Chapter 24

268 9 1
                                    

HEAVEN'S POV

Hindi ako makagalaw. Nanginginig ang labi ko sa takot at kaba. Nanatili pa ring nakatutok ang tingin ko kay Erra. Natatakot ako sa pwedeng mangyari sa kaniya... hindi ko pa man gaanong kilala si Erra pero alam kong matapang siya. Pero sapat ba ang tapang niya sa sitwasyon namin ngayon?

Napalunok ako nang dumiin ang isang bagay sa likod ko. Ayaw kong lumingon dahil natatakot ako. Napapikit ako at dinama ang presensiya ng tao na nasa likuran ko.

Napadilat ako at dahan-dahan kong inilingon ang ulo ko. Gulat ang bumakas sa mukha ko nang makita ang isang lalaki na may hawak na malaking baril--- siya ang lalaki na nagtanggal ng tali sa akin kanina... si J. Tinitigan ko ang kulay abo nitong mga mata. Hindi ko maiwasang mapatitig sa mga mata niya na kakaiba ang kulay.

Dahan-dahan siyang tumayo at inilahad ang kamay niya sa akin. Nagpalitan ang tingin ko sa mukha niya at sa kamay  niya. Nagtatalo ang isip ko kung dapat ko nga ba siyang pagkatiwalaan? Pero ang mga mata niya... para bang nagsasabi ito na magtiwala ako.

Iniangat ko ang kamay ko at tinanggap ang kamay niya. Inalalayan niya akong tumayo dahil nanghihina ang mga tuhod ko, idagdag mo pa ang sakit ng pagkakabagsak ko kanina. Dahan-dahan niya akong inalalayan sa paglakad. Nasa madilim kaming parte ng malawak na istrakturang ito. 

Habang dahan-dahan kaming naglalakad ay nakaramdam ako ng malakas na kalabog sa paligid ko. Napahinto ako nang maalala ko si Erra. Maluha-luha akong napatingin sa lalaki at itinuro ang direksyon ni Erra. Sinubukan kong ibuka ang bibig ko at nagbigkas ng, "S-si E-erra."

Ngumiti ang lalaki sa akin at patuloy pa rin sa pag-alalay sa akin. H-hindi ba niya ako naiintindihan?

Pinigilan ko ang sarili ko sa pag-alalay niya sa akin. Umiling-iling ako at pinilit na tanggalin ang kamay niyang nakaalalay sa bewang ko. Mahina ko siyang itinulak na ikinatumba ko. Mabilis niya naman akong sinalo kaagad. 

S-Sino ka ba?

Gumapang ako palayo sa lalaki upang tingnan ang kalagayan ni Erra. Ngunit masyadong malakas ang lalaki sa akin kung kaya't napigilan niya ako kaagad. Galit ko siyang tiningnan habang iwinawaksi ko ang kamay niya.

"Stay here." Basa ko sa pagbuka ng bibig niya. Bigla siyang tumayo at sinenyasan akong huwag aalis sa pwesto ko. Matapos niyang gawin iyon ay tumakbo siya palayo sa akin hanggang sa natabunan na siya ng kadiliman at hindi ko na tuluyan pang makita siya.

Ito na ang pagkakataon...

Gumapang ako sa abot ng makakaya ko hanggang sa matanaw ko si Erra--- SI ERRA! Napasigaw ako sa loob-loob ko nang makita kong duguan ang uniporme ni Erra. Nakaluhod siya sa sahig habang naglalakad palapit sa kaniya ang babaeng naka-unipormeng itim at may hawak na baril na nakatutok kay Erra.

Napatakip ako sa bibig at tuluyan nang bumagsak ang luha ko. ANG HINA KO, WALA AKONG MAGAWA! ISA AKONG MALAKING DUWAG! sigaw ko sa sarili ko habang nanginginig na sa galit.

Isang malaking liwanag ang tumama sa babaeng naka-itim. Sa sobrang bilis ng pangyayari ay naabutan ko na lamang na nakabulagta sa sahig ang babae habang nangingisay ito. Tila ba may boltahe ng kuryente na kumikislap sa buo niyang katawan.

A-anong nangyari?!

Napatingin ako kay Erra na gulat ding nakatingin sa babae. Maya-maya pa ay nasa likuran na ni Erra ang lalaking tumulong sa akin kanina. Bitbit pa rin niya ang malaking baril--- sa takot ko ay pinilit kong tumayo at lumabas sa pinagtataguan ko. "H-HUWAG!" bigkas ko.

Sabay silang napatingin sa akin na may gulat sa mukha. Nagulat din ako nang makitang inalalayan ng lalaki si Erra sa pagtayo. Kabaliktaran ng nasa naiisip ko ngayon. Sino ba talaga ang lalaking iyan at bakit niya kami tinutulungan? Hindi ba't kalaban siya? Siya pa nga ang dumukot sa akin kanina!

The Healer 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon