Kabanata 4: VOLCANO ISLAND

230 7 0
                                    

"NASAAN ANG BULKAN?" tanong ni Kiko habang papalapit ang bangkang kinasasakyan ng limang kabataan sa baybayin ng Volcano Island. Nakaupo ito sa isang panig sa harapan ng bangka at katapat nito si Boging. Sina Ayesa at Jo naman ay nakapuwesto sa bahaging nasusukuban ng bubungan ng bangka.

Si Gino ay katabi ng piloto ng bangka at nasa dakong likuran sila kung saan naroon ang motor at manibela na minamaniobra ng lalaki. Pinanonood ni Gino ang ginagawa ng piloto. Paminsan-minsa'y tinatanong nito kung paano kinokontrol ang banka. Mukhang madali kasi.

"Kailangan pa nating sumakay sa kabayo, Kiko, para makita ang bibig ng bulkan," sagot ni Ayesa sa tanong.

"E ba't parang walang bulkan diyan?" sabi rin ni Jo.

"Ang hinahanap n'yo siguro e 'yung parang Mayon Volcano na mataas. Baka nakalimutan na ninyong ang Taal ay isa sa pinakamababang bulkan sa buong mundo; mga 300 meters lang ang taas niyan," sagot ni Ayesa.

"Kapit kayo," babalang singit ng piloto ng bangka. Saglit lamang at naramdaman ng mga kabataan na sumayad ang ilalim ng bangka sa buhanginan.

May ilang kalalakihan na nasa aplaya ang lumusong sa tubig at sumalubong sa bangka. Hinawakan ng mga iyon ang katig na kawayan upang huwag maging maalog ang bangka. Isa-isang nagsitayuan ang barkada. Ngunit hindi pa sila nakakababa ay sine-sales talk na sila ng mga lalaking humahawak sa katig.

"Sa akin na kayo mag-renta ng kabayo. Maganda ang porma ng alaga ko," alok ng isang mamang nakasuot ng sando kay Kiko na naunang tumalon mula sa bangka papunta sa tuyong buhangin.

"Malaki ang kabayo ko. Tamang-tama ka ro'n, bosing," sabi naman ng isa kay Boging.

"Iha, kabayo ko na ang kunin mo. Malinis 'yon," baling pa ng isa kay Jo.

Subalit nang si Ayesa na ang tumayo at bumaba ng bangka ay kapansin-pansin na bahagyang nagitla ang mga nag-aalok ng kabayo. Nagsitahimik ang mga iyon. Ni isang salita ay walang maririnig. Nahuli pa nga ni Gino ang palihim na sulyapan ng mga lalaki. Hindi naman niya binigyan ng kahulugan ang napansin. Marahil ay nakilala ng mga lalaki ang dalagita na taga-roon din.

Iginala ng mga taga-Maynila ang paningin sa kapaligiran. Hindi kakaiba sa ibang beach resort na napuntahan nila ang lugar na ito. Iyon nga lamang, itim ang kulay ng buhangin dito at tabang nga ang tubig.

Marami na ring tao sa aplaya. Hindi mahirap hulaan na dayo ang mga ito mula sa kanilang kasuotan. Mayroon ding mga nagsi-swimming sa lawa. Sa isang banda naman ay nakita nila ang paalis na bangka na puno ng mga turistang Koreano. Kung hindi lang nga nila alam na may bulkan dito ay hindi nila maiisip na hindi pangkaraniwang isla lamang ang kinaroroonan nila.

"Sandali ha. Hahanapin ko lang si Ka Benny. Sa kanya tayo mag-re-renta ng kabayo," sabi ni Ayesa.

"Sasamahan na kita, Ayesa," habol ni Boging sa kaibigan. Naglakad palayo sa grupo ang dalawa. Tinahak ni Ayesa ang landas papunta sa isang grupo ng mga bahay kubo.

"May opisina pala ang PhilVolcs dito," pansin ni Boging sa maliit na gusali sa gawing kanan nila.

"Oo. Regular na minamanmanan nila ang Taal. Ayon kasi sa kanila e unpredictable ang bulkang Taal. Paiba-iba ang mood kaya mahirap ispilengin, parang babae raw," natatawang sagot ni Ayesa.

Habang naglalakad ang dalawa ay hindi nakaila kay Boging na ang bawat grupo ng mga tagaroon sa isla na kanilang maraanan ay palihim na sumusulyap sa kanila. Na-conscious tuloy si taba dahil pakiramdam niya ay artista sila na sinusundan ng tingin.

Pero alam niyang si Ayesa ang pinagtitinginan ng lahat. Na hindi naman kagulat-gulat dahil maituturing na mula sa pinakamayaman na pamilya sa Talisay ang dalagita.

Huminto si Ayesa sa tapat ng isang kubo. "Tao po! Tapo po!" malakas na tawag ng dalagita.

Dumungaw mula sa bintana ang isang babae na may edad na. Naningkit ang mga mata niyon habang kinikilala ang dalawang kabataan tulad ng ginagawa ng mga malalabo ang mga mata.

"Ano po ba iyon?" magalang ding tanong ng babae gayong higit na mas matanda ito sa dalawa.

"Nariyan po ba si Ka Benny?"

"Aba, oo, narine siya. Nasa likod-bahay. Ano ga ang sadya n'yo sa kanya, ineng?" sagot ng babae sa puntong Batangueno.

"Mag-a-arkila po sana kami ng kabayo. Lima po ang kailangan namin e."

"Lima! Ha, a, e s-sige. Sandali lang ha at tatawagin ko. Huwag kayong kikilos diyan, ha," halos magkandautal na sagot ng babae nang may maalala iyon. "E ano na nga ba ang pangalan mo, iha?"

"Si Ayesa po. Ayesa Ong po."

Tila natulala ang babae sa narinig na pangalan. Napadilat ang mga mata at napaawang pa nga nang bahagya ang bibig niyon. "Ha? A, e...," anito na hindi man lang tumitinag mula sa pagkakadungaw.

"Bebang, sino ba ang kausap mo?" sabi ng boses ng lalaki mula sa loob ng kubo. Saglit lang at dumungaw na rin ang lalaki upang sinuhin ang nasa labas.

"Ayesa? Ikaw ba 'yan?" nakangiting tanong ng lalaki. Aninag sa mukha ng matandang lalaki ang kagalakan.

"Opo, Ka Benny. Gusto ho sana naming mag-arkila ng kabayo mula sa inyo," tumatangong sagot ng dalagita.

"Aba'y basta ikaw, iha. Ako na rin ang guide n'yo. Teka't magpapalit lang ako ng kamiseta," ani Ka Benny. Magkasamang nawala sa bintana ang mag-asawa.

"Doon tayo sa ilalim ng punong talisay maghintay," yaya ni Ayesa. Magkasamang naglakad uli ang dalawa.

"Ito ba ang puno ng talisay?" ani Boging habang nakatingala sa punungkahoy na tila payong na palapad ang direksiyon ng sibol ng mga sanga. "Kaya ba Talisay ang tawag sa bayan n'yo dahil maraming ganito sa inyo?" "Malamang, Boging. Ganoon lang yata nagsisimula ang pangalan ng mga bayan eh. Tulad ng Tanauan na ibig sabihin ay lugar na pinagtatanawan o kaya'y ang Tangkaban na ibig sabihin ay breakwater," sagot ni Ayesa. Sinulyapan ng dalagita ang dako ng bahay ni Ka Benny ngunit wala pa ring lumalabas sa kabahayan.

Napansin ni Boging na naiinip ang kasama. "Teka, Ayesa, baka kailangang ni Ka Benny ang tulong kaya siya natatagalan. Pupuntahan ko na uli para matulungan siya," paalam ng binatilyo na agad tumayo.

Nasa harapan na uli ng kubo si Boging. Tatawagin na sana niya ang lalaki nang makarinig siya ng mahinang sagutan mula sa dakong likuran ng bahay. Nabosesan niya ang mag-asawa. Pero sa pagtataka ni Boging ay tila nagtatalo ang dalawa.

Bakit kaya? Naisip ni Boging habang naglalakad patungo sa direksiyon na pinagmumulan ng mga boses.

"Naku, Benny, sa iba na lang kamo siya mag-renta ng kabayo," narinig niyang matigas na sabi ng babae.

"Ano ka ba, Bebang. Nakalimutan mo na ba ang mga naitulong sa atin ni Engr. Ong? Tapos ngayon e gusto mong bale-walain ko ang anak niya?"

"E paano naman ang nangyayari sa batang iyon? Hindi ka ba kinikilabutan na makasama si Ayesa---" biglang naputol ang sagot ni Aling Bebang nang matanaw nito si Boging na papalapit sa kanila.

"Excuse me ho, may problema po ba?" magalang na singit ni Boging.

Tinitigan ni Ka Benny ang asawa bago ito nagsalita, "Wala, iho. Wala," mariing sabi ng lalaki sa tonong nagtatapos sa nakakaintrigang pagtatalo ng mag-asawa.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata  ng BulkanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon