"IMPOSIBLENG SINASAPIAN si Boging ng espiritu ni Randy Savage kasi buhay pa si Randy eh," sa wakas ay sambit ni Gino habang pinagmamasdan nila ang kaibigan na patalun-talon pa rin sa kama.
"Lalo namang hindi puwedeng nababaliw si Bogs kasi matino naman siya kanina bago nagpunta sa kusina," dagdag ni Kiko.
"Ibig sabihin, kung anuman ang nangyayari kay Boging e malamang na nagsimula sa kusina," habol ni Jo nang may maalala ito. "Kuya, nakita ko siyang may kinakain mula sa ref kanina!"
Nagkatinginan ang tatlo. Halos sabay na may nabuong plano sa kanilang pag-iisip. "Kailangang mapigilan muna natin si Boging. Baka masaktan siya," ani Gino.
"'Yang laki ni Boging? Mapipigilan lang 'yan kung igagapos natin," naiiling na sabi ni Jo.
"Gino, tama si Jo. 'Yun lang ang makakapigil kay Boging," wika naman ni Kiko.
"Jo, kuhanin mo ang tuwalya natin. 'Yun ang gagamitin nating panali para hindi masaktan si Boging," utos ni Gino sa dalagita na mabilis namang tumalima. Iniabot ni Jo sa dalawang binatilyo ang tig-isang tuwalya na pampaligo.
"O, Kiko, ready ka na? Ako sa katawan, ikaw sa hita, ha?" bilin ni Gino habang pinipilipit ng mga ito ang hawak na tuwalya.
"Aha! Tag team wrestling ha!" mayabang na sabi ni Macho Man Boging.
"Go, Kiko!" senyas ni Gino kasabay nang pagsugod nila sa kaibigang mataba.
Nagmistulang wrestling ring ang kama. Matagal ding nagbuno ang tatlo. Naroong madaganan ni Boging si Gino. Naroong maipit si Kiko sa pagitan ng mabibintog na hita ni taba. Naroong mangudngod pa ang nguso ni Kiko sa puwitan ni tabatsoy. Kung hindi nga lang dis oras ng gabi ay gustung-gusto nang magtatawa ni Jo dahil naging comedy wrestling ang pinapanood niya.
Pero malakas pala si Boging. Pawisan na ang tatlo ngunit patuloy pa ring nakakaiwas si taba sa nais gawin sa kanya ng mga kaibigan. Subalit sa huli ay nanaig din ang pinagsamang lakas nina Gino at Kiko. Nang bumaba sa kama ang dalawa ay nakatali na ang hita at braso ni Boging. At para hindi ito mag-ingay, maingat na pinasakan ni Jo ng face towel ang bibig ni taba.
"Kiko, ikaw na ang magbantay kay Bogs ha," ani Gino na habol pa ang hininga. "Jo, tena sa kusina. Tingnan natin kung ano ang nakain ni Boging."
Lumabas ang dalawa sa silid. "Diyan sa ref ko siya nakitang may dinudukot, Kuya," turo ni Jo.
Binuksan ni Gino ang refrigerator. "Walang bawas ang ice cream... buo pa rin ang cake," mahinang sabi ni Gino.
"Kuya, 'yung manok," nakaturong sabi ni Jo.
"Mukhang hinaltak lang nga ang mga nawawalang parte ng manok at hindi kinutsilyo."
"Pero 'di ba't kumain din tayo niyan kanina, Kuya? Ba't si Boging lang ang naapektuhan?" katuwiran ni Jo.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata ng Bulkan
Teen FictionSinasapian ng diwata? Simpleng pagdalaw na may kaakibat na pamamasyal lamang ang sadya ng B1 Gang sa Talisay, Batangas kung saan malapit ang bulkang Taal. Pero kilala n'yo naman ang barkadang ito. Kahit ano ay maaaring mangyari. Tulad ngayon. Ginul...