat na pamamasyal lamang ang sadya ng B1 Gang sa Talisay, Batangas kung saan malapit ang bulkang Taal. Pero kilala n'yo naman ang barkadang ito. Kahit ano ay maaaring mangyari. Tulad ngayon. Ginul...