Chapter 11

367 18 3
                                    

Heaven's Point of View

Napadilat ako nang marinig kong nagriring ang phone ko. Napahawak ako sa bibig ko at saka ko lang napagtantong nakatulog pala ako. Tumingin ako sa Alarm clock na nakapatong sa study table ko. 

"5:30 na pala!" Gulat na sabi ko. Napatingin ako sa phone kong nakapatong lang sa kama ko na kanina pa nagriring. Kinuha ko ito at nakita kong si Myra ang caller. Bakit kaya napatawag ang babaeng ito?

Sinagot ko na ang tawag bago pa ito mamatay. "Oh, bakit?" tanong ko sa kabilang linya.

"Nasaan ka ngayon?" Tanong niya. Napataas ang kilay ko at bahagyang natawa.

"Bakit mo ba tinatanong, ha? Nasa bahay lang naman ako."

"Ah, wala naman, gusto ko lang malaman kung may nagawa ka na sa Research natin? Malapit na ang deadline nun." 

Nanlaki ang mga mata ko at mabilis na bumangon mula sa pagkakahiga. Tumakbo ako palapit sa study table ko at agad na binuksan ang Laptop ko. Patay! Wala pa ako sa kalahati--- sa katunayan nga, wala pa talaga akong nasisimulan.

"Masyado ka namang nagulat sa sinabi ko. Haist, mukha yatang naistorbo kita hahaha!" 

"Talaga! Istorbo ka. Ang sarap-sarap ng tulog ko tapos gigisingin mo lang ako para sa Research na 'to?!" 

Narinig kong tumawa siya sa kabilang linya. Maya-maya pa ay may narinig akong boses ng isang lalaki. Sobrang lalim ng boses nito at medyo malakas kung kaya't naririnig ko.

"Ma'am, pinapatawag po kayo ng Daddy niyo, may kailangan raw po kayong---" Napahinto ang lalaki nang biglang magsalita si Myra. "Okay," seryosong sabi ni Myra at mabilis na ibinaba ang tawag. 

Naiwan naman akong nakatulala lang sa Laptop ko. Tama ba iyong narinig ko? Si Myra, tinatawag siyang Ma'am ng isang lalaki? Hmm, sabagay. Mayaman naman talaga si Myra at hindi na ako nagtataka na may mga maid at guards ang babaeng iyon. Lalo't nasa ibang bansa ang Daddy niya pero ang pagkakarinig ko kanina ay pinapatawag siya ng Daddy niya--- ibig sabihin nandito na sa Pinas ang Daddy niya?

"Teka nga, bakit ko naman iniisip pa 'yon? Ano bang pakialam ko."

Umupo ako sa isang upuan at saka humarap sa Laptop. Kailangan ko na talagang magsimula dahil malapit na rin ang deadline ng nito.

Lumipas ang ilang oras ay nilayasan ko na ang Research ko. Lumabas ako ng kwarto at saka tumambay sa kusina. Kumuha ako ng mga cookies na halatang mga bagong order ni Mama.

Nandito ako ngayon sa Dining namin, nakaupo at kumakain. Iniisip ko pa rin kasi iyong mga nangyari nitong mga nakaraang araw. Paniguradong lahat iyon ay may dahilan. Iyong mga taong umaaligid sa akin, panigurado ring may pakay sila sa akin. 'Yung babae na baliw na sinaksak ko? Sigurado rin akong may dahilan kung bakit hindi niya ako maalala at iyong time na ibinigay niya sa akin ang phone number niya? Oo, talaga ngang kailangan niya ako.

Pero anong makukuha nila sa isang tulad kong estudyante pa lamang ng kolehiyo? Hindi pa ako nakakapagtapos at wala rin akong pera. Imposible rin namang isa akong manggagamot o kaya Healer na tinatawag ni Ate Soña. 'Di ba? Imposible nga.

"Ang lalim ng iniisip mo, ah?"

Nagulat ako nang may nagsalita sa harap ko. Napatingin ako at nakita ko si Uncle na umupo sa tapat ko. Nagmano agad ako nang makita ko siya at inalok siya ng Cookies pero tumanggi siya.

"Ah, wala lang ito, Uncle," sabi ko. "Saka anong oras po ba kayo nakarating dito sa bahay?"

"Kani-kanina lang, may inihatid lang akong importante kay Faith," sabi ni Uncle. "Kamusta naman 'yung gala ninyo ng Tita Jona mo kahapon?" Tanong ni Uncle.

"Masaya po, Uncle. Ang bait-bait po ni Tita Jona kahit may pagka-strikta siya," sagot ko. "Si Delia naman po na laging tutok sa phone, maldita po pero mabait naman po pala."

"Oh? Si Delia?" Natawa nang mahina si Uncle. "Ganoon talaga ang batang iyon kahit dati."

Tumango ako. "Hindi ko ho akalain na makakasundo ko siya kahit papaano."

"Talaga ba?" Gulat na tanong ni Uncle kaya tumango ako. "Nakakatuwa naman at nagkasundo kayong dalawa," dugtong ni Uncle.

Ngumiti lang ako atsaka sumubo ng isang cookies. Naalala ko iyong nagselfie kami ni Delia sa loob ng fitting room. Natatawa at napapa-iling nalang ako nang maalala ko iyon.

Napatingin ako kay Uncle nang makarinig kami ng nagriring na telepono.

"Teka lang, may tumatawag." Tumayo si Uncle at pumunta sa sala namin. Nakita kong kinuha niya ang cellphone niyang nakalagay sa bag. Pagkatapos ay naglakad siya palabas ng bahay.

Sinarado ko na ang box ng Cookies na kinakain ko at saka ako tumayo at pumunta sa Ref upang ibalik ang kahong hawak ko.

Pagkatapos ko itong ibalik ay dumeretso ako sa Sala at umupo sa Sofa. Kinuha ko ang remote control na nasa tabi ng bag ni Uncle na hindi kalayuan sa inuupuan ko.

Nang abutin ko ang remote control ay may napatingin ako sa bag ni Uncle na nakabukas ang zipper. Naiwang bukas ni Uncle ang bag niya. Hindi ko naman maiwasang sumilip at makita ang isang litrato. Tumayo ako mula sa pagkakaupo at kinuha ang litrato.

Litrato ito ng limang tao na nakasuot ng lab coat. Lumang-luma na ang litratong ito at lukot-lukot na pero nakikita ko pa rin ang mga hitsura nila. Dalawang lalaki at tatlong babae. Kapwa mga seryoso ang tingin nila. Sa likuran nila ay puro makina at mga kagamitang makikita mo lamang sa mga Laboratory.

Ibinaliktad ko ang litratong papel at may mga nakasulat na pangalan sa likod: Señorito Moc, Jona, Faith, Alfaro at Lenora.

T-teka, nandito ang pangalan ni Mama at Tita Jona. Ibinaliktad ko muli ang litrato at tinitigan nang mabuti ang mga tao sa larawan. Iyong isa ay isang matangkad na babae at hawig ni Mama, bata pa ang hitsura nito at sigurado akong si Mama nga ito!

Lumipat ang tingin ko sa babaeng nakabangs at seryoso lang kung tumingin. At hindi ako nagkakamali... si Tita Jona ito.

Pero bakit nandito sila?

Bakit nakasuot sila ng mga kasuotang mga pangscientist? Bakit iba ang mga hitsura at pananamit nila?

"Heaven."

Nagulat ako at napatingin kay Uncle na kakapasok pa lamang. Hawak niya ang telepono niya at nakatingin sa akin na nagtataka.

"Anong tinitingnan mo diyan?"

Pasimple kong ipinasok ang litrato at mabilis na kinuha ang control ng TV. Inangat ko agad ito upang makita ni Uncle.

"Iyong control po, nakaipit sa bag niyo," sabi ko.

Tumango si Uncle at lumapit sa akin. Ibinalik niya ang telepono niya sa loob ng bag niya at sinarado na ito. "Aalis na ako, Heaven. May kailangan kasi akong puntahan sa Hospital," sabi ni Uncle habang isinusukbit niya ang bag sa balikat niya.

Nagmano ako at tumango. "Sige po, ingat," sabi ko at sinundan si Uncle palabas ng bahay.

Ako na ang nagsarado ng gate matapos ilabas ni Uncle ang sasakyan niya. Nang makalayo na ito ay saka ko lamang napansin na may lalaking nasa tapat lang namin. Nakasuot siya ng mask at nakasakay sa motor. Halatang binata siya na siguro ay ka-edad ko lamang. Nakatingin lang siya sa akin. Sandali... ang mga mata niya. Parang nakita ko na siya noon?

Sinuot niya ang hawak niyang helmet at saka pinaandar ang motor na sakay niya. Pinaharurot niya nang mabilis ang motor niya.

Sino kaya ang lalaking iyon?

"Heaven, pumasok ka na rito sa loob." Narinig ko ang boses ni Mama.

"Opo, Ma!" Sabi ko at saka naglakad pabalik sa loob ng bahay.

 
 
END OF CHAPTER ELEVEN
 

The Healer 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon