Chapter 27

67.2K 1.9K 264
                                        

ARKHE

TUMULOY AKO SA pakikipag-kita kay Nikola.

Halos kararating ko nga lang dito sa pinagta-trabahuan niyang coffee shop sa Makati. Naka-order na ako ng kape kanina sa loob tsaka nagpakita na rin ako saglit sa kanya para alam niyang nandito na ako. Hinihintay ko na lang siya ngayon dito sa mesa sa labas kasi lunchtime niya pa naman daw.

Mayamaya lang, napansin ko na rin siya na parating. Mukha namang masaya siya. Ang lapad ng ngiti niya pagkalabas ng pinto.

"Hi!" Bati niya agad sa 'kin. "Sorry, ang tagal ko ba?"

"Hindi naman. Sakto lang."

"Ito pala ang order mo." Nilagay niya rito sa pabilog na mesa ang pinagawa kong kape, tapos umupo na siya sa katapat kong silya. Inayos niya ang suot niyang uniform. "Okay lang sa 'yo rito sa labas? O gusto mong doon tayo sa loob para may aircon?"

"Ayos na rito. Makulimlim naman." Humigop na ako nitong kape.

"Sabagay. Bakit pala tumuloy ka pa rin ng punta rito? 'Di ba nagreply ako sa text mo kagabi na hindi naman na nating kailangang magkita? Nakakahiya, baka mamaya magalit pa si Isabela."

"Hindi gano'n si Sab. Mabait 'yon, naiintindihan niya lahat."

"Ah, okay. Wow." Ngumiti siya sabay tumingin sa relo niya. "Uhm, sorry hindi ako pwedeng magtagal masyado, ha? Patapos na kasi ang breaktime ko."

"Ayos lang, saglit lang din naman ako. Gusto ko lang malaman kung ano ba ang sasabihin mo, bakit nakikipagkita ka sa 'kin. May kailangan ba tayong pag-usapan?"

"Wala lang 'yon, ano ka ba." Natawa pa siya at inipit 'yung maiksi niyang buhok sa likod ng tenga niya. "Sabi ko naman sa 'yo wag mo nang isipin, eh."

"Ano nga?"

"Wala, hindi importante."

"Magte-text ka ba ng gano'n karami kung hindi pala importante 'yang sasabihin mo sa 'kin?"

Natigilan siya. Doon lang siya parang naging seryoso.

"Sabihin mo na," pilit ko na lang ulit. "Makikinig naman ako."

Sumilip muna siya sa salamin nitong coffee shop para yata siguraduhing walang nakatingin sa amin mula sa loob, tapos bumuntong-hininga siya. "Hindi naman talaga ganoon ka-importante. Ano lang, gusto ko lang sanang mag-sorry sa 'yo."

"Para saan?"

"Eh kasi hindi man lang talaga ako nagparamdam ulit sa 'yo pagkatapos nung huli nating pagkikita. Feeling ko ang sama ko kasi ang bait-bait mo na nga sa 'kin, tapos ako pa ang may ganang hindi magparamdam. Nakakahiya. Kaya gusto ko sanang makipagkita ulit sa 'yo at mag-sorry dahil baka mamaya, galit ka na rin sa 'kin."

"Ah. Hindi naman ako galit. Naiintindihan ko."

"Ewan ko, nakakahiya lang talaga." Bigla siyang nagtakip ng mukha.

Ang tagal niyang gano'n bago siya tumingin ulit sa 'kin. "Pero, alam mo ba kung bakit ko talaga pinili na hindi na magparamdam?"

"Bakit nga ba?"

"To be honest, ah. Aaminin ko sa 'yo kasi wala naman na ito sa 'kin ngayon." Tumingin muna ulit siya sa salamin nitong coffee shop bago nagpatuloy. "Kaya hindi na ako nagparamdam kasi feeling ko, nafo-fall na ako sa 'yo."

Hindi ako nakasagot. Umiwas lang ako ng tingin.

"Arkhe, I admit ako 'yung tipo ng babae na mabilis talagang mahulog. Pero kasi, hindi ka rin naman mahirap magustuhan. Sobrang bait mo at maalaga pa."

Bigla siyang naglipat ng tingin sa ilang mga sasakyan na dumadaan sa kalsada. Ang seryoso na ng dating niya ngayon. "Alam mo, nung una, takang-taka talaga ako kung bakit pilit ka pa ring nakikipagkita sa 'kin kahit na ang laki ng kasalanan ko sa inyo nila Desa. Pinagdudahan kita na baka may balak ka lang na gantihan ako. Pero nung nagka-usap na tayo nang maayos, medyo nawala 'yung masamang kutob ko. Natuwa ako kasi nakinig ka talaga sa 'kin. Lalo akong nabaitan sa 'yo. That time na galit na galit sa 'kin si Desa at si Baron, at pakiramdam ko ako na ang pinaka-masamang kaibigan sa mundo, hindi mo ako iniwan. Ikaw lang ang nakinig sa 'kin at hindi ako jinudge kahit na napaka-babaw ng dahilan ko kung bakit sinaktan ko ang sarili kong bestfriend."

Everything I Want [Book 1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon