"ABA! Bigla yatang nag-iba ang ihip ng hangin," may himig panunuksong kalabit ni Jo kay Boging. Tulad ng ibang araw ng Linggo ay nasa salas ng mga Rodrigo ang buong B1 Gang. Nanonood ng T.V. at kasalukuyang nagmemeryenda.
"Hindi ka yata galit ngayon sa pagkain," dugtong pa ng dalagita. Dati nga naman kasi'y listo si Boging kung pagkain din lang ang pinag-uusapan at talagang hindi ito nagpapahuli sa grupo. Sa kauna-unahang pagkakatao'y ngayon lang nila nakitang nawalan ng gana ang bilugang Tsinoy. Halos hindi nga nito nagalaw ang suman na inihain ni Mrs. Rodrigo. Iyon ang dahilan kung bakit siya napagtuunan ng pansin ni Jo.
"Oo nga," susog ni Gino sa napansin ng kapatid. Inilapag nito sa mesa ang platitong pinagkainan. "Ano ba ang problema mo?"
"Wala..," sa wakas ay nagsalita si Boging. "Wala lang talaga akong ganang kumain," ang nakakagulat na pagtatapat ng binatilyo.
Biglang napahinto sa pagsubo si Kiko. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Si Boging? Walang gana? Para mo na ring sinabi na ayaw na ni Onyok na magboksing. Pumihit ito ng pagkakaupo sa sahig paharap sa tatlo.
"Bogs, matagal na tayong magkakasama. Wala ka nang maililihim sa amin. Bakit ka ba talaga nagkakaganyan?" tanong ni Kiko.
Bumunot muna ng malalim na hininga si Boging bago ito nagsalita. "Natatandaan n'yo ba si Ayesa? 'Yung ka-eskuwela ko?"
"Ayesa...? 'Di ba't siya 'yong namatayan ng tatay sa car accident?" ang may panghuhulang tugon ni Gino.
"Oo. Nagwo-worry kasi ako sa kanya. Matagal na kaming hindi nagkikita."
"Ba't hindi mo siya pasyalan, Bogs? Taga-Quezon City lang siya, 'di ba?" sabi ni Jo.
Umiling si Boging. "Umuupa lang sila ng condominium do'n. Pero no'ng namatay ang tatay niya e sa Batangas na siya nakatira ngayon. Tagaroon talaga kasi sila."
"Kawawa naman ang kaibigan mong 'yon, Bogs," dugtong pa ni Jo na may lungkot sa boses. "Hindi pa siya handang maulila," anito bagama't hindi kabisado ng dalagita ang katayuan ni Ayesa sa buhay.
Kaisa-isang anak si Ayesa ng building contractor na si Engr. Ong. Subalit ang kanyang pagsipot sa mundo'y siya namang pagpanaw ng ina. Namatay ang nanay nito sa panganganak.
"Wala ka na bang contact sa kanya?" ani Kiko.
"Nakatanggap ako ng sulat niya kahapon..."
"'Yon naman pala. Ano ang ipinag-aalala mo?" Si Jo.
"Sabi niya kasi na palagi siyang may sakit kaya hindi siya makapag-aral. Pati nga raw ngayong pasukan e hindi pa rin siya mag-e-enroll," malungkot na sagot ni Boging.
"Sayang naman..," ani Kiko.
"Alam n'yo, kahit sa sulat lang ni Ayesa e alam kong nade-depress pa rin siya hanggang ngayon."
"Kulang na sa isang taon nangyari ang aksidente, 'di ba, Bogs?" ang tanong ni Gino.
"Oo nga e pero pag nabasa n'yo ang sulat niya, parang kahapon lang namatay ang tatay niya..," ani Boging. Halatang mabigat din ang dibdib ng binatilyo.
"At alam n'yo bang birthday ni Ayesa nang maaksidente ang daddy niya?" patuloy nito.
"Talaga? Kaya naman pala lalong traumatic kay Ayesa ang nangyari," ang nagitla ring sagot ni Jo. Kung sa kanya nangyari ang gayon ay baka naloka na siya.
"Iyon na nga mismo ang ipinag-aalala ko. Next week na kasi ang birthday ni Ayesa. Sa June 11. Kaya siguro siya lalong nade-depress," sabi ni Boging.
"Ano ba 'yan? Birthday at babang-luksa sa iisang araw... Nakakalungkot naman 'tong pinag-uusapan natin," wika ni Kiko na nakatitig sa suman sa kanyang platito. Tila nawalan na rin ito ng gana.
"Paano namang hindi mawawala ang lungkot ni Ayesa e wala na nga siyang kapatid tapos malayo pa siya sa mga kaibigan," puna ni Jo.
