Chapter 6

424 22 1
                                    

Heaven's Point of View

 
"Edgar, hindi naman niya sinasagot ang mga tawag ko!"

Napalunok ako. Nandito pa lang ako sa labas ng gate namin pero rinig na rinig ko ang malakas na boses ni Mama. Minsan lang siya sumigaw ng ganiyan kaya nakakatakot talaga siya kung magalit.

"Where are you, Heaven?!" Sigaw na naman ni Mama. Natatanaw ko mula rito na hindi mapakali si Mama, lakad siya nang lakad. Bukas kasi ang bintana namin kung kaya't natatanaw ko si Mama.

Napapikit ako. Anong sasabihin ko kina Mama?

"She's here!" Nagulat ako nang marinig kong nagsalita si Uncle Edgar. Napatingin ako sa kaniya na kakalabas pa lang sa pintuan. Gulo-gulo ang buhok nito at para bang walang tulog.

"U-uncle..."

Mabibigat ang mga paa niyang naglakad palapit sa akin. Agad niyang binuksan ang gate na naka-lock. Nangangatog ang mga tuhod ko lalo't nakita ko si Mama na pulang-pula at hulas na hulas. Hindi pa siya nakakapagpalit ng damit.

"Heaven!" Malakas na sabi ni Uncle at bigla nalang akong niyakap nang mahigpit. "Saan ka ba nagpuntang bata ka? Pinag-alala mo kami!"

"Sorry po, Uncle..." paghingi ko ng tawad. Napatingin ako kay Mama na mabigat ang paghinga. Nakatingin lang siya sa akin.

Kumalas na ako sa yakap ni Uncle at napatingin kay Mama. Hindi pa rin siya kumikibo. "Mama, sorry po. Sorry! Magpapaliwanag po ako---" napatigil ako nang magsalita si Mama.

"We need to talk," tinuro niya ang bahay namin, "NOW!" Sigaw niya at naunang pumasok sa loob.

Napatingin ako kay Uncle na para bang nanghihingi ng tulong. Pero sinenyasan niya nalang ako na pumasok sa loob. Wala na akong nagawa pa at sumunod na lang.

Pagkapasok na pagkapasok sa loob ay nakita ko si Mama na naka-upo sa sala. Napansin kong ang gulo sa loob ng bahay.

"Upo! umupo ka," utos ni Mama.

Umupo agad ako sa harap ni Mama. Samantalang si Uncle ay nakatayo sa tabi ng pinto at nakikinig sa amin.

"Saan ka nagpunta?" Nagsimula nang magtanong si Mama. Napalunok muna ako bago sumagot.

"Mama... hindi ko ho---" Napahinto ako.

"Ang tinatanong ko sayo, saan ka nagpunta?" Mahinahon na tanong ni Mama

Natigilan ako nang mapagtantong hindi ko maalala kung saan talaga ako nagpunta. Ngunit naalala ko ang kwinento sa akin ni Miko na nanggaling daw ako sa Grocery store na pinagtratrabahuan niya. Oo, naniniwala naman ako sa kaniya.

"Sa Grocery store po," sagot ko sabay pakita ng mga plastic bags na hawak ko. "Naisipan ko po kasi kagabi na maggrocery saglit..." paliwanag ko.

"Naggrocery ka lang pala, bakit ngayon ka lang nakauwi?!"

Fudge. Anong ipapaliwanag ko kay Mama? Anong sasabihin ko sa kanila kung wala naman talaga akong maalala ni katiting man lang?

"Bakit hindi ka makasagot ngayon? Pumunta ka sa boyfriend mo? May boyfriend ka na?!" Napatayo si Mama.

"Ma, wala po akong boyfriend!"

"Kung wala, saan ka nanggaling at anong nangyari sayo? Magpaliwanag ka ngayon din!" Lumapit si Mama sa akin at umupo sa tabi ko.

"Ma, naggrocery po ako kagabi... pagkatapos ay wala na akong maalala. Pagkagising ko po ay nasa bahay na po ako ng--- kaibigan ko," sabi ko.

"Anong wala kang maalala?" Tanong ni Mama.

"Ma, totoo po ang sinasabi ko. Wala po talaga akong maalala pagkatapos kong maggrocery," paliwanag ko. Nagulat ako nang hawakan ni Mama ang pisngi ko.

"Ayos ka lang ba talaga, Ven?" Nag-aalala nitong tanong sa akin. Ang kaninang tigreng aura ay napalitan ng isang maamo at nag-aalalang aura.

"Ma, gulong-gulo na po ako..." mahinang sabi ko. Nakita kong nagtaka si Mama sa sinabi ko. "Ma, kilala nila ako pero hindi ko sila kilala."

"Sinong sila ang tinutukoy mo, anak?" tanong ni Mama sa akin. Nagkibit balikat na lamang ako. Hindi ko rin alam.

"Kanina..." bumalik na naman sa ala-ala ko ang babaeng naka-itim kanina. Napapikit ako nang maalala ko ito. Gustong-gusto ko itong sabihin kina Mama. "May nakausap po akong baliw na babae," huminto ako.

"Baliw?"

"Ma, kung anu-ano po ang sinasabi niya sa akin. Hindi ko naman maintindihan ang mga sinasabi niya. Dinidiin niya sa akin ang isang tao na hindi naman talaga ako."

"Ano? Ipaliwanag mo sa akin. Anong idinidiin niya sayo? Sabihin mo sa amin, Ven," sabi ni Mama at saka niya binaba ang pagkakahawak niya sa pisngi ko. Napalitan ang mukha niya ng pagtataka.

Sasabihin ko ba? Huwag nalang kaya?

Pero kating-kati ang bibig kong sabihin sa kanila. Gusto kong malinawan. Baka lahat ng tanong ko ay may kasagutan. Kasagutang mula kina Mama.

"Isa raw po akong..." huminto ako at napatawa nang mahina, "Isa raw po akong Healer." Tumawa ako at umaasang tatawa rin sila Mama pero nagtaka ako nang seryoso lamang silang nakatingin sa akin. Bakas sa mukha nila ang pagkagulat. Talaga nga namang kagulat-gulat ang sinabi ko.

"Heaven, makinig ka."

Nagulat ako nang mabilis na lumapit sa akin si Uncle. Umupo siya sa harap ko, iyong pwesto na inupuan ni Mama kanina. Hindi ko maintindihan pero nagbago ang emosyong pinapakita ni Uncle. Para bang takot na may halong gulat--- basta hindi ko mawari.

"Huwag kang makinig sa kanila, okay? Mas mabuting umiwas ka sa kanila hangga't maaari. Alam mo naman siguro sa sarili mo kung anong totoo at hindi, 'di ba? Mas mabuting makinig ka sa amin ni Faith. Lagi kang mag-iingat."

"Bakit, Uncle? Ano po bang meron sa akin?" Tanong ko sa kaniya. Base sa pagkakasabi ni Uncle ay para bang nasa delikado ang buhay ko.

"Oo, Heaven. Hindi mo alam kung anong tumatakbo sa isipan ng mga tao ngayon. Ayokong maulit ito, maliwanag ba?" Tumango ako.

"P-pero bakit may mga pagkakataong kilala ako ng isang tao pero hindi ko naman sila kilala? Uncle, gulong-gulo po ako. May sakit ba ako o nag ka-amnesia? Nabagok ang ulo?" Sunod-sunod na tanong ko.

Tumahimik silang dalawa. Naramdaman kong hinawakan ako ni Mama sa balikat. Hindi ko maintindihan ang sarili ko at bigla na lamang akong napaiwas. Tila ba ay bumalik sa ala-ala ko ang babae kanina.

"May mga bagay talaga sa mundo na hindi maipaliwanag." 'Yan lang huling sinabi ni Uncle bago siya tumayo at lumabas.

"Ayos ka lang ba, anak?" Nag-aalalang tanong ni Mama sa akin. "Ako 'to, huwag kang matakot sa akin."

"Ma, siguro ay nilalaro lang ako ng isip ko o hindi kaya ay makakalimutan talaga akong tao, hindi ba?" Pinilit kong ngumiti.

Niyakap ako ni Mama. "Anak, darating din ang oras na maiintindihan mo ang lahat. Hindi pa muna sa ngayon dahil delikado. Huwag na sana 'tong maulit," sabi ni Mama.

Ano bang sinasabi nilang delikado?

Ugh. Pakiramdam ko, pinaglalaruan lang ako ng mundo. Gusto kong magkaroon ng kasagutan. Pero paano? Hindi ako tinitigilan ng kuryosidad na bumubuhay sa isip ko.

 
 
END OF CHAPTER SIX

The Healer 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon