Hindi ko namalayang nakatulog pala ako sa byahe. Pagkamulat ng mga mata ko ay mag-isa nalang ako sa loob ng sasakyan. Inayos ko ang pagkaka-upo ko at napatingin sa labas. Nagtaka ako dahil nasa ibang lugar ako na hindi pamilyar sa akin. Napapalibutan ito ng mga nagsisitaasang mga puno. Madilim na rin ang kalangitan at paniguradong gabi na. May mga ilang poste ng ilaw ang nagliliwanag sa paligid. Pero nasaan nga ba ako? Nasaan si Mama?
Tinanggal ko ang seatbelt ko at lumabas sa loob ng sasakyan. Nilibot ko muli ang tingin ko at bukod sa mga nagsisitaasang puno ay may mataas na bakod ang nasa harap ko. May mga alambre na nakapalibot sa itaas ng bakod. Mayroong nag-iisang pinto ang nasa gitna, bukod sa pintuang iyon ay wala ng iba pa.
"Nasaan ba ako?" bulong ko sa sarili ko. Nagsimula akong humakbang para tumingin-tingin sa paligid at nagbabakasakaling makita ko si Mama.
"Mama? Ma?!" Tawag ko. "Nandiyan ka ba ma?!" Ulit ko ngunit walang sumasagot. Tanging mga tunog ng sumasayaw na dahon ang naririnig ko. Sobrang lamig ng simoy ng hangin. Ang tahimik. Sobrang tahimik.
Isa lang ang nakakasiguro ako... wala ako sa Manila. Nasa isa akong liblib na lugar na kung saan ay puro puno at wala kang maririnig na busina o makina ng mga sasakyan.
Napalingon ako sa likuran upang tingnan kung may iba pa bang daan na puwede naming dinaanan ni Mama pero tanging isang daan lang mayroon. Isang deretsong daan na hindi mo matukoy kung ano ang labas o kaduluduluhan nito.
Nasaan ako? Nasaan si Mama? At papaanong nakarating kami sa lugar na ito?
Nakaramdam ako ng takot at kaba. Takot na baka kung ano ang puwedeng mangyari sa akin dito at kaba kung nasaan si Mama.
Ibinalik ko ang tingin sa isang pintuan. Baka pumasok doon sa loob si Mama dahil wala na akong makita pang pwedeng mapuntahan ni Mama kundi ang nasa loob ng nagsisitaasang bakod na iyon.
Nagsimula na akong maglakad palapit at nang makarating na ako sa harap ng pintuan ay napansin kong gawa ito sa metal. Hinanap ko ang pwedeng hawakan o bukasan ng pinto ngunit wala. Paano ba bubuksan ang pintuang ito?
Nagtaka ako nang makita ko ang isang button na kulay itim sa gilid. Sa tabi nito ay isang itim at maliit na salamin. Inilapit ko ang mukha ko sa pinto at sinubukang sumilip sa salamin ngunit laking gulat ko nang may tumamang pulang ilaw sa mata ko dahilan upang mapaatras ako sa gulat.
Kinusot ko ang mata ko habang gulat na nakatingin sa pinto. Mayroon ngang pulang ilaw sa salaming iyon. Kahit tinamaan na ako ng takot at kaba ay lumapit pa rin ako sa pintuan at pinindot ang button.
"Ahhh!" Napasigaw ako sa gulat nang kusang nagslide pagilid ang pintuan. P-paanong nangyari iyon?
Ayaw humakbang ng paa ko papasok dahil natatakot ako sa pwedeng sumalubong sa akin sa loob. Maaari akong kasuhan ng trespassing nito. Pero naalala ko si Mama. Hihintayin ko ba siya sa loob ng sasakyan? O papasok ako sa loob at hahanapin ko siya?
"P-papasok ba ako?" Tanong ko sa sarili ko.
Sinubukan kong ihakbang ang paa ko sa loob at laking gulat ko na dahan-dahang nagsaslide pasara ang pinto kaya mabilis kong sinunod ang paa ko sa takot. Pero nasampal ko ang sarili ko nang mapagtanto ang ginawa ko. Pumasok ako!
Tuluyan nang nagsarado ang pinto at pilit ko itong tinutulak ngunit ayaw na nitong bumukas. Mayroon pa ring button at salamin sa likod ng pintuan. Pinindot ko muli ang button ngunit ayaw na nitong bumukas!
"Arghh!"
Isang sigaw ng babae ang narinig ko at ang mabibilis nitong mga yapak papalapit sa pwesto ko. Napatingin tuloy ako sa likuran ko at saka ko lamang napagtantong ang dilim din dito sa loob at may ilang mga poste ng ilaw ang nagpapatay sindi. Wala nang puno sa loob kundi mga malalaking truck. Nasaang lugar ba ako? Papaano ako napunta dito?!
BINABASA MO ANG
The Healer 2
Science FictionMaraming nagbago sa buhay ni Heaven Carlos. Madaming mga katanungan ang gumugulo sa kaniya kahit ang kaniyang sarili ay pinagdududahan niya. Hindi niya alam kung ano at sino ang kaniyang pagkakatiwalaan. Madami siyang katanungan na pilit niyang hina...