MUNTIK NANG MAPATILI si Jo sa pagkagitla. Buti na lamang at natakpan niya agad ang kanyang bibig kundi'y mapapasigaw talaga siya.
"Catherine Ann Toledo! Saan ka galing, ha?" sita ni Kiko sa pusa. Iyon pala ang biglang sumampa sa bintana mula sa labas ng bahay.
Habol pa rin ang hininga na binuhat ni Jo ang pusa. "Susmaryosep, Cathy. Huwag mong gagawin uli 'yon ha. Aatakihin ako sa puso sa 'yo."
"Teka, Jo. Hindi pa 'ko tapos sa kanya," pigil ni Kiko na dinuro ang isang daliri sa pusang hawak ng dalagita.
"Alam mo ba kung anong oras na, Cathy? Ito ba ang uwi ng matinong babae, ha? Aba, ano na lang ang sasabihin ng mga kapit-bahay natin? Kababae mong pusa e kung saan-saan ka naggagala," patuloy pa ring sermon ni Kiko na nakapameywang pa ang kaliwang kamay.
Inilayo ni Jo ang pusa mula kay Kiko. "Puwes, yaman din lang at galit ka kay Cathy e di sa kuwarto ko na siya matutulog ngayon," anito pero sa totoo lang naghahanap talaga siya ng makakasama sa silid. Parang ayaw ni Jo na mag-isang matulog sa kuwarto.
"SAAN KA pupunta?" tanong ng kagigising pa lang at kasalukuyang nag-iinat na si Boging. Nagisnan kasi nitong abala si Gino sa pagsusuot ng medyas bagama't naka-basketball shorts lamang ang kaibigan.
"Sa labas," ani Gino na ni hindi man lang tinapunan ng sulyap ang nakahiga pa ring si Boging. "Magdya-jogging ako sa tabi ng lawa."
"Sama 'ko," sabad ng nakapikit pang si Kiko. Gising na rin pala ito at nakikinig sa usapan ng dalawa.
"Ikaw, Bogs," ani Gino na katatapos lang na magsuot ng sapatos na de goma, "...gusto mong sumama?"
"Mag-jogging?" nakangiwing sagot ni tabatsoy na para bang diring-diri.
"Alam mo, Boging, ibang point of view lang ang kailangan mo. Huwag mo kasing isiping mag-e-exercise ka," ani Kiko na tumagilid sa pagkakahiga at humarap sa mga kaibigan.
"E ano pa ba naman ang maiisip ko sa pag-dya-jogging kundi exercise?"
"Nagpapagutom! Hindi ka nag-e-exercise kundi nagpapakundisyon para marami kang makain sa almusal," paliwanag ni Kiko.
Hindi kaagad sumagot si Boging. Mukhang may punto si Kiko. Bakit nga ba hindi? isip ni tabatsoy. Mabigat na mabigat ang katawang bumangon ito at nagtungo sa bintana. Dumungaw si Boging upang mag-deep breathing muna. Madilim pa ang kapaligiran at nanuot sa katawan ng binatilyo ang malamig na simoy ng hanging amihan.
"Maginaw pala sa labas e," anito. Pagkuwa'y humakbang pabalik sa malambot na kama. Muli itong nahiga sa tabi ni Kiko at bumaluktot na nakayapos pa sa isang unan.
"O ikaw, Kiko. Akala ko ba sasama ka?" kalabit ni Gino sa kaibigan nang mapansing hindi rin ito kumikilos mula sa pagkakahiga.
"Ayoko na," tinatamad na tugon ni Kiko, "...malamig daw sa labas e," inulit pa nito ang sinabi ni Boging.
Napailing na lamang si Gino sa mga kabarkadang nag-back-to-back pa sa pagkakahiga sa kama. Hinagilap ng binatilyo ang inihandang maliit na tuwalya at saka tinungo ang nakasarado pang pintuan.
"Naku, Kiko. Mag-ingat ka at baka dumating ang araw na matulad ang katawan mo diyan kay Boging. Tiyak na hindi ka na makakaporma kasi walang magkakasya sa 'yong matinong damit," ani Gino bago ito tuluyang lumabas ng silid.
Biglang napaangat ang ulo ni Kiko sa banta ng kaibigan. Nilingon nito ang katabi. Ang tanging nakita niya ay ang malapad na katawan ni tabatsoy na may mala-Sierra Madre Mountain Range na umbuk-umbok na bilbil.

BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata ng Bulkan
Fiksi RemajaSinasapian ng diwata? Simpleng pagdalaw na may kaakibat na pamamasyal lamang ang sadya ng B1 Gang sa Talisay, Batangas kung saan malapit ang bulkang Taal. Pero kilala n'yo naman ang barkadang ito. Kahit ano ay maaaring mangyari. Tulad ngayon. Ginul...