"KAILAN DAW malalaman ang resulta?" salubong na tanong ni Boging kay Gino nang muling magbalik ang huli sa silid. Tinutukoy ni Boging ang gagawing pagsusuri sa tsaa na palihim na iniabot ni Gino kay Dr. Briones.
"Bago raw katanghalian pa lang ay narito na uli sa Talisay si doktor. Aabangan ko siya sa may gate para sa resulta. At magsasama na raw si doktor ng pulis para huwag nang malagay pa sa peligro si Ayesa," masayang balita ni Gino sa lahat.
"Akala ko, Kuya, hindi natin malulutas ang kasong ito eh," buntong-hininga ni Jo.
"Hindi pa naman natin lubos na nalulutas ang kaso, Jo," sagot ni Gino sa kapatid. "Kaya lang pag iniharap natin ang resulta ng laboratory examination sa tsaa ay tiyak na hindi makakatanggi kung sino man kina Tiya Nena o Meileen ang may kagagawan sa panloloko kay Ayesa."
"Ano na ang gagawin natin habang naghihintay tayo, Gino?"
"Ano pa e di mag-celebrate! Kaarawan ni Ayesa ngayon, 'di ba?" singit ni Boging na may ngiti sa mukha. "Bale double celebration nga 'to eh. Birthday at ang pagkalutas ng latest case ng B1 Gang!"
"Tama si Boging. Pumunta na tayo sa salas para makisaya kay Ayesa!" yaya ni Kiko sa lahat.
Pababa na ang apat nang makasalubong sila ni Ayesa sa hagdan. "O, tamang-tama. Kakatokin ko na sana kayo sa kuwarto eh," anito. "Kakain na tayo."
"Naku, bilisan natin. Masamang pinaghihintay ang pagkain," malapad ang ngiting sabi ni Boging. "Saka mas masarap ang pansit at sopas pag mainit pa."
"Paano mo nalamang may pansit at sopas, Bogs?" may pagtataka sa mukha na tanong ni Ayesa.
"Ha? A e palagi namang may pansit at sopas sa birthday, 'di ba?" mabilis na bawi ni taba. Hindi nito masabi sa dalagita na nakita niya ang mga iyon kagabi nang magbungkal siya sa kusina.
"Saka para mo namang hindi kilala si Bogs, Ayesa," mabilis na pagtatakip ni Jo sa kaibigan. "Kung pagkain din lang ang pag-uusapan e grand champion 'tong si taba!"
Nagkatawanan ang mga kabataan sa biro ni Jo dahil alam nilang lahat na totoo iyon. Magulo silang nanaog nang sama-sama patungo sa komedor.
"Wow, may litson pa!" bulalas ni Boging nang bulagain sila ng malaking baboy na nakahatag sa mesa. Kung gaano kapula ang mansanas sa bibig ng litson ay ganoon din ang kulay ng malutong na balat niyon.
"Nagulat din nga ako eh. Hindi ko inaasahang marami palang handa," wika ni Ayesa.
"Siyempre naman. Mahal ka yata namin ni Inay," sagot ni Meileen mula sa likuran ng mga kabataan.
"O, abutan mo na sila ng pinggan, Ayesa," sabi pa nito na itinuro ang patung-patong na plato sa gawing kanan ng pinsan.
"Ang kubyertos e nasa likod niyang mga plato," sabi pa nito nang may mapansin ang dalaga. "Teka, ba't wala rito ang sarsa ng litson? Naiwan pa siguro sa kusina. Nasaan na ba si Tisya?" Ang katulong ang tinutukoy nito.
"Ako na po ang kukuha sa sarsa," kusa ni Kiko na ibinababa ang hawak na plato. "Sigurado hong abala ang katulong ninyo."
"Puwede ba, Kiko, paki lang," nakangiting paki-usap ni Meileen.
"No problem po pero puwede ho ba akong magbilin sa inyo?" paki-usap din ng binatilyo.
"Ha? Ng ano?" nalilitong sabi ni Meileen. Pati ang barkada ay napatingin din kay Kiko sa pagtataka.
"Paki bantayan lang ho ninyo 'yang si Boging. Kahit ho kasi walang sarsa e uupakan niyan ang litson. Baka wala na ho akong abutan pagbalik ko mula sa kusina."
Malakas na napatawa ang lahat sa biro ni Kiko. Pero hindi nagpatalo si Boging. Humirit din ito. "Huwag kang mag-alala, 'tsong. Titirahan kita. Titirahan kita ng buntot ng litson dahil tamang-tama lang 'yon sa katawan mo!"
Muling napuno ng tawanan ang komedor. Hawak ni Ayesa ang tiyan dahil sa hindi mapigil na pagtawa.
"O, tama na 'yan, Balot at Cachupoy. Magtira naman kayo para sa matinee show mamaya," nagbibirong awat ni Jo sa mga kabarkada.
Nagtuloy sa kusina si Kiko. Inabutan niya roon si Tiya Nena na nakatalikod sa pinto kaya hindi nito namalayan ang pagpasok ng binatilyo. Patuloy pa rin ang babae na may pinakukuluan sa kalan habang mahinang humuhuni ng isang melodiya.
Naisip ni Kiko na huwag nang abalahin ang babae. Tahimik na hinanap ng binatilyo ang sarsa ng litson pero wala iyon sa ibabaw ng counter. May napansin si Kiko na may kalakihang kaldero sa lapag. Niyuko niya ang kaldero at marahang inangat ang takip. Iyon nga ang sarsa ng litson pero alangan namang buhatin niya ang buong kaldero sa mesa.
Nakayuko pa rin si Kiko nang makilala niya ang melodiyang hinuhuni ni Tiya Nena.
Ang musika ng plauta! Wala sa loob na hinuhuni ni Tiya Nena ang musika ng plauta na narinig nila ni Jo!
Gitlang napatayo si Kiko. Animo'y estatwang nanigas ang katawan habang nakatitig sa babaeng nakaharap pa rin sa kalan.
Nasa gayong ayos pa rin si Kiko nang biglang pumihit ang babae. "Ayy, unanong kalbo sa kalaboso!" nagulat na bulalas nito sa hindi inaasahang presensiya ni Kiko sa kusina. Bahagyang naligwak ang hawak na kaserola ng babae. Sumaboy ang kulay dark brown na likido sa puting baldosa ng kusina.
Lalapit sana si Kiko sa babae upang tulungan iyon sa paglilinis sa natapong likido pero pinangunahan siya nito.
"Hindi, sige na. Kaya ko na 'to. Ano ba ang kailangan mo sa kusina?" tanong ni Tiya Nena.
"Nakalimutan ho kasi ang sarsa," ani Kiko.
"Ah, sige. Ako na rin ang bahala. Bumalik ka na at ako na ang maglalabas ng sarsa," wika ng babae na halos ipagtabuyan si Kiko mula sa kusina.
Gustung-gustong malaman ni Kiko kung ang pinakukuluan ni Tiya Nena ay ang nakaka-hallucinate na tsaa pero wala siyang magawa kundi ang sumunod sa sinasabi ng babae.
"Sayang," bulong ni Kiko sa sarili habang palabas siya ng kusina. Matibay na ebidensiya sana iyon kung nahuli niya sa akto si Tiya Nena.
SA MALAWAK na hardin kumain ang limang kabataan. Nakaupo sila sa kumot na inilatag sa damuhan. Animo'y nagpi-picnic ang mga ito at salu-salo sa mga pagkaing nakahatag sa kumot.
Lingid kay Ayesa, madalas magnakaw ng sulyap ang B1 Gang sa dako ng gate. Baka kasi naroon na si Dr. Briones. Sa kasalukuyan ay wala silang binabanggit kay Ayesa ukol sa kanilang hinala. Ayaw nilang masira ang kaarawan ng kaibigan.
Dala ng kasabikan sa paghihintay ay napahinto sa pagsubo si Jo nang may makita itong tao sa tarangkahan. Hindi naman nito kilala si Dr. Briones kaya't sinenyasan ng dalagita ang kapatid. Mabilis na lumingon si Gino pero napakunot-noo ito. Hindi si doktor ang nasa gate.
"Ayesa, may bisita yata kayo," sabi ni Gino sa katabi.
"Uncle Lincoln?!" bulalas ni Ayesa na may kasiyahan sa mukha.
"Tiya Nena! Ate Meileen!" malakas na tawag ng dalagita sa kabahayan. "Nandito si Uncle Linc!"
Magkasabay na lumabas ang tinawag ni Ayesa. Nakatingin ang mga iyon sa gate. Ewan ni Jo kung napansin din ng mga binatilyo ang napansin niya. Pero nahuli ng dalagita ang tinginan ng mag-ina na bakas ang pagsususpetsa sa bagong dating.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata ng Bulkan
Teen FictionSinasapian ng diwata? Simpleng pagdalaw na may kaakibat na pamamasyal lamang ang sadya ng B1 Gang sa Talisay, Batangas kung saan malapit ang bulkang Taal. Pero kilala n'yo naman ang barkadang ito. Kahit ano ay maaaring mangyari. Tulad ngayon. Ginul...