"KANINANG UMAGA lang ako dumating," sabi ng lalaking maaaring mapagkamalang Tsino kung hindi ito nag-Tagalog.
Nakatatandang kapatid ng ama ni Ayesa ang bagong bisita at sa Hong Kong ito nakatira. Umuwi ang lalaki upang batiin ang kaisa-isang pamangkin at magbigay galang sa unang anibersaryo ng kamatayan ng kapatid.
Nasa salas muli ang lahat. Nakaupo sa pang-isahang sofa si Uncle Linc habang si Ayesa nama'y nakaupo sa patungan ng kamay ng nasabing silya. Tila ayaw humiwalay ng dalagita sa tiyuhin.
Magkatabing nakaupo ang barkada sa mahabang sofa samantalang sina Tiya Nena at Meileen ay katapat nina Uncle Linc.
"Matagal ka na ba sa Hong Kong?" ani Tiya Nena.
"Opo, mula noong makatapos ako ng kolehiyo. Doon na ako unang nagtrabaho," sagot ng lalaki.
"E ang pamilya po ninyo? Kasama n'yo ho bang umuwi?" Si Meileen.
Natatawang napailing ang lalaki. "Binata pa 'ko. Nawili kasi sa trabaho."
"Buti at hindi ka naligaw. Ngayon ka lang naparito, 'di ba?" tanong uli ni Tiya Nena. "Oho pero parang nakapunta na rin ho ako kasi madalas kaming magsulatan at magtawagan ni Winchester noon," bahagyang nalungkot ang mukha ng binata nang maalala ang nakababatang kapatid.
"Hindi ho ninyo naitatanong, construction din ang linya ko. At nang unang magtayo ang kapatid ko ng negosyo, ako po ang madalas niyang tawagan para sa mga kailangan niya."
Bahagyang napaunat ang mga katawan nina Tiya Nena at Meileen sa sinabi ng lalaki. Ngayon lang nila nalaman iyon bagama't nagtaka rin sila noon kung saan nakakuha ng puhunan ang ama ni Ayesa.
Napatiim ang bagang ni Tiya Nena. Lumalim ang paghinga nito sa pagkasuya dahil mukhang kailangang ibahin nila ang plano.
"Pero mas matagal ang usapan namin tungkol ho sa mga problemang binibigay nitong si Ayesa," birong dagdag ni Uncle Linc na masuyong niyapos ang katabi.
"Si Uncle talaga! Super-bait nga ako, e," kunwari'y nagtatampong sabi ni Ayesa.
Napatawa ang lalaki. "At super-ganda pa kamo!" dagdag nito. "Teka, nasa kotse ang regalo ko sa 'yo. Teka't kukuhanin ko."
"Ako na lang, Uncle," pigil ni Ayesa sa tiyo. Inilahad ng dalagita ang palad. Hinihingi niyon ang susi ng awto.
"Oo nga ho. Kumain na muna kayo. Malayu-layo rin ang minaneho n'yo," alok ni Meileen.
"Tena, Bogs. Samahan mo 'ko," yaya ni Ayesa sa kaibigan matapos iabot sa kanya ang susi ng awto. Nagmamadaling lumabas sa driveway ang dalawa.
Sabik na binuksan ni Ayesa ang kotse at napabulalas ito sa nakita. "Wow! Ang laki!" pansin ng dalagita sa nakabalot na kahon. Agad na tinanggal ni Ayesa ang pabalat at lalo itong namangha sa nakita. Pati si Boging ay hindi napigilan ang humanga sa regalo ni Uncle Linc.
Video disc player iyon na may kasamang napakaraming video discs ng mga sikat na pelikula. Hindi na kailangang pumunta sa sinehan si Ayesa sa dami ng video disc na bigay ng tiyuhin. Pati nga ang mga hindi napanood na pelikula ng dalagita ay naroon din.
"Hindi natin kayang buhatin 'yan, Ayesa," ani Boging. "Tatawagin ko muna sina Gino at Kiko."
"Ako na lang para makapag-thank you agad ako kay Uncle," pigil ni Ayesa na nagtatakbo pabalik sa bahay.
Naiwan si Boging na iniisa-isa ang mga video disc nang may mapansin siyang lalaking nakatayo sa may gate. Pasilip-silip iyon na tila ba ayaw magpakita.
Saka lang biglang pumasok sa isipan ng binatilyo na baka si Dr. Briones ang lalaki. Hindi pa niya nakikita ang doktor kaya hindi niya kilala iyon.
Pero bakit nag-iisa lang iyon? naisip ni Boging. Naalala niyang sabi ni Gino'y magsasama na ng pulis ang manggagamot .
Nilingon ni Boging ang dako ng kabahayan pero wala pa sina Gino. Napagpasiyahan na ni Boging na lapitan ang lalaki. Baka kasi makita pa iyon ni Ayesa.
"Kayo po ba si Dr. Briones?" ani Boging.
"Oo. Kasamahan ka ba ni Gino?"
"Opo," tumatangong sagot ni Boging. "At alam ko rin po ang usapan ninyo nina Gino." "Mabuti naman. Sa iyo ko na sasabihin ang pakay ko dahil nagmamadali ako. Sabihin mo kay Gino na negative ang resulta ng test sa tsaa!" nakagigitlang pahayag ng doktor.
"Ano hong negative ang ibig n'yong sabihin?" tanong ni Boging na tinitiyak ang narinig.
"Walang anumang halo ang tsaa na ipinaiinom kay Ayesa. Walang droga o anumang hallucinogenic substance. Herbal tea lang iyon!"
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata ng Bulkan
Teen FictionSinasapian ng diwata? Simpleng pagdalaw na may kaakibat na pamamasyal lamang ang sadya ng B1 Gang sa Talisay, Batangas kung saan malapit ang bulkang Taal. Pero kilala n'yo naman ang barkadang ito. Kahit ano ay maaaring mangyari. Tulad ngayon. Ginul...