"Oo nga e. Sabi nga niya sa sulat na dalawin ko raw siya," ani Boging. Parang tulalang nakayuko ito.
"Kung malapit lang ang bahay nina Ayesa e di sana'y matagal ko na siyang pinuntahan," bulong nito sa sarili.
Hindi nakakibo ang tatlo. Hindi namalayan ni Boging na narinig nila ang ibinulong nito. Tahimik na nagtinginan lamang sina Gino, Kiko at Jo. Ngunit sa mga sandaling iyon ay may nabuo sa kanilang isip.
"Kiko, may lakad ka ba next week-end?" panimula ni Gino na palihim na kumindat sa kaharap.
"Wala nga e. Malamang pumunta na lang ako sa mall. Pero ewan ko ba. Parang nagsasawa na 'kong tumambay sa mga malls e," sagot ni Kiko.
"Paano namang hindi ka magsasawa e pare-pareho ang nakikita mo," sakay ni Jo sa usapan. "Dapat magpunta ka sa mga lugar na bago sa iyong paningin. 'Yung presko ang hangin, hindi 'yung galing sa air-con... Doon sa mga lugar na kapag inilinga mo ang mga mata mo, e malayo ang maaabot. Hindi lang apat na pader... Sa mga lugar na huni ng ibon ang iyong maririnig, hindi puro piped-in music!"
"Hmmm... tama ka, Jo. Pero saan naman ako puwedeng magpunta?" sagot ni Kiko.
"Sa Palawan," sagot ni Gino.
"Ang layo naman no'n. Dapat 'yung karatig probinsiya lang," tanggi ni Kiko.
"Sa Laguna?" tanong ni Jo.
"Nakapunta na tayo do'n e," iling ni Kiko. "Doon naman sa iba. Tulad ng..."
"Batangas!" sabay na sabi ng tatlo. Biglang umangat ang ulo ni Boging sa narinig. Nagliwanag ang bilugang mukha nito. "Pupunta kayo sa Batangas? Sama 'ko! Kung gusto n'yo doon tayo pumunta sa bayan ng Talisay. Maganda ro'n. Alam n'yo bang malapit do'n ang bulkang Taal? Sasakay lang tayo ng bangka tapos makakarating na tayo sa bulkan. Puwede pa nga tayong mag-horseback riding hanggang sa bunganga mismo ng bulkan!
"At saka doon din kasi nakatira si Ayesa. Para madalaw ko naman---" biglang naputol ang tuluy-tuloy na pagsasalita ni Boging nang mapansin niya ang malalapad na ngiti ng mga kaharap. Saka niya lamang nahulaan ang balak ng mga kaibigan na samahan siyang dumalaw sa ka-eskuwelang may karamdaman.
"Salamat," mahinang sabi ni Boging. "Alam mo, Bogs," ani Jo, nakangiti pa rin ito. "Kung hindi lang kita kilala'y iisipin kong girlfriend mo si Ayesa."
"Baka nga syota mo na ang promding 'yon a?" may himig pagdududang susog ni Kiko.
"Hoy!" nakangiti nang tugon ni taba. Alam kasi niya na nanunukso lamang ang mga ito. "Friends lang kami ni Ayesa. And for your information, ni hindi pa nga ako pinapayagang magkipag-holding hands! Strict kasi ang parents ko eh," malanding sabi pa ni Boging na nagdulot ng malakas na halakhakan. Parang magic na biglang itinaboy ng tawanan ang mabigat at malungkot na pakiramdam na bumabalot kanina lamang sa grupo.
"Teka, Bogs, hindi kaya masamain ni Ayesa kung samahan ka naming bumisita? Hindi niya naman kami kilala," pigil ni Gino.
"Hindi a! Matutuwa pa nga 'yon kasi matagal na niya kayong gustong makilala. Madalas ko kasing ikuwento sa kanya noon ang adventures natin," pagmamalaki ni taba.
"Talaga, Bogs. Naikuwento mo na 'ko kay Ayesa? E 'di bilib na bilib siya sa akin?" singit ni Kiko na inayus-ayos pa ang buhok at kuwelyo ng suot na shirt.
"Excuse me, Kiko. Wala kang dating kay Ayesa dahil puro ako ang bida sa mga kuwento ko sa kanya!" mataray na sabi ni Boging na muling nagdulot ng tawanan.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata ng Bulkan
Teen FictionSinasapian ng diwata? Simpleng pagdalaw na may kaakibat na pamamasyal lamang ang sadya ng B1 Gang sa Talisay, Batangas kung saan malapit ang bulkang Taal. Pero kilala n'yo naman ang barkadang ito. Kahit ano ay maaaring mangyari. Tulad ngayon. Ginul...