Kabanata 22 : WAKAS NG MISTERYO

239 7 0
                                    

"ANO HO ang sabi ng doktor?" salubong na tanong ng B1 Gang kay Uncle Linc matapos kausapin iyon ng manggagamot.

Nasa ospital ang lahat kung saan dinala ng tiyuhin si Ayesa. Kasama rin nila ang isang pulis na kagagaling lamang sa presinto. Naparito ang pulis upang hingan ng statement ang mga kabataan.

"Ligtas na siya," nakangiting sagot ng lalaki. "Pero mabuti na lang at na-rescue n'yo agad si Ayesa. Pinainom daw siya ng maraming sleeping pills. Kailangan pang gamitan siya ng stomach pump upang maalis sa tiyan ang gamot pero mayamaya lang daw ay magigising na siya. Salamat sa inyong lahat. Kung hindi sa inyo'y pati ang kaisa-isang anak ng kapatid ko ay mawawala pa."

"Kami nga po ang magpapasalamat dahil naniwala kayo sa sinabi ko," tugon ni Gino.

"Sa totoo lang, Gino. Ang akala ko'y wild imagination n'yo lang ang mga sinabi mo pero hindi ko puwedeng isugal ang buhay ni Ayesa. Lalo na nang makita ko sa iyong mata ang sinseridad. Kahit ano ay gagawin ko para sa aking pamangkin," sagot ng lalaki.

"Pero, Kuya, nalilito pa ako kung paano mo naisip na kasangkot si Dr. Briones," singit ni Jo.

"Nagduda ako kay Dr. Briones nang sabihin niya kay Boging na walang halong gamot ang tsaa ni Ayesa. Sabi kasi niya'y baka may nakaing iba lang si Bogs at tigilan na raw natin ang paghihinala kina Tiya Nena.

"Pero nang isip-isipin ko, saka ko lamang naalala na hindi ko nga pala nabanggit sa kanya na pati ikaw, Jo, e nag-hallucinate rin nang inumin mo ang tsaa. At dahil hindi alam ni doktor iyon kaya nagawa niyang magsinungaling.

"Ang tsaa kasi ang tanging clue natin sa kasong ito. Sa tsaa nakadepende ang lahat. Kung wala ang tsaa ay wala tayong kaso," paliwanag ni Gino.

"Tama ang kutob mo, iho," wika ng pulis. "Inamin na ni doktor na sa kanya humingi ng pampatulog sina Tiya Nena. Sa kanya rin daw galing ang gamot na hinahalo sa tsaa. Pinangakuan siya na makakatanggap ng malaking halaga sa oras na mailipat kina Meileen ang mga namana ni Ayesa. Unti-unti nilang pinalalabas na nababaliw si Ayesa at sanhi ng kabaliwan ay nalunod ito nang tangkaing magpunta sa Volcano Island."

"Napabilis lang ang plano nila nang dumating kayo, Mr. Ong,' sabi pa ng pulis.

"May balak daw kayong bawiin ang kayamanan ng kapatid ninyo."

Napailing si Uncle Linc. "Masama talaga ang nagiging ganid. Wala akong balak na galawin ang naiwang negosyo ng kapatid ko. Hindi sa pagyayabang pero mahigit pa sa doble ang negosyo ko kaysa sa kanya."

"Sabi rin ho pala ni hepe," dagdag ng pulis, "na kung interesado raw kayo e bubuksan namin uli ang kaso ng inyong kapatid. Sa mga ginawa nina Tiya Nena kay Ayesa, baka raw hindi aksidente ang pagkamatay ng inyong kapatid."

Tahimik na napatango si Uncle Linc. Nagitla ito sa katotohanang matagal na palang pinag-iinteresan ng mag-inang Meileen ang yaman ng kanyang kapatid.

Napailing si Boging. Sa paghahangad ng mas marami, tuluyang nawalan sina Tiya Nena at Meileen. Kalaboso pa ang inabot ng mga ito.

"Ibig sabihin, Kuya, tapos na ang hiwaga ng diwata ng bulkan?" baling ni Jo sa kapatid.

"Oo, Jo, kaya puwede mo nang hingin kay Ayesa ang plauta niya para maging souvenir.  Alam ko namang matagal nang masama ang tingin mo roon eh," ani Gino.

Napuno ng masayang tawanan ang waiting room ng hospital. Isang hiwaga na naman ang matagumpay na nalutas ng B1 Gang.

W A K A S

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 21, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata  ng BulkanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon