Nang Minsang Nagsungit Si Weirdie (An Encounter With a Badjao)

120 10 13
                                    

Nagsimula na ang Final Term last 3 or 4 weeks ago. Dumami at medyo bumigat na ang mga requirements. Ang saya lang mag aral, diba?

Pero sabi nga sa isa sa mga libro ng paborito kong author na si Bob Ong, mabuti na raw ang mahirapan ka sa halos 20 taong pag aaral kaysa hindi ka mag aral at maghirap habambuhay. Malaki ang punto niya hindi ba?

OO! Sumagot tayo ng oo. Huhuhu. Hindi talaga mawawala ang maghirap muna bago umunlad.

Isa nga sa requirements namin ay ang paggawa ng film sa Lit2 hango sa mga maiikling kwento na aming napag-aralan.

Wala pa mang nakatakdang maikling kwento para sa bawat grupo, malaki na ang hinala ko na lalaki na naman ang role ko.

Noon kasi sa Lit1, video rin ang requirement, lalaki ako. Naggwapuhan daw kasi sila sa dakila nyong Weirdie.

Kailan kaya ako masasabihang maganda at maging babae sa pelikula? (Nakahalumbaba sa bintana at nakatingin sa malayo)

Lalong umigting ang hinala ko nang pinili ng grupo namin ang "The Cask of Amontillado" ni Edgar Allan Poe.

May karisma talaga 'tong si Weirdie nyo dahil nakuha ko ang lead role, ang saya. Kaso, lalaki ulit ako. Ako na talaga. Ako na talaga ang mukhang lalaki na makabibighani sa mga panglalaking role. At sa puso nyo rin. Chos!

Naghagilap ako ng mga costume na panglalaki upang magamit sa taping. Taping talaga ang term para mukhang artista.

Sa UP kami nagpunta. Naghanap kami doon ng mga lugar na sakto para sa setting ng nasabing short story.

Puro tawa, tumbling, split at kandirit ang pinaggagagawa namin bago matapos ang lahat ng scenes. Kasi naman, hindi ko kayang magseryoso tapos kaeksena ko pa si Iris na gumaganap bilang Fortunato. Tatawa muna talaga kami bago mag "action." Tapos si Christine ang camerawoman at director. Isa pa 'yon.

Ang layo naman kasi sa katauhan ko ang inaakto ko bilang Montressor.

Bihis dito, project doon. Tapon ng lines dyan, seryoso doon. Ang saya lang din mag artista artistahan. Feels.

Natapos kami ng mga after lunch time. Sabay na kami umuwi ni Christine. Jeep ang sinakyan naming sasakyan.

Tahimik lang kaming nakaupo sa loob ng jeep. Mayamya may sumakay na dalawang bata. Tinatawag silang mga Badjao.

Kung wala nito sa mga lugar niyo, sila ang mga bata o pamilyang nanggaling sa probinsya ng Pilipinas na nakarating dito sa Maynila. Sila ay sumasakay ng mga jeepney upang manghingi ng limos. Minsan sila ay may pito at tambol para tugtugin.

Nagbigay ng mga sobre na may nakalagay na "Pahingi po ng kaunting tulong pang kain namin" ang mga bata.

Nakapagtataka na biglang dumami ang mga batang iyan sa Maynila. Minsan may mga kasama pang sanggol. They don't know the danger they are in to in that kind of doings and actions.  (Napapaingles ako)

Dati nagbibigay ako ng pera pero may may mga nagsasabi na ang mga batang iyon ay bahagi ng sindikato o kaya naman ay ipangrrugby lang nila ang pera. Totoo ba 'yon? Pareho lang din naman kaming mahihirap. Sakto lang ang pera na ibinibigay sa akin. Wala din akong biscuit sa bag kaya hindi ako nakapagbigay. Hindi rin factor 'yong manilenya ako at sila ay probinsyano.

Ibinalik ko ang sobre sa bata. Walang laman. Hindi siya umalis sa harapan ko. Tinapatan niya ako at kinakalabit upang abutan sya ng hinihingi niyang pera. Akala niya siguro mandidiri ako sa kanya o kaya matatakot para bigyan ko siya pero hindi. May mentalidad ako na hindi kaagad nagtitiwala at naniniwala. Umiling ako. Hindi pa rin siya umalis. Hindi ko na rin siya tiningnan para umalis na sila ng kasama niya na nananahimik sa gilid. Ngunit nakaramdam ako ng kirot sa aking braso. Bumalik ang tingin ko sa bata at bumàba sa braso ko ang tingin. Hayun siya, kinukurot ako.

Mabuti na lang napigilan ko ang sarili kong kamay na ikiss ng hard ang braso niya. Tiningnan ko lang siya hanggang tigilan niya ang pagkurot sa akin. Tiningnan ko ang braso ko. Bumakat ang mga kuko niya at sinasabi ko sa inyo, masakit 'yong pagkakakurot niya. Tila may limang hantik na kumagat sa akin.

Bakit ako? Bakit ako ang kinurot niya? Pwede naman si Christine na katabi ko lang. Joke!

Hindi ko na sana papansinin ang ginawa niya pero kung hindi ko papansinin ang ginawa niya, sino ang gagawa at kailan niya iyon ititigil? Hindi rin ako magkakaroon ng peace of mind. I can't tolerate what he has done. I just can't. (Ingles ulit)

Ibinalik ko ang tingin ko sa bata. "Bakit mo ako kinurot?"

Hindi siya sumagot at inilahad ang kamay niya sa akin na parang may patago syang pera.

Napatingin na sa akin ang ilang mga pasahero sa jeep. Keber!. Dapat ituwid ang baluktot.

"Hindi mo ako kailangang kurutin ha? Paano kung may ginanyan ka tapos bigla ka na lang saktan. Kawawa ka." Totoo naman. Maliit siyang bata siguro mga 7 or 8 o kaya naman mas matanda pa, sadya lang na maliit.

Umupo siya kaharap ko. Tinitingnan niya ako ng masama. Tiningnan ko rin siya, same intensity. Tila may kuryente na nagdudugtong sa aming mga mata.

"Suntukin kita eh." Sabi niya.

Nainis na ako ng very light. "Bakit mo ako susuntukin? Kayo na nga lang ang nanghihingi eh. Bumaba ka na nga! Madisgrasya pa kayo." Ang angas niya pero maangas din ako. Wala talagang magbibigay sa kanya o sa kanila kung ganyan sila. Nananakit.

Magsasalita pa sana 'yong bata pero sinaway na siya ng lalaking pasahero na katabi niya. Hindi ko alam kung pati rin ba ako ay sinasaway niya dahil pinapatulan ko 'yong bata pero wala akong pagsisisi. Ang mali ay dapat punahin.

Ngunit tingin ko mahirap itama ang mga ganoong bata lalo na at wala sa puder ng mga taong dapat itama sila.

Huminto sa babaan ang jeep. Bumaba na rin ang mga bata maya maya nakaramdam ako ng moderate na suntok sa likod ko mula sa bintana.

Sumigaw ang isang babae na kasakay namin ng "Salbahe!"

Tiningnan ni Christine ang braso ko na mayroon pa ring bakat ng kuko ng bata. Nagkatinginan kami. Badtrip ako at pagod ng very very light.

Pero nangiti ako pagkatapos ng nangyari.

Naisip ko 'yong bata. Matapang siya. Isang katangian na kailangan para mabuhay sa magulo at malaking mundo. Sana lang gamitin niya 'yong katapangan niya para lumaban sa kung nasaan siya at upang ipaglaban ang kanyang karapatan na mabuhay ng naayon sa lipunan. Gayundin ang naayon sa kanyang pangarap. Yun lang ay kung ang pangarap niya ang umunlad.

Sana.

Mga Kawirduhan Ni WeirdieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon