Kabanata 20 : HULING GABI

157 5 0
                                    

" ABA, alas-singko na pala!" malakas na sabi ni Uncle Linc nang biglang tumunog ang grandfather's clock sa salas. "Kailangang lumakad na ako pabalik sa Maynila."

"Bukas ka na umalis, Uncle. Dito ka na matulog," paglalambing ni Ayesa na yumapos sa braso ng lalaki.

Napatingin si Uncle Linc kay Gino. Wari'y nagtatalo ang isipan niyon. Pigil-hininga naman ang binatilyo. Naghihintay si Gino sa pasiya ng lalaki.

"May aasikasuhin pa kasi ako sa Manila," baling ni Uncle Linc sa pamangking-buo. May bahid ng pangamba at lungkot sa mata ng lalaki.

Saka lamang nakahinga si Gino nang marinig ang sinabi ng lalaki. May pag-asa pa ang huling hirit ng barkada para kay Ayesa.

"Sandali ho," awat ni Meileen. "Ipagbabalot ko lang kayo ng pagkain."

"Hindi na. Salamat na lang. Baka kasi abutin ako ng dilim sa daan," tanggi ng lalaki sa alok.

"Wala pa kasing ilaw ang mga kalye rito e. Mas mainam nga siguro kung hanggang may liwanag ay makabiyahe na kayo," dagdag ni Tiya Nena na sinabayan ng tayo.

"Kailan ka babalik, Uncle?"

"Baka matagalan pa ako, Ayesa. Aasikasuhin ko pa kasi ang mga gamit ko. Pero, promise na matapos lang ang lahat ng gagawin ko'y babalikan uli kita."

"Talaga ha?" ani Ayesa na unti-unting napupuno ng luha ang mga mata.

"Oo. O, huwag ka nang umiyak. Nababawasan ang ganda mo," pagbibiro ng lalaki.

"Basta magugulat ka na lang sa pagbabalik ko," dagdag pa nito habang pinapalis ang luha sa mata ng dalagita.



"HINDI PA ba tapos 'yan?" tanong ni Tiya Nena na nakasungaw ang ulo sa pinto.

"Malapit na po," sagot ni Ayesa.

Nasa family room ang limang kabataan kung saan pinanonood nila ang isang pelikula mula sa mga regalong video discs ni Uncle Linc. Gabi na naman at kanina pa nakapaghapunan ang lahat.

"Sabihan mo ako, Ayesa, pag tapos na kayo," bilin pa ng matandang babae sa pamangking tumango naman.

Lumipas pa ang sampung minuto at nagwakas na rin ang pelikula.

"Ang ganda, 'no! Para tayong nasa sinehan talaga," sabi ni Ayesa habang pinapatay ang telebisyon.

Nagtanguang nakangiti ang apat na taga-Maynila sa tanong ng dalagita. Pero sa totoo lang, hindi gaanong nakapag-concentrate ang lima sa pinanonood. Abala ang isip ng mga ito sa kanilang gagawin.

"Ay, naku. Ang dami kong nakain. Inaantok na tuloy ako," malakas na sabi ni Boging kasabay ang pag-iinat.

"Ako rin. Parang ang bigat-bigat ng tiyan ko," susog din ni Kiko na hinahaplos ang tiyan.

"Buti pa nga matulog na tayo. Teka, anong oras ba kayo aalis bukas?" tanong ni Ayesa sa mga bisita.

"After lunch na siguro," sagot ni Jo. "Puwede pa tayong mamasyal sa umaga. Gisingin n'yo ako nang maaga ha," bilin pa ni Ayesa.

"Oo ba. Happy birthday uli, Ayesa,' sabi ni Jo na niyapos nang mahigpit ang kaharap.



PATAY na ang lahat ng ilaw sa kabahayan. Tahimik ang paligid. Kahit kaluskos ay walang maririnig. Madilim na rin ang silid ng mga taga-Maynila. Nakahiga na sa kama ang mga binatilyo sa kanilang silid. Gayun din si Jo na nasa kanyang kuwarto naman.

Nakakumot pa ang tatlong binatilyo hanggang sa leeg habang nakahigang natutulog sa maluwang na kama.

Marahang bumukas ang pintuan ng silid ng mga binatilyo. Kapiraso lang ang ibinuka niyon. Isang pares ng mata ang sumilip sa kadiliman. Napangiti ang may-ari niyon nang masumpungang natutulog ang mga bisita. Narinig pa nito ang mahinang paghilik ni Boging. Napagod nga ang mga kabataan na ngayo'y malalim at mahimbing nang natutulog. Muling sumara ang pintuan.

Saglit lang at mahinang umalingawngaw sa kabahayan ang tunog ng grandfather's clock sa salas. Labing-dalawa lahat ang ginawa niyong pagtunog. Hatinggabi na. Kaunting sandali na lamang ang kailangang hintayin ng barkada.

Hindi pa nga lumilipas ang sampung minuto nang makarating sa silid ng mga kabataan ang mahinang tugtog ng plauta!

Sabay-sabay na dumilat ang mga nagkukunwaring natutulog na kabataan. Tahimik na inalis nila ang kumot. Hindi nakapantulog ang mga ito. Nakabihis pa rin sila ng panglakad! Marahang inilipat ni Kiko ang pusang si Cathy sa paanan ng kama sa sahig. Tulog pa rin ang pusa.

"Tama ang hinala mo, Gino," bulong ni Kiko.

"Shhhh, mamaya na," saway niya sa mga kasama habang halos nakatiyad na lumalabas ang tatlo ng silid. Nagbukas ng maliit na lente si Gino.

Nang tumapat sila sa silid ni Jo ay mahinang kinatok ni Gino ang pinto. Tatlong beses. Ilang segundo lang at lumabas na rin si Jo. Nakahanda rin ang dalagita.

Naririnig pa rin nila ang plauta. Nasa loob ng bahay ang tumutugtog. Nagtuloy sa salas ang mga kabataan.

"Gino, iba ang melodiya ng plauta ngayon. Malungkot din pero iba," bulong ni Kiko sa katabi. "Ano kaya ang ibig sabihin niyon?"

Kibit-balikat ang isinagot ni Gino. Magsasalita sana ang binatilyo nang biglang huminto ang musika! Tinalasan ng lahat ang kanilang pakiramdam. Sandali lamang at may narinig nga silang pagbukas ng pintuan sa itaas ng bahay. May naglalakad sa itaas. Patungo sa hagdan!

"Magtago kayo. Dali," babala ni Gino sa mga kasama.

Mabilis na nagtungo sa likod ng grandfather's clock si Jo samantalang ang tatlong binatilyo ay sa likod ng makapal na kurtina nagpunta. Ikinubli naman ng kadiliman ang anyo ng apat na kabataan.

Halos hindi humihinga ang mga taga-Maynila nang marinig nila ang yabag ng isang tao pababa sa hagdan. Hindi makasilip sina Gino sa pinagtataguan. Ayaw nilang mangahas dahil baka gumalaw ang kurtina. Tiyak na mahuhuli sila.

Mabuti na lamang at may siwang ang napagtaguan ni Jo. Mula sa likod ng malaking relo ay pilit na siniksik ni Jo ang maliit na mukha upang makasilip siya sa dako ng hagdan. At muntik nang mapasinghap nang malakas si Jo sa nakita.

Babaeng nakaputi! Nakasuot ng koronang gawa sa puting bulaklak at may hawak na pahabang bagay.

Si Diwatang Taal! Ay, si Ayesa pala, sigaw ng isipan ni Jo bagamat hindi ganap na nakikita ng dalagita ang mukha ng bumababa sa hagdan. Subalit nang dumaan sa tapat ng pinagtataguan ni Jo ang babae ay tuluyan nang nagitla at nalito si Jo.

Sa kadiliman ay nakilala pa rin ni Jo na hindi si Ayesa ang nakasuot ng damit ni Diwatang Taal! Hindi si Ayesa kundi si Meileen!

"Anong nangyayari dito?" Muling sigaw ng utak ni Jo na labis na naguguluhan sa nakita.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata  ng BulkanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon