Kabanata 18 : MALING AKALA

144 5 0
                                    

NAGMISTULANG tulala si Boging sa ibinalita ni Dr. Briones. Hindi siya makapaniwala na mali ang hinala ng grupo. Maling-mali.

"E bakit pati po ako eh nag-hallucinate?" katwiran pa ni Boging sa lalaki.

"A ikaw pala si Boging. Kung anuman ang dahilan ng pagkakaganoon mo eh hindi sa tsaa galing 'yon. Palagay ko'y may iba kang nakain," sagot ng doktor sa tonong tinatapos na nito ang usapan.

"Sige, Boging. Ikaw na ang bahalang magsabi kay Gino at kailangang makabalik na 'ko sa klinika. Naantala ang trabaho ko dahil sa maling akala ninyo," dagdag pa nito sa himig na may pagka-inis sa abalang ginawad sa kanya ng B1 Gang.

"S-Sige po," nauumid na sagot ni Boging. "Salamat po at sorry po sa pagkakaistorbo namin sa inyo."

"Siya, pero eto lang ang maipapayo ko. Tigilan na ninyo ang pagsususpetsa kina Nena at Meileen! Kung ano man ang nangyayari kay Ayesa e tiyak 'kong problema sa isipan iyon. Mental illness na sanhi ng acute depression! Kaya sabihin mo kay Gino na itigil na ang paghahaka-haka ninyo. Naiintindihan mo ba ako?"

"O-opo. Opo," ani Boging na hindi maintindihan ang nararamdaman. Nasindak siya dahil may problema nga sa isipan ang kaibigan. Nahihiya naman siya dahil naabala nila ang doktor mula sa trabaho nito sa maling akala nila.

"Mabuti kung gayon. Sige't aalis na ako," maikling paalam ng lalaki kasunod ang pagtalikod nito.

Animo'y robot na naglakad pabalik sa kotse ni Uncle Linc ang matabang tsinoy dahil sa mga rumaragasa sa kanyang isipan.

"Mali kami... Walang droga... Mental illness... Ibang nakain..," bulong ni Boging sa sarili habang naglalakad.

Tamang-tama naman na siyang paglabas ng buong barkada mula sa bahay. Nangunguna uli si Ayesa sa pagtakbo. Bakas pa rin ang kasabikan sa mukha ng dalagita. Lalo tuloy bumigat ang kalooban ni Boging dahil sa awa sa kaklase.

"Wa-wa-Wow!" sabi rin ni Kiko nang makita ang regalo kay Ayesa.

"Dali! Ipasok na natin sa bahay para masubukan natin," ani Ayesa na napapalakpak pa sa kagalakan.

Binuhat sa magkabilang dulo nina Gino at Kiko ang video disc player. Pinaghatian naman nina Ayesa at Jo ang mga video discs pero may natira pa rin sa loob ng kotse sa dami ng mga iyon.

"Hoy, Bogs! Bakit nakatayo ka pa rin diyan? Buhatin mo na ang natitirang disc," sita ni Jo sa binatilyong nakamasid lang sa mga kasama.

"Ha? A, oo," tila nagising na sagot ni Boging subalit tuliro pa rin ang isipan nito. Naiwan ang binatilyo sa may kotse habang papasok na ng bahay ang lahat.

"Saan natin ilalagay 'to?" bungad na tanong ni Ayesa sa mga kasambahay.

"Sa family room na lang. Tutal naroon naman ang malaking TV natin," sagot ni Meileen.

Ipinanhik nga ng mga kabataan sa ikatlong palapag ang regalo ni Uncle Linc. Sabik na pinanonood nina Ayesa at Jo si Kiko na nagkakabit ng mga kable ng video player sa telebisyon.

Sinamantala ni Boging ang pagkakataon. Pasimpleng kinalabit niya si Gino. Bumukod sa isang sulok ng malaking silid ang dalawa upang hindi marinig ni Ayesa ang usapan nila.

"Dumating na si Dr. Briones. Nakausap ko," bulong ni Boging sa kaibigan.

"Ha? Nasaan na siya?" bulong din ni Gino sa mahinang tinig.

"Umuwi na. Walang halo raw ang tsaa."

"Ano? Sigurado kang iyon ang sabi ni doktor?"

Tumango si Boging. "Negative daw sa hallucinogenic substance ang tsaa ni Ayesa."

"Paanong nangyari 'yon?" hindi makapaniwalang sagot ni Gino. "Di ba't pati ikaw e naapektuhan?"

Kibit-balikat ang sagot ni Boging. "Baka raw may nakain akong iba kaya pati ako e nag-hallucinate. Baka nga medyo sira na ang pritong manok na kinain ko mula sa ref kaya ako nagkaganoon, Gino."

"E si Jo? Anong sabi ni doktor tungkol sa nangyari kay Jo? Hindi naman siya nakakain ng manok a."

Nag-isip si Boging. Inalala niya ang usapan nila ng manggagamot. "Walang nabanggit si doktor tungkol kay Jo. Basta kabilin-bilinan niya e itigil na raw natin ang paghihinala kina Tiya Nena at pati siya'y naiistorbo sa ginagawa natin."

Napakunot-noo si Gino. Naningkit ang mga mata.

Tumahimik si Boging. Alam niyang pahiwatig iyon na may malalim na iniisip ang kaibigan.

B1 GANG MYSTERIES Case File No.11: Diwata  ng BulkanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon