Kabanata 10 : TAPOS NA ANG BAKASYON

195 5 0
                                    

"IMPOSIBLE 'yan!" mariing tanggi ni Boging sa sinabi ng kaharap. Kasalukuyang nagpupulong sa silid ng mga binatilyo ang apat na kabataan. Nakapalibot na nakaupo sila sa kama.

"Oo nga, Kuya. Maayos namang kausap si Ayesa," ani Jo nang sabihin ni Gino ang nabanggit ni Dr. Briones.

"Hindi naman namin sinabing naniniwala kami na nababaliw nga si Ayesa e," sangga agad ni Kiko.

"Teka, teka. Ayusin muna natin ang usapan," pigil ni Gino sa mga kasama. "Jo, ikaw muna."

Inilahad ng dalagita ang sinabi sa kanya ng tiyahin ni Ayesa tungkol sa alamat ng diwata. Tahimik ang tatlong binatilyo ngunit kapuna-punang may malalim na iniisip si Boging habang nakikinig kay Jo.

"...At palagay ko, Kuya, naniniwala si Tiya Nena sa kapangyarihan ni Diwatang Taal na maparusahan ang sinumang sumuway sa diwata," pananapos ni Jo.

"Kiko, ikaw na ang magkuwento sa nangyari sa 'tin," pagbibigay-daan ni Gino sa kaibigan. Nagpasimulang magsalita ang binatilyo. Inilahad na rin nito ang karanasan nila ni Jo tungkol sa narinig na musika.

Habang nakikinig nama'y hindi mapakali sa pagkakaupo si Boging. Halatang-halata na balisa ito.

"Palagay ko'y established na ang fact na si Ayesa nga ang tumutugtog ng plauta sa gabi. Narinig din namin mismo ni Jo ang musika e," pagtatapos ng binatilyo.

"Meron pa, Kiko," habol ni Jo. Sinabi na rin nito ang tungkol sa babaeng nakaputi. "Akala ko kasi guni-guni lang ang nakita ko kaya hindi 'ko na binanggit."

"Si Ayesa ba?" tanong ni Boging na ang tinutukoy ay ang babaeng nakita ni Jo sa labas ng bahay.

"Hindi ko masabi kasi saglit lang talaga ang pagkakita ko," umiiling na sagot ni Jo. "Pero tama ang height ng nakita ko sa taas ni Ayesa."

"Boging, kanina ka pa namin napapansin. Bakit ba hindi ka mapakali?" baling ni Gino sa kaibigan.

Huminga muna nang malalim ang Tsinoy bago ito nagsalita. "Sabi kasi sa 'kin ni Ayesa kanina na halos gabi-gabi ang panaginip niyang siya raw si Diwatang Taal na tumutugtog ng plauta."

Saglit na natigilan ang tatlo sa narinig. "Ang ibig mong sabihin, hindi alam ni Ayesa na ginagawa niya mismo ang pagtugtog?" nakabawing sabi ni Gino.

"Hindi," ani Boging. "Ang alam niya e nananaginip lang siya."

"Hindi ba't may kaso ng mga taong naglalakad habang tulog, Kiko? Hindi kaya ganoon din ang nangyayari kay Ayesa?" tanong ni Jo.

"Sleep-walking ang tinutukoy mo," tumatangong sagot ni Kiko. "Meron nga akong nabasa na nagmaneho ng kotse nang tulog at nakabalik pa kamo ito sa bahay. Pero walang sinabi na paulit-ulit ang panaginip nila."

"Meron kasi akong nabasa na hawig sa sitwasyon ni Ayesa," patuloy ni Kiko. "May isang lalaki raw na litung-lito na dahil palagi na lang sa mga panaginip niya gabi-gabi e isa siyang aso."

"Ano naman ang nakakalito ro'n?" Si Boging.

"Hindi na kasi niya malaman kung tao siya na nagiging aso sa panaginip o baka raw aso talaga siya na nanaginip na isa 'tong tao." "Puro ka naman kalokohan, Kiko," saway ni Jo.

"Hindi ako nagbibiro," pilit ni Kiko. "Ang ibig ko lang sabihin, hindi normal ang magkaroon ng paulit-ulit na panaginip. 'Di ba't ang panaginip natin e iba-iba at walang continuity sa naunang panaginip?" Natahimik ang lahat.

"Hmmm," malakas na isip ni Jo. "Diwatang nagbalik at nagpaparamdam sa pamamagitan ng pagtugtog ng plauta... at ang paulit-ulit na panaginip ni Ayesa na siya ang diwata na tumutugtog ng plauta habang nakasuot pa ng koronang bulaklak..." Pagkuwa'y tumingala ito sa kisame na para bang naroon ang kasagutan.

"Boging, matagal mo nang kakilala si Ayesa. Ano sa palagay mo?" baling ni Gino sa kaharap.

Hindi agad nakasagot ang tinanong. Pinagtatagni-tagni pa ng binatilyo sa isipan ang alamat ni Diwatang Taal, ang sinabi ni Dr. Briones at ang ipinagtapat ni Ayesa sa kanya. Ilang minuto rin ang nakaraan na hindi kumikibo si Boging.

"Bogs...?" tawag pansin ni Gino.

"Naisip ko kasi... na... na baka naman sinasapian nga ni Diwatang Taal si Ayesa," sa wakas ay tugon nito na labis na ikinamangha ng tatlong kaharap.

"Kasi naman," anitong may himig na nagpapaliwanag. "Hindi ako makapaniwalang nababaliw si Ayesa kasi matino naman siyang kausap, Gino. Naaalala pa nga niya ang iba naming kaklase at mga titser."

Tumatangong naging seryoso ang mukha ni Gino. "Kung kahapon ay bakasyon lang ang ipinunta natin dito, palagay ko, guys, dapat na nating i-consider na bagong kaso 'to ng B1 Gang. Anong palagay n'yo?"

Sunud-sunod na nagtanguan ang apat. Tapos na ang bakasyon nila. Kailangang malutas ang hiwagang bumabalot kay Ayesa.

"At may isa tayong magagawa para maliwanagan ang kasong ito," matatag na sabi ni Gino na may dinudukot na tarheta sa pitaka. "Kailangang madala natin si Ayesa kay Dr. Briones para masuri siya nang maayos. Kung maipapaliwanag ng medisina ang nangyayari kay Ayesa, sa malamang ay malulunasan din ang sakit niya."

"Pero ang unang goal natin ay ang makumbinsi muna si Tiya Nena," paalala ni Kiko dahil tumutol nga ang matanda na suriin si Ayesa ni Dr. Briones.

Samantala, sa labas ng silid at lingid sa kaalaman ng mga kabataan, ingat na ingat na humakbang papalayo ang may-ari ng isang pares ng mga paang kanina pa nanunubok at nakikinig.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata  ng BulkanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon