Kabanata 21 : SAKLOLO SA WAWA

188 5 0
                                    

LABIS MAN ang pagtataka ni Jo ngunit walang magawa ang dalagita kundi ang tumahimik. Sinundan niya ng tingin si Meileen na nagtungo sa pintuan ng bahay. Binuksan niyon ang pinto. Sandali pa't may kinakausap na ang dalaga. Halos bulong ang usapan kaya't walang maintindihan si Jo talasan man niya ang pandinig.

Mayamaya'y muling pumanhik si Meileen na may kasamang lalaki. Kasabwat din pala si Meileen! Mabuti na lang at hindi nila kinausap noon ang dalaga. Tinitigan ni Jo ang kasamang lalaki ni Meileen ngunit hindi niya iyon makilala dahil sa suot na itim na ski mask. Mata at bibig lamang ang butas ng maskarang tila yari sa lana.

"Sa labas tayo, dali," bulong ni Gino. Palabas na sila sa pinagtataguan nang muling makarinig sila ng mga yabag. Muling nagtago ang lahat at nakiramdam sila. Ngayon ay mahigit na sa isang tao ang naglalakad pababa sa hagdan!

Si Jo uli ang nasa puwesto upang makita ang mga pababa. Nauuna si Meileen at kasunod nito si Tiya Nena na may sinesenyasan mula sa likuran. Muling nagitla si Jo nang makita ang lalaking may takip ang mukha na buhat-buhat si Ayesa na nakasuot din ng puting damit at koronang puti! Walang-malay ang dalagita!

Pinatay kaya nila si Ayesa? sindak na tanong ng isipan ni Jo nang biglang kumislot ang kanang braso ni Ayesa. Nakahinga nang maluwag si Jo nang matiyak na buhay ang kaibigan.

"Bilisan natin. Baka mawala na ang bisa ng gamot," narinig ni Jo na sabi ng lalaki sa mga kasama.

Inihatid ni Tiya Nena sa pintuan sina Meileen at ang lalaking buhat-buhat si Ayesa subalit hindi lumabas ng bahay ang matandang babae. Matapos makalabas sina Meileen ay muling ipininid nito ang pinto at nagbalik sa kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay.

Sa sandaling narinig ng mga kabataan ang pagsara ng pinto sa silid nina Tiya Nena ay agad silang lumabas sa pinagtataguan.

"Kuya, bilisan natin. Sundan natin sila. Baka kung ano ang gawin nila kay Ayesa," bungad ni Jo sa mga binatilyo. Mabilis na inilahad ng dalagita ang nasaksihan.

"Tayo na, Gino," nanggigigil na sabi ni Boging.

"Teka lang. Kiko, kailangang bumalik ka sa kuwarto natin," pigil ni Gino sa kasama.

"Patay-buhayin mo ang ilaw sa kuwarto. Tatlong beses. Jo, samahan mo si Kiko."

"Ha? Bakit?" tanong ni Kiko.

"Wala na akong oras para magpaliwanag," samo ni Gino sa mga kasama.

"Okey," mabilis na sang-ayon ni Kiko na hindi na nakipagtalo. Tiwala siya sa kaibigan. Pati si Jo ay hindi na nagreklamo. Sa ganitong pagkakataon na mahalaga ang bawat sandali, alam ni Jo na higit na makakasama kung makikipagtalo pa siya. Matahimik na pumanhik sina Kiko at Jo pabalik sa silid samantalang lumabas na ng bahay sina Gino at Boging.

"Nasaan sila, Gino?" bulong ni Boging na lumilinga-linga upang makita sina Ayesa.

"Ayun, sa daan papunta sa lawa," sagot ni Gino nang maaninag niya ang dalawang aninong itim na hugis-tao.

Mabilis na humabol ang dalawa. Nagkubli sila sa makakapal na halamanan nang marating ang baybayin. Nakita nila si Meileen at ang lalaki na isinasakay sa isang maliit na bangkang de motor si Ayesa. Inihiga ng lalaki sa sahig ng bangka ang wala pa ring malay na si Ayesa. Sumakay ang lalaki sa bangka at hinudyatan niyon si Meileen. Nasa piyer na kawayan ang dalaga. Itinulak ni Meileen ang bangka palayo.

"Boging, nakikita mo ba ang maliit na bangkang iyon sa dakong kaliwa?" bulong ni Gino sa katabi.

"Oo, susundan natin si Ayesa?"

B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata  ng BulkanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon