TAKANG-TAKANG LUMINGA sina Gino, Jo at Kiko sa kabuuan ng silid. Hinahanap nila ang maaaring pinagtataguan ng kung anumang umuungol na iyon nang biglang tumayo si Cathy. Lumapit ang pusa kay Boging. Marahang kinalmut-kalmot niyon ang matambok na tiyan ni tabatsoy nang muli na namang may umungol.
Biglang nagtaasan ang mga balahibo ni Cathy sa takot at nagtatakbo iyon pabalik kay Kiko nang muling umungol ang tiyan ni Boging! Iyon pala ang pinagmumulan ng mahiwagang tunog. Gutom na naman pala si tabatsoy. Hindi napigilan ng lahat ang mapatawa.
"Ano ba naman 'yang tiyan mo, parang tigre," ani Jo.
"Sabi ko na sa inyo na hindi ako nakakain nang husto kanina e. Tapos nagbanggit ka pa ng tsokolate. O eto na ang seven mo, Jo," sabi ni Boging na ibinaba ang seven of spades. "Nasaan ang chocolate ko?"
"Sorry, Bogs. Wala naman talaga akong candy e," ani Jo na agad ibinaba ang hawak na huling baraha para hindi na mabawi ni taba ang itinira. "Yes! Panalo 'ko!"
"Kiko, may baon ka pa ba diyan?" baling ni Boging sa kaliwa. Umiling ang pinagtanungan. "Ikaw, Gino?"
"Wala rin, Bogs. Pumunta ka na lang sa kusina at tiyak na merong tsibog do'n," sagot ni Gino na muling nagbabalasa ng baraha.
"Bilisan mo ha," habol ni Jo sa palabas na binatilyo.
Tuluy-tuloy na tinungo ni Boging ang kusina. Nakakita siya ng mga kaldero sa ibabaw ng mahabang counter. "Para 'to sa birthday ni Ayesa bukas," aniya sa sarili.
Luminga-linga si taba. Sinigurong walang ibang papasok ng kusina bago niya isa-isang sinilip ang laman ng mga kaldero.
"Morcon... gulay para sa lumpia... sarsa ng lumpia... rekadong gagamitin sa pansit... ingredients sa sopas..." mahinang sabi ni Boging sa sarili.
"Patay, bukas pa pala lulutuin ang mga ito," nakangiwing isip ni Boging nang umungol uli ang kanyang tiyan. Muling luminga si tabatsoy hanggang sa mamataan niya ang two-door refrigerator sa sulok ng kusina.
"Open sesame," sabi ni Boging kasunod ng sabay na pagbukas niya sa dalawang pinto ng refrigerator. "Hmmm, may ice cream sa kaliwa at may cake sa kanan. No good. Hindi ko puwedeng dukutan at masyadong obvious."
Yumuko si Boging para makita ang iba pang pagkain at saka siya napangiti. "Chicken!" masayang bulalas niya nang makita ang tira sa hapunan na pritong manok.
Kahit malamig ay hindi na pinatawad ni taba ang labi ng kawawang white-leghorn. Habang kinakagat ang hawak na pitso sa kanang kamay ay hinihila na ng kaliwang kamay niya ang isang hita. Kasusubo pa lamang ni Boging sa hita ng manok nang may biglang magsalita mula sa kanyang likuran.
"Hoy, Bogs. Ano ba? Kanina ka pa dito a," sita ni Jo. "Bilisan mo naman at hindi kami makapaglaro."
Biglang napapihit si taba pero sunud-sunod na tango lang ang sagot niya. Hindi siya makapagsalita dahil medyo humarang sa lalamunan ang nalunok niyang manok sanhi ng pagkagulat.
Mabilis na binalingan uli ni Boging ang refrigerator nang umalis si Jo. Naghanap siya ng panulak pero siyempre mas gusto niya na may kulay ang kanyang iinumin. Ilang pitsel ng tubig ang isinantabi ni Boging at sa likuran ng mga iyon ay nakakita siya ng pitsel na may lamang tsaa.
"Eto 'yung pinaiinom kay Ayesa a," ang sabi niya sa sarili na medyo nagtatalo ang isip kung uupakan niya ang inumin ng kaibigan.
"Best friend naman kami ni Ayesa eh. Hindi magagalit sa akin 'yon," pagbibigay-katuwiran ni taba kasabay sa pagsalin sa isang basong nahagilap.
"Hmmm, masarap a! Ibang klaseng tsaa pala 'to. Akala ko pito-pito lang," natatawa sa sariling sabi ni Boging na muling nagtagay sa hawak na baso. Na muling naulit... At nagsalin pa uli... At isa na naman. Hanggang sa halos nangangalahati na ang laman ng pitsel nang maibalik iyon sa loob ng refrigerator.
Kukurap-kurap na napadighay si Boging nang talikuran ang refrigerator. At nang humakbang si taba ay nagulat pa siya dahil parang magaan ang pakiramdam niya. Para siyang naglalakad sa hangin habang patungo sa kanilang silid.
"Sa wakas! Dumating na rin ang mega-star!" kantiyaw ni Jo nang makapasok sa silid si Boging. "Upo at nang makalaro na tayo. Kanina pa naghihintay ang baraha mo."
Naupo sa dating puwesto niya sa sahig si Boging. Nang tingnan niya ang baraha ay napakunot-noo siya sa pagtataka. "Bakit ganito ang cards ko? Pare-pareho ang hitsura at walang numero!" baling niya sa mga kasama.
"Bogs, nakakain ka na e bakit mas corny ka ngayon?"
"Napanood ko na 'yang gimmick mo sa TV. At kahit doon eh hindi rin ako natawa, tsong!"
"Sige na, Boging. Ayusin mo na ang hawak sa baraha para makapaglaro na tayo."
Tinitigan uli ni Boging ang hawak. Saka lamang niya nalaman na likuran pala ng mga baraha ang nakaharap sa kanya. "Oops, sorry. He-he-he!" tatawa-tawang anito.
Nagpasimulang maglaro ang mga kabataan. Nang matapos ay talo si Boging. Pangalawang laro ay si taba pa rin ang kulelat. Ikatlong balasa na ni Boging ngayon dahil ang talo ang magbabalasa at mag-di-deal ng baraha.
Si Jo ang unang nagbaba ng baraha. Sunod ay si Gino. Tumira rin si Kiko. Nagbaba si Boging ng baraha.
"O, ano na naman ang gimmick mo?" tanong ni Jo sa katabi dahil alas agad ang ibinaba ni Boging. Kinuha ni Jo ang itinira ni Boging at ibinalik iyon sa kamay ni taba.
"Mali ba?" nakangiti pa ring sabi ni Boging na naghahanap ng ibang baraha. Ilang segundo rin ang nagdaan bago ito muling tumira. Hari naman ngayon.
"Boging, ano ba? Laro na nga nilalaro mo pa," reklamo ni Kiko na may inis na ang tinig.
"E sa 'yan ang tira ko eh. Kaya ako natatalo kasi palaging naiiwan sa akin ang mga 'yan kaya ititira ko na ngayon," katuwiran pa ni taba na hindi binabawi ang hari.
"Bogs, walang pikunan. Laro lang 'to eh," sabi ni Jo.
"Sige na, Bogs," singit ni Gino na iniaabot pabalik ang barahang itinira ng kaibigan.
Kinuha ni taba ang baraha mula kay Gino pero muling itinira iyon. "Bakit ba marunong pa kayo e 'yan ang tira ko!" galit na sabi ni Boging.
Nagkatinginan ang tatlo. Naninibago sila sa ikinikilos ng kaibigan. "Bogs, kung ayaw mo nang maglaro, sabihin mo lang," mahinahong wika ni Gino.
"Gusto kong maglaro pero hindi baraha. Professional wrestling talaga ang laro ko. Do'n ako sikat e," ani Boging.
Lalong naguluhan ang tatlo. Kahit kailan ay hindi naglaro si Boging ng wrestling. Mahilig manood pero hindi ang aktuwal na paglalaro.
"Bogs, okey ka ba?" Si Gino uli.
Hindi sumagot si Boging. Pumikit lang ito.
"Boging," tawag ni Jo na hinawakan sa isang balikat ang kaibigan.
Hindi pa rin kumibo si Boging. Nakapikit pa rin ito pero ngayon ay may naglalarong ngiti sa kanyang labi.
"Bogs!" malakas na tawag ni Kiko sabay yugyog sa bilugang hita ng kabarkada. Dumilat si Boging ngunit iba ang ekpresyon sa mukha nito. "Bogs? Sinong Bogs? Ako si Macho Man Randy Savage!" pahayag nito kasunod ang biglang pagtayo at umasta na parang wrestler sa WWF.
"Kuya, anong nangyayari kay Boging?" nag-aalalang baling ni Jo sa kapatid.
Walang maisagot si Gino. Pati si Kiko ay takang-taka rin habang nakamasid sa kaibigang nagtatatalon na ngayon sa kama na para bang sinasapian ng masamang espiritu!
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata ng Bulkan
Teen FictionSinasapian ng diwata? Simpleng pagdalaw na may kaakibat na pamamasyal lamang ang sadya ng B1 Gang sa Talisay, Batangas kung saan malapit ang bulkang Taal. Pero kilala n'yo naman ang barkadang ito. Kahit ano ay maaaring mangyari. Tulad ngayon. Ginul...