XLII - Día de Honor

926 58 27
                                    

       Honor Day.

       Ngayon ang araw ng pagkamatay ni Tita Nichole. Alam ko na rin ang buong nangyari sampung taon na ang nakakaraan.

       Ayon kanila Kuya, mag-bestfriends daw sila Tita at ang Mommy ni Xenon. Hindi pa rin nila alam kung ano bang rason, ngunit sabi raw ni Tito Jace ay nakatanggap ng tawag si Tita Xierra mula kay Tita Nichole isang gabi. Walang binaggit na kahit ano si Tita Xierra, at nagmamadali lang daw itong umalis. Hinayaan lang naman daw sila ni Tito dahil alam naman niya kung gaano ka-close ang dalawa. Marahil ay inisip niyang wala lang iyon.

       Ilang oras ang nakalipas, nakatanggap nalang ng tawag sila Daddy at Tito Jace dahil naaksidente raw sila Tita. Bumangga ang kotse nila sa isang puno, at sabi ni kuya ay hindi pa rin naniniwala si Daddy na aksidente lang iyon. Masyado raw kasing malakas ang tama ng sasakyan sa puno, at alam naman nilang maingat magmaneho si Tita Xierra.

        Naisugod pa si Tita Nichole sa ospital, samantalang hindi naman umabot si Tita Xierra. Mas malaki kasi ang natamo niyang mga sugat. Wala noon si Tito Stephen sa Hillwood dahil ipinatawag siya noong araw na iyon sa Council, kaya kinabukasan na rin siya nakabalik. Mabuti nalang nga ay sa Montecillo Mansion natulog si Cassandra noong gabing iyon at hindi siya naiwang mag-isa sa bahay nila, kaya hindi naman nag-alala sila Mommy.

       Hanggang ngayon ay isa pa ring misteryo para sa kanila kung anong nangyari kay Tita Nichole. Gumaling naman daw kasi ang pisikal na mga sugat nito, pero nanatili lang itong walang malay ng ilang araw hanggang sa tumigil nalang ng pagtibok ang puso niya. Wala namang nakitang bakas ng kahit anong lason sa katawan ni Tita, at wala ring iba pang problema. Napapatanong at napapa-isip din tuloy ako kung ano bang nangyari... at ewan ko pero pakiramdam ko ay may importanteng plano sila Tita Xierra noong gabing iyon.

       Hindi kaya may nalaman silang dalawa? At maaaring iyon ang ikinapahamak nila? Hay. Nasosobrahan ata ako sa kakabasa ng mga libro.

       "We're almost there." Napalingon ako sa katabi ko at napatango nalang, bago ko itinuon ang atensyon sa labas ng bintana. Kitang-kita ko na sa labas ang pamilyar na daanan papunta sa Hillwood Memorial.

       Sabi ni Mommy, hindi naman daw nila gusto na malungkot ang araw na ito. Sa umaga ay pumupunta muna ang buong pamilya sa libingan ni Tita Nichole, at mananatili roon ng ilang oras. Pagkatapos ay magtatanghalian bago dumiretso sa mismong event. Napagkasunduan daw kasi nila Daddy at Tito Stephen na gawin nalang itong araw ng pag-alala sa mga nagawa ni Tita, kesa maging malungkot.

       "Nichole wouldn't want to see her family mourning either." Iyon ang mga salitang binitawan ni Mommy kagabi.

       Nang namatay ang mga magulang nila Daddy at Tita Nichole, hinati sa kanilang dalawa ang mga ari-arian nila. Pinagpatuloy ni Daddy ang mga business nila, at ang pamamahala sa Montecillo Academy. Si Tita Nichole naman ang nagpatuloy ng mga naitayong Foundations ng mga magulang nila. Kahit walang masyadong kaibigan si Tita ay mahilig naman siyang tumulong, kaya hindi na nakakapagtakang nagpatayo rin siya ng sarili niyang negosyo kung saan lahat ng kinikita nito ay idino-donate niya sa mga lokal na Foundations ng Gobyerno.

       Kaya magkakaroon ng isang malaking event mamayang hapon, kung saan dadalo lahat ng mga bata sa Foundations at magkakaroon sila ng mga games. Parang isang malaking children's party para sa kanila, lalo pa't hindi naman lahat ay nabibiyaan ng pagkakataong magkaroon ng pamilya. Hindi naman kasi sila inaampon ng iba. Lumalaki silang tanging ang mga staffs at kapwa nila mga bata sa Foundations ang kinikilala nilang pamilya.

       Hindi ko tuloy maiwasang humanga kay Tita Nichole. Kaya bilang pag-alala nila sa kanya, ay ganito nalang ang ginagawa nila. Nakakatuwa naman. Ang buong akala ko kasi ay malungkot ang araw na ito. Mabuti nalang at naisip nila Tito Stephen at Daddy na gawing masaya nalang.

Alexandria MontecilloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon