Kabanata 11: POOT NI DIWATANG TAAL

176 5 0
                                    

"HINDI NABABALIW ang pamangkin ko kaya hindi niya kailangang magpatingin sa doktor!" umalingawngaw ang boses ni Tiya Nena sa buong kabahayan.

Napangiwi pa rin si Jo kahit inaasahan na niya ang reaksiyon ng matanda. Nagulat siya sa bagsik ng pagtanggi nito.

Tahimik na napayuko ang apat na kabataang Manilenyo. Magkatabi sina Boging at Jo sa mahabang sofa habang sina Kiko at Gino nasa pang-isahan. Nanatiling nakatayo si Tiya Nena sa isang bahagi ng salas at nakapameywang na nakatalikod sa kanila.

Bago naman kasi nila nilapitan si Tiya Nena'y kinausap muna nila sina Meileen at Ayesa. Pumayag agad ang huli sa iminungkahi ng mga kaibigan. Kilala nga raw nito si Dr. Briones. Wala naman silang narinig na pagtutol mula kay Meileen dahil ang sagot ng dalaga'y hindi siya ang dapat na magpasiya kundi ang kaniyang ina bilang nakatatanda at itinuturing na pangalawang magulang ni Ayesa.

"Mas mabuti na po ito para masiguro natin kung ano talaga ang nangyayari kay Ayesa. Kaysa naman ho basta-basta na lang tayo maniwala na sinasapian nga ni Diwatang Taal si Ayesa," mahinang sabi ni Boging. Gustong tiyakin ng binatilyo kung ano ang nasa kalooban ng matandang babae.

Umiiling na lumapit si Tiya Nena sa mga kabataan. Naupo ito sa pagitan nina Boging at Jo. "Dahil iyon ang aking nakikita," pilit ng matanda sa mga kabataan.

"Kung gayon po'y mas lalo niyang kailangan ang magpatingin sa manggagamot," giit ni Gino.

"Hindi!" maagap na tugon ni Tiya Nena. "Tiyak na magagalit ang diwata pag nalaman niya na dadalhin n'yo sa doktor si Ayesa. At pag napahamak si Ayesa, hindi ko mapapatawad ang aking sarili."

Walang nakapiyok kina Boging, Gino, Kiko at Jo. Batid ng apat na hindi nila makukumbinsi ang matandang babae dahil sa malakas ngunit maling paniwala nito.

"Kung talagang nagmamalasakit kayo kay Ayesa'y hindi kayo gagawa ng anumang hakbang na ikapapahamak niya," habol at tila nakikiusap na sabi ni Tiya Nena kasabay ng marahang pagtayo. Walang lingon-likod na nilisan ng matandang babae ang salas.

"BILIS!" ani Gino. Pinagmamadali niya sina Jo at Ayesa matapos na sumilip at matiyak na walang tao sa paligid.

Nasa likurang bakuran sila ng bahay nina Ayesa. Pumuslit ang limang kabataan kina Tiya Nena matapos pumasok ng silid ang matandang babae. Sasamahan pa rin nila si Ayesa kay Dr. Briones. Sa kabila ng mahigpit na pagtutol ni Tiya Nena'y napagkaisahan nila na ipakunsulta pa rin ang kaibigan. Wala namang mawawala kay Ayesa sa gagawin nila.

Binilisan ng mga dalagita ang paghakbang. Bagama't matamlay si Ayesa'y pinipilit nito ang sarili para makapagmadali.

Sa may 'di kalayuan ay nauuna sina Boging at Kiko. Animo'y sina Batman & Robin na pasilip-silip at palingun-lingon ang dalawang binatilyo habang binabagtas ang daan patungo sa pampang ng lawa. Tinitiyak nilang walang ibang taong makakakita sa kanila.

Papaano naman kasi'y dinig na dinig nila kaninang pinagbibilinan ni Tiya Nena ang mga security guard ng resort na huwag silang pababayaang lumabas kapag kasama si Ayesa. Pinababantayan sila para matiyak na hindi nila madadala sa manggagamot si Ayesa.

Tuluy-tuloy na tinungo nina Boging at Kiko ang isa sa mga bangkang de motor na nakadaong sa dulo ng maliit na piyer na yari sa kawayan. Maingat na kinalag ni Boging ang pagkakatali ng bangka habang si Kiko nama'y nakatingin sa paligid. Palinga-lingang nagmamasid.

"Okey na, Kiko," mahinang sabi ni Boging. Nakasakay ang matabang binatilyo sa bangka at hinihila ang dulo ng kinalag na lubid na nylon.

Sisenyasan na sana ni Kiko ang nagkukubling sina Jo, Ayesa at Gino sa likod ng makakapal na halamanan nang biglang-bigla'y matanaw nito na may paparating na guwardiya!

"Bogs, may sekyu!" babala ni Kiko. Mabilis na sumakay rin si Kiko sa bangka kasabay ng paghila sa matabang kaibigan na dumapa sa sahig ng sasakyang-tubig.

Pigil ang hiningang sumilip mula sa sahig ng bangka ang dalawang binatilyo. Mabuti na lang at hindi tumuloy ang guwardiya sa daungan. Sandaling nag-ronda lang ito at bumalik na rin sa pinanggalingan.

Sa saglit na nawala sa paningin ni Kiko ang guwardiya ay hinudyatan agad nito ang mga kasama. Kumaripas naman ng takbo ang mga iyon. Nauuna si Jo, akay-akay ang matamlay pa ring si Ayesa. Sa kanilang likuran ay nakaalalay si Gino.

Mabilis na sumakay ang tatlo. Nagpasimulang itulak nina Boging at Kiko ang bangka palayo sa piyer sa pamamagitan ng mahabang kawayan. Nagtuloy si Gino sa likurang bahagi ng bangka kung saan naroon ang motor. Hawak ng binatilyo ang susi na kinuha ni Ayesa mula sa opisina. Ngunit hindi nila maaaring buhayin agad ang motor hanggang hindi sila nakakalayo sa daungan.

Nang sa tantiya nila ay hindi na sila maririnig ng guwardiya ay saka lamang binuhay ni Gino ang motor tulad ng nakita niyang ginawa ng bangkero nang magpunta sila sa bulkan. Ilang sandali pa at mabilis na silang tumatakbo patungo sa kinaroroonan ng klinika ni Dr. Briones. Si Ayesa ang nagtuturo kay Gino kung saan ang direksiyon na tatahakin.

Hindi pa sila nakakalayo ng nilalakbay nang mapansin ni Gino ang biglang paglaki ng mga alon. Takang tumingala ang binatilyo sa langit. Payapa pa ring sumisikat ang araw sa dakong Kanluran. Maging ang mapuputi at animo'y bulak na ulap ay nakatigil lamang na tila ipinaskel sa kalawakan.

Napansin din ng kasamahan ni Gino ang biglang pag-iiba ng lawa. Nagtatanong ang mga mata na nilingon ng mga ito si Gino. Wala namang maisagot ang binatilyo.

"Gino, mukhang lumalaki pa ang alon!" ang hindi na mapigilang bulalas ni Boging na nakakaramdam na ng takot bunga ng kakaibang nagaganap.

"Kumapit kayo!" ang tanging naisigaw ni Gino dahil nagsisimula nang iduyan ng malalaking alon ang bangka nila. Tila ba nagngangalit sa poot ang lawa!

"Bumalik na tayo!" malakas na sigaw ni Ayesa na ikinagulat ng lahat. "Nagagalit si Diwatang Taal! Hindi ba ninyo nakikitang pinipigilan niya tayo?" umiiyak na sabi ng dalagita.

Nakakaramdam man si Jo ng takot sa mga nangyayari'y niyakap na lamang niya ang naghihisteryang si Ayesa. Batid ng dalagita na kinakailangang maging matatag sila sa mga sandaling iyon.

"Bumalik na tayo. Please, bumalik na tayo," paulit-ulit na hikbi ni Ayesa.

Hindi naman nasiraan ng loob si Gino subali't minabuti na rin nito ang bumalik sa resort. Anuman ang dahilan ng bigla at kataka-takang paglaki ng alon ng lawa ay isang bagay ang tiyak niya: kailangang maidaong ang bangka na ngayo'y parang bangkang papel na pinaglalaruan ng malalakas na alon.

Buo ang loob na minaniobra ni Gino ang bangka. Nakipaglaban ang binatilyo sa mga alon. Pawisan na ang noo ni Gino sa magkahalong kaba at pagod ngunit nagawa nitong maipihit pabalik sa resort ang bangka.

Ilang sandali pa at natatanaw na ng mga kabataan ang daungang pinanggalingan nila. Ang problema, patuloy pa rin ang paghampas ng malalaking alon sa bangka kaya't imposibleng makadaong sila nang maayos sa kawayang piyer!

Nagpasiya si Gino na idiretso sa pampang ang bangka. Tiim ang bagang na itinutok ni Gino ang unahan ng bangka sa aplaya.

"Kapit kayo!" sigaw ni Gino. Tamang-tama ang babala ng binatilyo kundi'y humagis silang lahat mula sa bangka nang tuluyan na ngang sumadsad ang kinasasakyan nila sa buhangin.

"Okey ba kayong lahat?" nag-aalalang tanong agad ni Gino sa mga kasama. Isa-isang pinakiramdaman ng mga kabataan ang sarili na nagsitanguan naman na walang nasaktan kaninuman. Unti-unti ay nakakahinga na nang maluwag ang mga taga-Maynila habang patuloy pa rin ang tahimik na pagdaloy ng mga luha ni Ayesa.

"Galing mo talaga, Gino!" papuri ni Kiko sa kaibigan.

"Oo nga! Akala ko katapusan na natin e," sabi ni Boging na nakuha nang ngumiti.

"Ah, guys, huwag muna kayong mag-celebrate. Mukhang patay pa rin tayo," ang nakangiwing awat ni Jo sa mga kabarkada.

May inginuso ang dalagita sa pampang. Sabay-sabay na nilingon ng mga binatilyo ang tinuran ng kasama at maging sila ay napangiwi rin.

Si Tiya Nena! Humahangos papalapit sa kanila at may kasunod na dalawang guwardiya! Kahit malayo pa ay kitang-kita ng mga kabataan ang galit at hindi maipintang mukha ng matandang babae.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata  ng BulkanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon