Kabanata 6: MAHIWAGANG TUGTUGIN

207 4 0
                                    

"PASENSIYA ka na, ineng. Hindi ko rin maipaliwanag kung ano ang nangyari," umiiling na paghingi ng paumanhin ni Ka Benny kay Ayesa. Nasa aplaya na uli ang lahat. Pinaiinit na ng bangkero ang motor ng bangkang sasakyan ng mga kabataan.

"Wala po kayong kasalanan, Ka Benny. Alam ko pong aksidente ang nangyari," alo ng dalagita na masuyong humawak pa sa braso ng matanda.

"Salamat, Ayesa. Pero kilala mo rin naman ang mga alaga ko. Ngayon lang nangyari ang ganire sa tagal ko nang nagpapa-arkila ng kabayo."

"Alam ko po, Ka Benny. Wala kayong kasalanan," ulit pa ni Ayesa. "O sige po. Babalik na po kami sa Talisay."

Inalalayan ng matandang lalaki ang bangka habang pasakay ang mga kabataan. Nauna ang mga dalagita at nang si Gino na ang huling sasakay ay binulungan iyon ni Ka Benny. "Salamat uli, iho sa pagsagip mo kay Ayesa. Malapit sa 'kin ang batang 'yan. Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kung nadisgrasya siya kanina."

"Wala pong anuman pero kayo rin po.

Mag-iingat din po kayo sa inyong hanap-buhay," nakangiting sabi ni Gino habang pasakay na sa bangka.

Tumango ang matanda tapos ay biglang naging seryoso ang mukha. "Kayo ang mag-ingat, iho. Bantayan n'yo si Ayesa," mahiwagang sagot ng matanda kasunod ang marahang pagtulak sa bangka palayo sa aplaya.

Hindi na tuloy naitanong pa ni Gino kung ano ang ibig ipahiwatig ng matanda sa babala nito.


"NAG-ENJOY ba kayo sa isla?" salubong na bati ni Meileen sa mga kabataang papasok ng tarangkahan. Katabi nitong nakaupo sa magarang upuan sa may hardin si Tiya Nena.

"Oho. Ngayon lang ho kami nakakita ng crater ng bulkan na talagang close-up," sagot ni Kiko.

"Saka, ang tarik ho pala ng crater ng bulkang Taal. Nalula nga ho ako e," dagdag ni Jo.

"Delikado talaga sa bulkan. Tiyak na kamatayan ang aabutin ng sinumang mahulog doon," seryoso at nakakapangilabot na sabad ni Tiya Nena.

Nagkatinginan ang mga kabataan sa sinabi ng matandang babae. Ngunit hindi sila nagsalita. Nakiusap sa kanila si Ayesa na huwag nang banggitin ang nangyari sa isla. Tiyak daw na lalong hihigpitan siya ng tiyahin at baka hindi na payagang makalabas ng bakuran.

"O, tumuloy na kayo sa komedor at may nakahandang meryenda para sa inyo," singit ni Meileen sa ina.

"Nanay naman," baling na bulong ni Meileen sa katabi nang makapasok ang mga kabataan sa bahay. "Bakit ba parang galit ka sa mga bata?"

"Ewan ko ba, Meileen pero mabigat ang dugo ko sa mga 'yan. Masama ang kutob ko na may di magandang mangyayari na hindi ko maintindihan e."

"Mga bata lang ang mga 'yan, 'Nay. Ano ba naman ang magagawa nila?"

"Sabagay, pero ewan ko ba, Meileen. Ewan ko," umiiling na sagot ng matandang babae.


MALUWANG ang guest room na inilaan para sa tatlong binatilyo sa ikalawang palapag ng bahay. Sa isang panig ng malapad na kama ay magkatabing nahihimbing sina Boging at Gino. Sa kabilang parte naman ay si Kiko at si Cathy. Sweet na sweet ngang tingnan ang dalawa dahil sa dibdib pa ni Kiko nakadapang natutulog si Cathy. Nasa katapat na silid naman si Jo. Mag-isa lamang ang dalagita na kanina pa rin nakahimbing.

Maagang natulog ang mga kabataan dahil sa pagod na sanhi ng kanilang biyahe at ng nangyari sa bulkan. Malalim na ang gabi at tahimik ang buong paligid maliban sa mangilan-ngilang huni ng panggabing kuliglig.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata  ng BulkanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon