Kabanata 9 : MAHIWAGANG PANAGINIP

178 3 0
                                    

"ALAM MO, Boging, nagtataka ako sa mga napapanaginipan ko," mahina ang tinig na sabi ni Ayesa sa katabi. Nakaupo sila sa bermuda grass sa malawak na hardin gayong nasa likuran lamang nila ang garden set. Halos sabay kasing nagtungo sa komedor ang magkaklase at napagpasiyahan nilang sa hardin na mag-almusal.

Hindi agad kumibo si Boging. Sa halip ay tiningnan niya nang mabuti ang maamong mukha ng kausap. Ibang-iba na talaga ang hitsura ng dalagita. Hapis ang mukha nito at may eyebags na bukod pa sa pagkahulog ng katawan. Malayung-malayo ang anyo ngayon ni Ayesa kaysa noong nag-aaral ito at buhay pa ang ama.

Umiwas ng tingin si Ayesa kay Boging. Tumungo ito at marahang bumunot ng ilang dahon ng damo.

"Tungkol saan ba ang panaginip mo?" ani Boging.

"Lagi kong napapanaginipang ako raw si Diwatang Taal. Nalulungkot ako dahil unti-unting sinisira ng mga tagarito ang iniingatan kong lawa," sagot ni Ayesa na hindi man lang inangat ang mukha.

Kumunot ang noo ni Boging. "Diwatang Taal?"

"Sabi ni Tiya Nena, siya ang diwatang nag-aalaga sa Volcano Island at sa lawa ng Taal. At nagagalit daw ang diwata dahil nagpagawa ang mga tagarito ng baklad at nag-alaga ng mga tilapia sa lawa," ani Ayesa na humarap nang direstso sa kausap at bigla'y lumaki ang boses.

"Hindi sila dapat naglagay ng ibang uri ng isda sa lawa nang hindi muna humihingi ng pahintulot sa diwata. At dahil do'n kaya halos gabi-gabi'y malungkot ang awiting pinatutugtog niya sa akin," tuluy-tuloy na sabi ng dalagita.

Sandaling natigilan si Boging. Kitang-kita kasi niya ang pagtatagis ng mga bagang ni Ayesa. Halatang napopoot ang dalagita at hindi nagbibiro sa sinasabi.

"A-Ano naman ang nakapagtataka sa panaginip mo? Ako nga e minsan nananaginip akong naglalakad nang nakahubad sa eskuwela," pilit ang ngiti at palakas-loob na sabi ni Boging bagama't naninindig ang kanyang balahibo dala ng kakaibang nararamdaman sa kausap.

Nagkibit-balikat lang ang dalagita. "'Yun nga, Bogs. Kung minsan lang nga sana nangyayari 'yon. Kaso, halos gabi-gabi ang panaginip ko na ako nga si Diwatang Taal.

Tapos, pagkagising, hinang-hina ang pakiramdam ko at pagod na pagod," mababa na muli ang tinig ni Ayesa.

Marahang bumukas ang salaming sliding door sa tagiliran ng bahay. Palibhasa si Boging ang nakaharap sa may gawing pintuan, tumambad sa kanyang harapan ang katulong nina Ayesa.

"Dito ko na ilalagay 'to, ha?" anang babae habang inilalapag sa mesita ng garden set ang dalang tray. Napangiti si Boging nang masulyapan ang dala ng katulong: sinangag na umuusok pa sa init, apat na malalaki at matatabang hotdog, dalawang pritong itlog na buong-buo ang pula, dalawang saging na latundan at isang namamawis na pitsel ng pineapple juice.

"Salamat po," sabi ni Boging sa babae bago iyon makatalikod at humakbang pabalik sa kabahayan.

"Bakit ho hindi tsaa ang inihanda ni Tiya Nena para sa 'kin ngayon?" pahabol na tanong ni Ayesa sa katulong habang tumatayo ang dalawang kabataan.

Huminto ang babae sa paghakbang. "Baka raw kasi hindi umiinom ng tsaa si Boging," maikling sagot niyon bago muling pumasok sa bahay.

"Mahilig ka pala sa tsaa," pansin ni Boging sa narinig na usapan.

"Oo. Palaging iyon na ang pinaiinom sa akin kasi mabuti raw iyon sa katawan. Nakakalinis ng sistema," tugon ng dalagita na pinasigla pa ang boses.

"O, Bogs, kain na muna tayo. Tapos samahan mo akong magsimba ha?" masuyong hiling ng dalagita sa kasalong tumango naman agad.


"SI BOGING?" salubong na tanong nina Gino at Kiko kay Jo nang maratnan nila ang dalagita na mag-isang nagbabasa ng pahayagan sa salas.

"Kanina pa sila umalis ni Ayesa. Nagsimba sila," maikling tugon ni Jo na hindi inaalis ang mata sa binabasa.

"E ikaw? Ba't hindi ka pa sumabay sa kanila?" tanong ni Gino na nanatiling nakatayo dahil basa pa sila ng pawis mula sa pagtakbo.

"Sa inyo na lang ako sasabay mamayang hapon, Kuya. Baka kasi makaistorbo ako sa dalawa," nakangising sagot ni Jo na halatang nang-i-intriga.

"Hoy, tsismosa. Pagdating na pagdating ni Boging, sabihin mo na may pag-uusapan tayo ha," bilin ni Kiko.

Nakahalata agad si Jo. "Tungkol ba sa narinig nating musika kagabi, Kiko?"

"Oo."

"Kay Diwatang Taal?" tanong pa ni Jo. "Paano mo nalaman ang tungkol sa diwata?" takang tanong ni Gino.

"Naikuwento kasi sa akin ni Tiya Nena kanina ang alamat ng bulkang Taal," paliwanag ng dalagita. "Bakit, ano ba talaga ang pag-uusapan natin?"

"Mamaya na, Jo. Maliligo muna kami. Basta sabihan mo si Boging, ha?" pigil ni Gino sa kapatid na labis na nagtaka at naintriga sa gagawing pag-uusap.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata  ng BulkanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon