Kabanata 5 : HABULAN SA BULKAN

196 6 0
                                    

"IKAW NA ang mauna, Ayesa. Kabisado mo naman ang daan. Ikaw, Jo, ang pangalawa," sabi ni Ka Benny. Nakasakay sa kabayo ang lalaki. Nakasakay na rin sa kanya-kanyang kabayo ang mga kabataan. Makitid lamang ang landas na tatahakin nila kaya't single file ang kanilang formation.

"Malayo ho ba ang crater?" ani Boging kay Ka Benny.

"Hindi naman. Mga tatlong sigarilyo lang ang mahihithit at naroon na tayo," natatawang sagot ng lalaki.

"Saka hindi naman tayo puwedeng magpabilis dahil lilipad ang makapal na alikabok," paliwanag pa nito. "Pero tatlong kilometro lang ang tatahakin natin."

Bukod sa kapansin-pansin ang kawalan ng puno, maalikabok nga ang daanan. Katulad ito ng lahar sa Pampanga na ang tanging ipinagkaiba ay kulay itim ang sa Taal.

"Hiya!" sabi ni Ayesa sa kanyang kabayo at nagpasimulang umusad ang linya. At sa bawat hakbang ng mga kabayo ay umaso ang alikabok. Nagtakip ng panyo sa ilong at bibig ang tatlong binatilyo dahil sila ang nasa dulo ng linya. Hitsura tuloy ng mga ito'y mga tulisan na nakakabayo.

Paahon ang landas subalit hindi naman iyon masyadong matarik upang mahirapan ang kabayo. Nanatiling marahan ang lakad ng mga hayop. Pinagsawa naman ng mga kabataan ang mata sa kakaibang pananaw. Sa gawing kanan nila ay taniman ng kamoteng kahoy at ilang daang metro sa kaliwa ay malalim na bangin na parang inuka ng rumaragasang tubig.

"Gino, tumingin ka sa likod," tawag ni Kiko. "Wow!" bulalas ni Gino nang matanaw niya ang lawa ng Taal. May kataasan na ang kanilang nararating kaya nakikita nila ang mas malawak na bahagi ng lawa.

May dalawampung minuto na silang nangangabayo nang may matanaw silang sumisingaw na usok mula sa lupa. Tumigil si Ayesa at bumaba sa kabayo. Sinenyasan niya ang lahat na bumaba rin.

Hinawakan ni Ka Benny ang mga renda ng kabayo habang pinaliligiran ng mga kabataan ang kulay puting usok na sumisingaw sa lupa.

"Ano 'yan, Ayesa?" tanong ni Jo.

"Ilapit mo ang kamay mo sa usok, Jo. Pero dahan-dahan lang, ha," sagot ni Ayesa.

Sumunod si Jo sa sinabi ng katabi. "Ayyy! Mainit! Parang singaw ng sinaing!" manghang bulalas ni Jo.

Nagsigaya ang mga binatilyo sa ginawa ni Jo. "Steam siguro 'yan na mula sa tubig na naiinitan ng bulkan," hula ni Kiko.

"Tama ka, Kiko," tumatangong sagot ni Ayesa. "Nagkaroon lang ng bitak diyan nitong huling eruption ng Taal. Meron pa nga ro'n, o," dagdag nito na nakaturo sa gawing kanan ng landas.

"Kung steam 'yan na mula sa mainit na tubig, e di puwede akong magluto ng siopao diyan!" sabi ni Boging.

Natawa si Ayesa pero umiling ito. "Sorry, Bogs, pero hindi rin puwede. Amuyin n'yo ang kamay ninyo."

Napangiwi ang apat na kabataan nang amuyin ang kanilang kamay. "Ito 'yung naaamoy ko sa chemistry lab a," wika ni Jo.

"Sulphur 'to, Jo. Asupre. Typical sa bulkan ang ganyang element," paliwanag ni Kiko.

"Matalino ka pala, Kiko," nagulat na sabi ni Ayesa.

Pumalakpak naman ang tainga ni Kiko sa narinig. "Hindi naman. Napupulot ko lang naman 'yan sa mga nababasa ko," pahiyang pa ng binatilyo.

"Malayo pa ba tayo, Ayesa?" singit ni Boging.

"Malapit na. Nakikita n'yo ba ang mga kubol na iyon sa itaas? Doon na ang bunganga ng bulkan."

B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata  ng BulkanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon