"SINABI NA kasing huwag kayong gagawa ng anumang hakbang na ikakagalit ni Diwatang Taal," matigas ang tinig at nakakuyom ang mga palad na sermon ni Tiya Nena. Pabalik-balik na naglalakad ito sa kahabaan ng salas kung saan nakaupo ang mga kabataan.
Parang mga basang sisiw na nakayuko ang lima. Pare-parehong walang imik bagama't lihim na kumikibut-kibot naman ang labi ng nakasimangot na si Jo.
"Buti na lang at hindi kayo nalunod. Ang lakas ng lindol kanina a," patuloy ng babae. Iyon pala ang nagdulot ng biglang paglaki ng alon sa lawa.
"Kung hindi n'yo pinanghimasukan ang ginagawa ng diwata kay Ayesa ay hindi sana lumindol," tahasan pang sabi ng matandang babae na ibinubunton ang sisi sa mga kabataang taga-Maynila. "Tuluyan nang ibinuhos ni Diwatang Taal ang kanyang poot at pati ang buong bayan ng Talisay ay nadadamay."
Walang sumagot sa grupo. Bagama't alam nilang hindi supernatural ang lindol, nagtataka naman sila sa timing. Tila ba mayroon ngang mahiwagang puwersa ang humadlang sa kanila upang huwag madala si Ayesa sa manggagamot.
Siya namang pagdating ni Meileen. Inabutan nito ang ina na pinagagalitan ang mga kabataan. Inakbayan ng dalaga ang matanda at marahang iniupo iyon.
"Pasensiya na kayo kay Nanay," mababa ang tinig na paghingi ng paumanhin nito sa grupo.
"Huwag ka ngang makahingi-hingi sa mga iyan ng paumanhin. Sila ang dapat humingi at hindi tayo!" saway ni Tiya Nena na galit pa rin.
"Kung puwede lang ngang pauwiin na ang mga 'yan ngayon mismo eh," dugtong pa nito.
Biglang napaangat ang mukha ni Ayesa sa narinig. Humihingi ng saklolo na tumingin iyon sa pinsan.
"'Nay naman. Sila na lang nga ang bisita sa birthday ni Ayesa bukas e," inaamong sabi ni Meileen sa babae na nananatiling nakasimangot.
"Baka nakakalimutan n'yo na may babang-luksa rin tayo," sagot ni Tiya Nena.
"'Nay, 'di ba't matagal na nating napag-usapan na magpapamisa na lang tayo?" sagot ng dalaga na tumingin nang diretso sa matandang babae.
"Saka sigurado ko na kung nakikinig man ngayon si Uncle Chester, mas gugustuhin niyang ipagdiwang natin ang birthday ni Ayesa kaysa ang babang-luksa niya, 'di ba, Inay?" dagdag nito.
Sa puntong ito ay muling naluha si Ayesa. Lalo tuloy bumigat ang kalooban nina Gino, Jo, Kiko at Boging.
"O, siya," sa wakas ay pagpayag ng matanda kasunod ang pagbaling sa mga bisita. "Basta ba hindi na mauulit ang ginawa n'yo kanina." Isa-isang nagsitanguan ang mga tinanong.
"O, tahan na, Ayesa," inakbayang alo ni Meileen sa pinsan. Nilingon ng dalaga si Tiya Nena. "Mas mabuti sigurong samahan n'yo na muna si Ayesa sa kuwarto para makapagpahinga."
Tumayo si Tiya Nena at lumapit sa pamangkin at inalalayan iyon sa braso. Magkasamang lumakad ang dalawa nang may naalalang lumingon ang matanda. "Meileen, ipasunod mo ang tsaa ni Ayesa, ha," anito sa anak na agad namang tumango.
Sinundan ng tingin ng apat na kabataan ang paglisan nina Ayesa at Tiya Nena. Nang makaalis ang dalawa sa salas ay saka lamang nagsalita si Gino.
"Tama po ang nanay n'yo. Kami ang dapat na mag-sorry. Hindi kasi kami sumunod sa utos niya."
"Pero hindi na kayo dapat na pinagsalitaan nang gano'n ni Inay," sansala naman ni Meileen.
"Okay lang ho. Galit lang kasi siya kaya nasabi niya iyon pero nauunawaan namin ang punto ni Tiya Nena," sambot naman ni Boging.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata ng Bulkan
Teen FictionSinasapian ng diwata? Simpleng pagdalaw na may kaakibat na pamamasyal lamang ang sadya ng B1 Gang sa Talisay, Batangas kung saan malapit ang bulkang Taal. Pero kilala n'yo naman ang barkadang ito. Kahit ano ay maaaring mangyari. Tulad ngayon. Ginul...