NAPAKUNOT-NOO rin si Jo nang balitaan ni Boging ang dalagita ukol sa resulta ng pagsusuri sa tsaa. Naroon pa rin silang lahat sa family room.
"Anong sabi ni Kuya?" tanong ni Jo. "Wala pero tiyak kong may iniisip na plano si Gino."
"Naningkit ba ang mga mata?"
"Oo, Jo, kaya nga hindi ko muna kinulit. Baka maudlot pa eh," sagot ni Boging.
"Okey na 'yan, Kiko," malakas na sabi ni Ayesa kaya't naputol ang bulungan nina Jo at Boging. "Basta sigurado tayong tumatakbo nang maayos. O, tayo na uli sa salas."
Napilitang sumunod ang apat na taga-Maynila sa dalagita sa salas pero wala nang tao roon. Nagtuloy sila sa komedor kung saan nila nasumpungang sina Tiya Nena, Meileen at si Uncle Linc. Maganang kumakain ang lalaki.
"Iba talaga ang sarap ng litson natin. Mas malasa," anito sa pagitan ng pagsubo nang mapansin ang pagdating ng mga kabataan.
"O ano? Wala bang problema ang video player?" tanong nito sa mga papalapit.
"Wala, Uncle! Ang linaw-linaw nga ng palabas e. Thank you uli ha. Champion ka talaga, Uncle Linc!" bulalas ni Ayesa. "Saka sabi ni Kiko wala pang ganoong modelo dito sa Pilipinas, 'di ba, Kiko?"
"Talagang wala kasi dala ko 'yan mula pa sa Hong Kong," sagot ni Uncle Linc.
"Buti ho at hindi kayo nahirapan sa customs sa airport," wika ni Meileen.
"Hindi naman kasi pina-container van ko ang lahat ng mga gamit ko," wika ng lalaki na ikinagulat ni Meileen.
"Ibig mong sabihin, Uncle Linc. Dito ka na titira sa Pilipinas?" singit ni Ayesa sa pagkukuwento ng lalaki.
"Saan pa? E, Pilipino naman ako," nakangiting sagot nito na nagdulot ng hindi mapigilang sigaw ng kagalakan mula kay Ayesa. Mahigpit na niyakap pa ng dalagita ang lalaki mula sa likuran. Halos masakal tuloy si Uncle Linc.
Kabaligtaran naman ang dating ng sinabi ng lalaki kay Tiya Nena. Tumigas ang mukha ng matandang babae at tuluyang naglaho ang kanina pang tinitipid na ngiti. Si Meileen man ay tila natigilan sa ipinahayag ng bisita.
"Naku, wala pa palang matamis sa mesa," biglang sabi ni Meileen. "'Nay, tena't tayo na ang kumuha. Inutusan ko kasi si Tisya na sumaglit sa opisina e."
Tahimik na tumayo si Tiya Nena at sumunod sa anak patungo sa kusina.
Palihim namang sinundan ng tingin ni Gino ang dalawa. Hindi nakalampas mula sa mapanuri at matalas na mata ni Gino ang mga bahagyang reaksiyon ng mga babae sa sinabi ng bisita.
"Excuse rin ako. Pupunta lang ako sa C.R.," tumatayong sabi ni Gino. Naglakad ang binatilyo palabas ng komedor patungo sa salas. Wala namang naghinala kina Jo, Kiko at Boging na may gagawing kakaiba si Gino.
Nang makarating sa salas ang binatilyo ay tahimik na nagtatakbo ito palabas ng kabahayan. Nagtuloy si Gino sa tagiliran ng bahay. Tutunguhin niya ang bintana ng kusina upang matiktikan sina Tiya Nena at Meileen! Iba ang kutob na naramdaman ni Gino nang makita ang reaksiyon ng mga babae kanina.
Yumuko si Gino nang mapadaan siya sa may bintana ng komedor. Tiyak na magtataka ang lahat kung makikita siya sa labas.
Higit pang pinag-ingat ni Gino ang makalikha ng anumang ingay nang marating niya ang dako ng kusina. Hindi na rin siya nagtangkang sumilip at baka makita siya ng mga sinusubukan. Tinalasan na lamang ng binatilyo ang pandinig. Nag-uusap na ang mga babae.
"...kailangang ngayong gabi na, Meileen," narinig ni Gino na madiing sabi ni Tiya Nena.
"Palagay ko rin nga, Inay. Bago pa mawala ang lahat,' sang-ayon naman ng dalaga. "Tayo na ho uli sa komedor at baka mainip na sila."
Iyon lamang ang inabot na usapan ni Gino. Narinig na lamang niya ang tunog ng paglalakad ng dalawa pabalik sa komedor.
"Ano kaya ang gagawin nila ngayong gabi?" isip ni Gino sa narinig bago siya mabilis na bumalik sa harapan ng bahay.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata ng Bulkan
Teen FictionSinasapian ng diwata? Simpleng pagdalaw na may kaakibat na pamamasyal lamang ang sadya ng B1 Gang sa Talisay, Batangas kung saan malapit ang bulkang Taal. Pero kilala n'yo naman ang barkadang ito. Kahit ano ay maaaring mangyari. Tulad ngayon. Ginul...