XXIV - Let's Play Pretend

2K 90 34
                                    

      Ang laro ng pagpapanggap.

      Ayon kay Xenon, noong nagka-usap kami kagabi, ay may bago kaming lalaruin. Tapos na ang hide-and-seek kaya bagong laro naman ang nais nilang subukan.

      Hindi siya nagkamali.

      Andito ako ngayon sa study ni Tito– ni Dad. Pinatawag niya ako dito kaninang pagkatapos mag-almusal dahil gusto niya raw akong maka-usap.

      Akala ko noong una ay kung ano na. Iyon pala ay gusto niyang itago ko muna ang totoong pagkatao ko. Magpapanggap pa rin silang patay na si Alexandria, at ako ay papasok ulit sa Academy at magpapakilala na si Aria Sandoval.

      Sabi ni Daddy, ito raw ang mas mabuting gawin sa ngayon. Hindi lang para maprotektahan ako, kundi para na rin hindi makapagbigay ng impormasyon sa kahit sino man.

      Pumayag naman ako sa nais niya. Naiintindihan ko naman ang desisyon niya, at wala namang kaso sa'kin iyon. Isa pa ay hindi ko rin nais ipangalandakan kung sino ako.

      Ngayon ay alam ko na ang bagong larong tinutukoy ni Xenon.

      Ang laro ng pagpapanggap.

      Iniisip ko lang kung paano nalaman ito ni Xenon. Ang lalaking iyon, nakakatakot. Parang masyado siyang maraming alam.

      "Oo nga pala anak, gusto kang maka-usap ng Mommy mo." Napatayo naman ako ng tuwid nang marinig ko ang pagtawag niya sa'kin ng 'anak'.

      Sobrang nakaka-panibago. Tinatawag din akong anak ni Mama, pero iba sa pakiramdam kapag sa totoong magulang mo ito nanggaling. Isa pa, lumaki rin akong walang tinatawag na Ama, kaya hindi ko narinig ang salitang iyon sa isang Ama.

      Tumango ako sa kanya at nginitian siya.

      "Sige po, puntahan ko nalang po siya sa kusina." Nasabi sa akin nila Yohan... kuya Yohan... na mahilig magluto ang Mommy nila, namin. Doon din daw siya madalas maglagi sa kusina, kaya sa tingin ko naman ay doon ko siya makikita.

      Nang sigurado na akong wala na kaming ibang pag-uusapan ay nagpa-alam na rin ako. Medyo naiilang pa rin ako ng konti sa kanila. Siguro dahil hindi ako sanay?

      Mabuti nalang at naging kaibigan ko na noon pa sila kuya Yohan, kaya kahit papaano ay kumportable naman ako. Ngunit ibang usapan pa rin ang pagiging pamilya.

      Paglabas ko ng study ay ang tahimik na hallway ang sumalubong sa'kin. Isa pa itong nakakapanibago.

      Masyado kasing malaki ang mansion, kaya naman kahit alam kong andito lang ang mga kapatid ko ay hindi ko pa rin sila nakikita.

      May mangilan-ngilang kasambahay akong nakasalubong habang naglalakad. Binabati at nginingitian naman nila ako kaya iyon din ang ginagawa ko.

      Sa tingin ko nga ay mas madalas ko pa silang makita kesa kanila Tra- kuya Travis.

      Pababa na ako ng hagdan nang makasalubong ko si sir Saturn kaya natigilan ako. Oo nga't siya ang PE teacher ko, pero siya rin nga pala ang head of security ng Montecillo Family.

      "Good morning po Si-"

      "Good morning Ma'am Alexandria." Napa-awang naman ang bibig ko dahil sa sinabi ni Sir Saturn. Ni hindi niya man lang ako pinatapos magsalita.

      Hindi na ako magtataka kung alam niyang ako si Alexandria. Maaaring sinabi iyon sa kanya nila Daddy, lalo pa't siya ang head of security ng pamilya na 'to. Pero medyo nakaka-ilang na tinatawag akong "ma' am" ng teacher ko sa PE Class.

Alexandria MontecilloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon