Kabanata 3: SA LAWA NG TAAL

204 6 0
                                    

MATAPOS makapagpahinga ay niyaya ni Ayesa ang barkada na mamasyal. Ilang sandali pa at nasa baybayin na ng lawa ng Taal ang mga kabataan. Malawak ang lawa. Pakiramdam ng grupo ay nasa beach sila dahil buhangin din ang dalampasigan nito. Ang kaiba nga lang ay ang kawalan ng malalaking alon nang tulad sa dagat.

"Para saan 'yang mga kawayan?" tanong ni Gino na nakaturo sa animo makitid na kalye sa tubig; para bang maliit at mababang pier iyon na yari sa kawayan.

"Daanan 'yan ng mga sasakay sa bangka. Mababaw kasi dito kaya hindi makalapit ang bangka sa aplaya. Sasayad ang ilalim noon sa buhangin. Kaya para hindi mabasa ang mga sasakay at ang bagahe nila e diyan sila dumadaan para makapunta sa bangka. Teka, gusto n'yong magtampisaw? Mababaw lang naman e. Hanggang tuhod lang," yaya ni Ayesa na naghubad ng sneakers at tinutupi na ang laylayan ng pantalon.

Nagdalawang-isip si Jo. "E saan tayo magbabanlaw, Ayesa?" tanong ni Jo na pilit na hinahawakan ang maikling buhok na ginugulo ng malakas na hangin.

"Bakit?" balik na tanong ng dalagita na nagpasimula nang lumusong sa tubig.

"Mangangati kasi tayo pag 'di tayo nakapagbanlaw."

Natawa si Ayesa. "Jo, wala tayo sa dagat. Tubig-tabang ang lawa ng Taal kaya hindi tayo kailangang magbanlaw," paliwanag nito kasunod ang pagturo sa ilang kababaihan sa di kalayuan. Naglalaba ang mga iyon sa lawa mismo. Ibig sabihin, matabang nga ang tubig.

"Para palang malaking swimming pool 'tong Taal Lake," sagot ni Jo na nag-alis na rin ng sapatos. Masayang sumunod ang tatlong binatilyo.

"'Yun ba ang bulkang Taal, Ayesa?" ani Kiko na nakaturo sa isla sa gitna ng lawa. Tumango ang dalagita.

"Malaki rin pala ang isla. Kasi do'n sa Tagaytay Vista Lodge parang ang liit lang niyan pag sinisilip ko sa telescope ang bulkan," pansin ni Kiko.

"Actually, Kiko, hindi naman kita doon ridge ang mismong crater ng bulkan kasi nasa bandang likuran ng Volcano Island ang pinakabibig ng Taal," sagot ni Ayesa.

"Talaga? E ano 'yung crater na nakikita do'n?"

"Binintiang Malaqui ang tawag sa lawang 'yon. Dating crater ng Taal kaya lang dormant na ngayon."

"Ayesa, sabi ni Boging puwede raw makapunta mismo sa bunganga ng bulkan?" tanong ni Gino.

"Oo. Mula rito sasakay lang tayo ng motor banca papunta sa isla. Mga 20 minutes ang biyahe. Tapos puwede na tayong mag-hiking o kaya'y mag-horseback riding hanggang sa Crater Lake mismo."

"Oy, okey 'yun a! Puwede pa ba tayong pumunta ngayon?" sabik na tanong ni Kiko.

Tumingin sa relo si Ayesa. Pasado ala-una pa lamang. "Oo ba. Tena't sasabihin ko agad kay Ate Meileen para makagamit tayo ng bangka."

"Yeesss!" malakas na sigaw ng mga taga-Maynila.

"Teka, Ayesa," pigil ni Kiko sa lahat. "Anong klaseng kabayo ba ang masasakyan natin sa isla?"

Nag-isip ang dalagita. "'Yung parang kabayo sa Picnic Grove sa Tagaytay," anito.

"Wala bang mola? 'Yung tulad ng kabayo ni Denise Cojuangco sa Olympics?"

"Wala e. Bakit ba?"

"Baka kasi mabalian ng likod ang kabayong sasakyan ni Boging kung native lang e."

"A ganoon!" sagot ni taba na agad isinalok ang pinagdikit na mga palad at sinabuyan ng tubig si Kiko.

Gumanti naman si Kiko kay taba. Sandali lang at masayang nagbabasaan na ang mga kabataan sa lawa ng Taal. Subalit habang naaaliw sila ay hindi nila namalayang may isang pares ng mga mata ang sa kanila'y kanina pa sumusubaybay.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata  ng BulkanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon