NANG SUMUNOD na Sabado, bandang ika-siyam pa lang ng umaga'y nasa rotonda na ng Tagaytay City ang B1 Gang. Namimili pa ng sitsirya si Boging kaya nagpatiuna sa paglalakad sina Jo at Kiko. Buhat ang kani-kanilang backpack na nagtungo ang dalawa sa naghihintay na pampasaherong dyip upang ireserba ng mauupuan ang buong grupo. Hinihintay naman ni Gino si Boging.
Ang pampasaherong dyip na iyon ay maghahatid sa kanila patungo sa isa pang paradahan ng mga dyip. Iyon ang magdadala sa mga taong nagnanais magtungo sa karatig na lalawigan: ang Talisay, Batangas.
Noong una, ang plano ng barkada'y mag-uwian lamang sa pagdalo sa kaarawan ni Ayesa. Ngunit nang nagpadala ng telegrama si Boging upang ipaalam ang balak ay agad na tumugon ang dalagita. Nagpumilit si Ayesa na magtagal sila roon. Pumatak daw naman nang Martes ang Independence Day kaya mayroong four-day week-end. Sagot daw ni Ayesa ang pagkain at matutulugan. Kaya ayun, puno ng kasabikan ang grupo.
Makipot ang matarik at malapit sa banging zigzag road na kanilang dinaraanan pababa sa kabayanan ng Talisay ngunit hindi iyon alintana ng grupo. Manapa'y nalibang ang apat habang pinagsasawa ang paningin sa magandang tanawing tinutunghayan: ang tila ipinintang larawan ng bulkan ng Taal sa gitna ng kulay asul na lawa.
May kalayuan sa kabayanan ang bahay ng pamilya Ong kaya't pagsapit ng dyip sa tinatawag na Banga ay bumababa na sila. Ilang sandali pa at nakatayo na ang apat na kabataan sa tapat ng isang kongkretong arko.
"Resort International," pumapalatak na binasa ni Kiko ang nakaukit sa kongkretong arko. Saka humahangang hinagod nito ng tingin ang pahaba at naka-uklong gusali na may tatlong palapag.
"O, bakit tayo papasok dito? Akala ko ba'y kina Ayesa tayo pupunta?" tanong ni Jo nang napansing ang kanilang nilalandas ay papasok sa bakuran ng resort.
"Nasa likuran niyan ang bahay nila," paliwanag ni Boging habang itinuturo ang gusaling nagsisilbing hotel ng nasabing resort.
"Bakit sa likuran? Wala ba silang sariling daan?" magkakasunod na tanong pa ni Jo.
"Dahil po sa kanila ang resort na 'to," ani Boging.
"Wow, ha! Rich kid pala si Ayesa!" bulalas ni Kiko.
"Maraming negosyo ang tatay ni Ayesa. Isa lang itong Resort International," sagot ni Boging.
Ilang sandali pa at nakatayo na ang apat sa harapan ng malaki at may kataasang bahay na yari sa bato. Isang bahay na may makabagong disenyo na European-style. Tatlong palapag at may balkonahe pa iyon na nakaharap sa lawa ng Taal.
Agad na mahuhulaan na hindi basta me sinasabi lamang sa buhay ang nakatira sa bahay na iyon. Sa hitsura pa lamang ng garden ay mapapansin na ang mataas na antas sa buhay ng mga nandodoon.
"May bisita yata sila," sabi ni Gino nang mapansin ang maraming sasakyan na nakaparada sa harap ng bahay. Sa maluwang na garahe at looban ay may iba't-ibang klaseng sasakyan: tatlong kotse, isang van, dalawang pick-up at Tamaraw FX.
"Oo nga. Mukhang may party," ani Jo. Napatawa si Boging. "Walang party sa loob. Kina Ayesa lahat 'yan," paliwanag nito. "Wow, talaga ha! Super-rich kid pala si Ayesa!" bulalas uli ni Kiko habang pinipindot ni Boging ang doorbell.
HINDI SUMABAY sa pagkain si Ayesa. Busog pa raw ito sa mineryenda. Gayon pa ma'y nakiumpok ito sa hapag- kainan. Bagama't halatang nasasabik na makakuwentuhan ang matagal ding hindi nakitang si Boging, naroon pa rin ang kalungkutan sa mga mata ng dalagita.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata ng Bulkan
Teen FictionSinasapian ng diwata? Simpleng pagdalaw na may kaakibat na pamamasyal lamang ang sadya ng B1 Gang sa Talisay, Batangas kung saan malapit ang bulkang Taal. Pero kilala n'yo naman ang barkadang ito. Kahit ano ay maaaring mangyari. Tulad ngayon. Ginul...