20.
Because she stayed awake
Third Person's POV
Muling tumunog ang cellphone ni Cooper pero sa halip na sagutin ito ay nanatili lamang siyang nakatitig sa kawalan gaya ng kanina niya pa ginagawa. Ayaw tumigil sa pag-ring ng cellphone niya kaya di nagtagal ay wala siyang ibang nagawa kundi sagutin na lamang ito."Sino to?!" Inis niyang sambit.
"Cooper kasama mo ba si Agatha?" Natatarantang sambit Javi sa kabilang linya kaya agad na nakunot ang noo ni Cooper.
"Bumalik na siya diyan kanina pa. Bakit? hindi ba siya dumating?" Agad napatayo si Cooper at kinuha ang susi ng kotse niya.
"May nangyari, alam mo ba kung saan siya pwedeng pumunta? Cooper close kayo baka alam---"
"Javi ibaba mo na nga yan! Hindi natin ang kailangan ang tulong niya!" Narinig ni Cooper ang boses ni Reema at bigla na lamang naputol ang tawag. Sinubukan niyang tawagan si Javi ngunit hindi na ito sumasagot. Dala ng pag-aalala ay dali-dali siyang nagtatakbo palabas ng bahay at nagmaneho ng kotse.
“Agatha nasaan ka na ba?” Mahinang sambit ni Cooper habang kaliwat-kanang tinitingnan ang daan sa pagbabakasakaling mahahanap niya ito habang nagmamaneho. Kung saan-saan na siya nagtungo ngunit hindi parin niya ito nahahanap.
Muling tumawag si Javi kaya dali-dali niya itong sinagot.
“Cooper nahanap mo na ba siya?” Mangiyak-ngiyak na sambit ni Javi.
“Hindi ko mahanap si Agatha! Pumunta na ako sa bulaluan pero wala parin siya doon! Ano ba kasing—“ Hindi na nagawang tapusin pa ni Cooper ang kanyang sinasabi nang bigla na lamang siyang binabaan ni Javi bagay na labis niyang ikinainis kaya natapon na lamang niya ang cellphone niya.
Nasapo ni Cooper ang ulo at idinaan na lamang sa sigaw ang labis na pag-aalala. Nilibot niya muli ang paningin nang bigla na lamang sumagi sa isipan niya ang lugar kung saan niya huling dinala si Agatha—Sa dagat. Dala ng pagbabakasakali at desperasyon, agad niyang pinaharutot ang sasakyan.
-------
“Agatha! Agatha nasaan ka?!” Sigaw ng sigaw si Cooper habang tumatakbo sa dalampasigan. Tagaktak na ang pawis niya at bakas na ang matinding pagod sa mukha niya pero hindi parin siya tumitigil sa paghahanap kay Agatha.
Walang katao-tao sa dalampasigan. Maliban sa sariling sigaw, wala siyang ibang naririnig kundi ang huni ng mga ibon at ang paghampas ng tubig-dagat sa dalampasigan.
Natigil si Cooper sa pagtakbo nang maaninag niya ang isang babaeng nasa hindi kalayuan. Nakaupo ito sa pinong buhangin habang taimtim na pinagmamasdan ang asul at tila ba kumikislap na karagatan. Nililipad na ng malakas na hangin ang mahabang buhok ng babae ngunit parang wala itong pakialam.
Nakatalikod man mula sa kanya, kilalang-kilala na ni Cooper kung sino ito.
Napabuntong-hininga si Cooper at napahawak na lamang sa magkabilang bewang dahil sa inis.
Hindi man alam anong sasabihin, walang paligoy-ligoy siyang naglakad palapit dito. Hindi niya maiwasang magtaka, malapit na siya sa mismong kinauupuan ni Agatha pero hindi parin siya nito nililingon.
BINABASA MO ANG
Stay awake, Agatha (PUBLISHED UNDER PSICOM)
Teen FictionAgatha suffers from a rare disorder that makes her sleep in a long period of time. But what happens when the modern-day sleeping beauty meets an idiotic guy hell-bent on keeping her awake? Well, this is the story of two special teenagers fighting fo...