Chapter 13
R A V E NRamdam ko ang pananakit ng katawan ko maging ang likod ko na para bang ang tagal ng nakahiga kaya naman kahit pagod na pagod ay pinilit kong magmulat ng mata at bumangon. Bumungad sa akin ang puting kapaligiran. Isang kwarto na maraming mga botelya at ang laman ng ilan ay gamot at dahon-dahon. Sa kanan ko ay nakahilera ang dalawa pang kama.
Malapit sa pinto ang upuan at sa kabilang parte ng kwarto ay naroon ang isang babaeng maaring mas matanda sa akin.
"Mabuti nama't gising ka na."
"Nasa'n ako?"
Walang ibang tao maliban sa aming dalawa.
"Ito ang Healing Quarters," sagot niya. "May nagdala sa 'yo rito kagabi."
Tumayo ako at bahagyang ininda ang sakit. "Sino pong nagdala sa 'kin?"
Pinilit kong alalahanin kung sino man iyon. Ang naaalala ko ay may lalaki akong kausap sa Combat Hall. Naaalala ko rin ang pag-sermon niya sa akin. Naaalala kong kausap ko si Wade no'n. Panaginip lang ba 'yon?
Nagsalita naman ang babae. "Kilala ko siya, pero nagbilin siyang huwag kong sabihin."
Bigla kong ginusto na sana ay may kapangyarihan akong kagaya ng kay Ate Shana.
"Nga pala, Binibining Milan, bilin niyang alamin mo kung sino siya. Nag-iwan daw siya sa 'yo ng clue, ikaw na lang ang umalam," nakangiti niyang dagdag.
Tumango ako. "Bakit po ang sakit pa rin ng katawan ko? Hindi ba pwedeng mawala na lang agad 'to? Gusto ko na kasi malaman ang Property ko."
Ngumiti ulit ang babae. "Sabi kasi sa 'kin, 'wag daw kitang pagalingin ng tuluyan. Ang sabi pa niya, he wants you to experience physical pain."
Muli na namang pumasok sa isipan ko ang nangyari kagabi pati na ang mga sinabi ng lalaking kausap ko. Pain. He wants me to experience physical pain. Isang lalaki lang ang kilala kong matutuwa na natututo akong masaktan — Blaise Wade.
Posibleng hindi panaginip ang pag-uusap namin. Pero, paano ko siya hahanapin? Sa dinami-rami ng estudyanteng nag-aaral dito ay hindi ko siya mahahanap agad. Hindi ko na alam ang itsura niya. Sinubukan ko rin naman siyang hanapin gamit ang social media pero wala. Tingin ko'y ibang pangalan na ang ginamit niya.
Napabuntong-hininga na lang ako. "Mauna na po ako," paalam ko sa babae. "Salamat sa pagtulong."
"Walang anuman. Mag-ingat ka," aniya.
Nang makalabas ako ng kwarto ay isang hallway ang bumungad sa akin. Kumanan ako at paglabas ko ay ang tatlong hindi matatayog na gusali ang nakapalibot. Nasa sentro nito ang fountain. Kung gayon ay nasa building ako ng mga Lewis. Ang Healing Quarters ay nasa kinaroroonan nila. Mabilis akong naglakad patungo sa building namin. Nadaanan ko ang mga poste ng Green World at ang Dining Hall. Habang naglalakad ay napayakap ako sa sarili dahil sa malamig na simoy ng hangin na bumabalot sa katawan ko.
Wala pa rin akong nakikitang mga estudyante. Ano bang balak nila sa buhay nila? Bakit parang ako lang yata ang may pakialam kung paano magkaroon ng Property?
Dinala ako ng mga paa ko sa lugar kung saan ko nakuha ang mga pasa at sugat na meron ako. Pagbukas ko ng pinto ay sumalubong sa akin ang makapal na usok. Napaubo pa ako habang nakatakip ang kamay sa ilong.
BINABASA MO ANG
Nascent Internecine: War of Transients
FantasyNascent Internecine is a war, yet no one knows who will really survive. Welcome to Artesian Academy! Wienerzel Fantasy Series #1 Book cover credits to: Pzalm Franzenne Begasin (@franzenneee)