ARKHE
"Boss Arkhe, ang ganda ng ngiti natin diyan ah?"
Napangisi na lang ako sa banat sa 'kin nitong isa kong bartender dito sa Third Base. Kanina pa pala ako tinitingnan ng ungas.
"Ano ba 'yang tinititigan mo sa laptop mo?" dagdag niya pa. "Babae ba 'yan?"
"Oo, chiks. Bakit?"
"Kaya pala ang lapad ng ngiti mo. Akin na lang 'yan, boss. Wala akong babae ngayon e."
"Gago!" Tinaasan ko siya ng gitnang daliri. "Hindi pwedeng hingin, akin ito."
"Tsk, sayang. Sige, kapag may extra ka na lang." Patawa-tawa pa siya habang palabas na rito sa opisina ko sa likod bitbit ang mga niligpit niya.
Parang gago talaga ang puta. Natawa na lang din ako sabay balik ng atensyon dito sa tinitingnan ko sa laptop.
Picture kasi ni Koko itong nandito.
Nililipat ko galing sa cellphone ko ang mga kuha ko sa kanya nong pumasyal kami sa Enchanted Kingdom. Hindi ko pa naman siya girlfriend, pero sabihin na nating malapit na rin doon.
Bestfriend siya ni Desa, 'yung girlfriend ni Baron ngayon. Sinwerte ang hayop, nakahanap ng true love. Matagal-tagal na rin sila. Hanga nga ako sa tatag ng relasyon ng dalawang 'yon, ibang klase.
Nung una, hindi ko naman talaga masyadong trip si Koko. Nikola nga pala ang totoo niyang pangalan. Nagandahan lang ako nung pinakilala sa 'kin ni Desa sa coffee shop. Barista kasi 'yon. Hiningi ko agad 'yung number, pero sa isip-isip ko no'n, chill lang ako. Tamang landi lang.
Kaso habang tumatagal na nakikilala ko siya pati nakakasama ko siya, parang nag-iiba na pakiramdam ko. Sobrang cute niya rin kasi tsaka parating nagpapatawa. Ang saya niyang kasama sa totoo lang. Gano'n na ulit ang gusto ko, 'yung walang problema. 'Yung kaya akong pasayahin tsaka 'yung alam kong makakasundo ko sa lahat ng bagay.
Tapos nito lang nga, niyaya kami ni Desa at Baron na pumunta sa E.K. Parang double date daw. Ang saya ko no'n. Doon ko naisip na tangina, parang nahuhulog na ako.
Sumandal ako rito sa inuupuan ko ngayon sabay tingala sa kisame.
Ilang araw ko na rin itong pinag-iisipan. Parang hindi kasi ako makapaniwalang nakakaramdam na naman ako ng ganito.
Apat na taon na mula nung gaguhin at iwanan ako ni Isabela. Simula no'n, hindi na ulit ako pumasok sa matinong relasyon. Puro landi na lang ulit ang pinaggagawa ko sa buhay. Pero ngayon dito kay Koko, pakiramdam ko kaya ko na uling mag-seryoso.
Mukha rin namang hindi ako mahihirapan na maging kami. Nabanggit kasi sa 'kin ni Baron na type din daw ako ni Nikola. Ang daldal ng hayop na 'yon. Alam ko dapat yata sikreto lang ni Desa at Koko ang tungkol do'n pero sinabi niya pa rin sa 'kin. Natatawa na lang ako kapag naaalala ko.
Ngayon, hindi pa ulit nagpaparamdam si Koko simula nung nag-E.K kami.
Ang dalang ng sumagot sa mga text at tawag ko. Sinubukan ko nang puntahan sa coffee shop na pinagtatrabahuan niya, kaso hindi raw pumasok. Hindi ko siya ma-tyempuhan. Iniisip ko kung ano nang nangyari sa kanya. Makulit sa text 'yon e, kaya nagtataka ako bakit biglang hindi na masyadong nagrereply.
"Boss? Boss Arkhe."
Nagulat na naman ako nung biglang sumulpot 'tong bartender ko sa pintuan.
Natawa na lang ako. "Tangina ano na namang kailangan mo?"
"May bisita ka. Babae."
"Sino?"
Pinapasok niya agad dito sa opisina ko. Si Desa pala. Umiiyak!
BINABASA MO ANG
Everything I Want [Book 1]
General Fiction[PUBLISHED UNDER POP FICTION] Handa si Isabela Rose Santiaguel na isakripisyo ang lahat-her wealth, her influence, and her advantageous betrothal to billionaire Morris Reverente-para kay Arkhe Alvarez, isang club DJ and infamous playboy. That's how...
![Everything I Want [Book 1]](https://img.wattpad.com/cover/165118100-64-k265786.jpg)